Seminary
Alma 9: Alalahanin ang mga Pagpapala ng Panginoon


“Alma 9: Alalahanin ang mga Pagpapala ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 9,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 9

Alalahanin ang mga Pagpapala ng Panginoon

Alma at Amulek

Paano ka pinagpala ng Panginoon? Ano ang inaasahan Niyang gawin mo matapos matanggap ang mga pagpapalang iyon? Nang sabihan nina Alma at Amulek ang mga tao ng Ammonihas na magsisi, hindi tinanggap ng mga tao ang kanilang mga turo. Itinuro ni Alma na inaasahan ng Panginoon na sila ay magiging mas mabuti kaysa sa mga Lamanita, na hindi pa naturuan ng katotohanan. Hinimok niya ang mga tao na alalahanin ang mga pagpapala ng Panginoon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matukoy at maalala ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Panginoon.

Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang ilang salita na maingat na pinili ay makadaragdag sa pagiging epektibo ng isang tanong. Ang isang tanong na pinag-isipan nang mabuti ay titimo sa isipan at puso ng iyong mga estudyante at magbibigay sa Espiritu Santo ng pagkakataong magturo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na mag-ukol ng isa o dalawang minuto para magsulat ng ilang halimbawa ng mga pagpapalang natanggap nila mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga pagpapala ng Panginoon sa iyo

Sa iyong study journal, mag-ukol ng ilang minuto para ilista ang mga pagpapalang natanggap mo mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. (Maaari mong isama ang mga pagpapalang dumating sa iyo dahil miyembro ka ng Simbahan ni Cristo.)

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na sumulat sa pisara ng isa o dalawa sa mga pagpapala o kaloob na natanggap nila. Itanong sa mga estudyante kung ano ang nadarama nila tungkol sa mga kaloob na iyon at bakit. Maaari mo ring idagdag ang mga pagpapalang naisip mo.

  • Paano nakakaapekto sa iyo ang pag-alaala sa mga pagpapala at kaloob na ito?

  • Gaano mo kadalas iniisip ang mga pagpapalang ito? May magagawa ka ba para mas mapagtuunan pa ang mga ito?

Sa pag-aaral mo ngayon, magkakaroon ka ng mga pagkakataong magdagdag sa iyong listahan. Hingin ang patnubay ng Ama sa Langit para matukoy mo ang Kanyang mga pagpapala sa iyo at malaman kung paano mo maaalala ang mga ito habambuhay.

Nangaral sina Alma at Amulek sa mga tao ng Ammonihas

Nang ipangaral nina Alma at Amulek ang salita ng Diyos sa mga tao ng Ammonihas, matitigas ang puso ng mga tao.

Basahin ang mga salitang sinabi ni Alma sa kanila sa Alma 9:8–11, 20–22, at maghanap ng mga salita at parirala na nagsasaad ng mga pagpapalang ibinigay ng Panginoon sa mga taong ito na nalimutan na nila.

  • Ano ang nahanap mo?

  • Anong mga katangian ng Panginoon ang binigyang-diin ni Alma sa talata 11? (Maaari mong markahan ang mga katangiang ito sa iyong mga banal na kasulatan.)

Makatutulong na malaman na ang salitang mahabang pagtitiis ay tumutukoy sa pagtitiyaga at pagpipigil ng Panginoon kapag may dahilan para magalit.

Pag-isipan sandali ang mga paraan kung paano ipinakita sa iyo ng Panginoon ang pagtitiyaga. Maaari mong idagdag ang mga halimbawang ito sa listahan mo ng mga pagpapala.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga ideya.

Kalaunan, nagpatotoo si Alma tungkol sa mga karagdagang katangian ng Panginoon na makatutulong sa atin na maunawaan ang mensahe ni Alma. Basahin ang Alma 9:26 at maaari mong markahan ang mga katangiang ito.

Sa patuloy na pangangaral ni Alma, binigyang-diin niya na si Jesucristo ay puspos ng biyaya, katarungan, katotohanan, tiyaga, awa, at mahabang pagtitiis. Pag-isipan kung bakit nais ni Alma na maunawaan ng mga tao ng Ammonihas ang mga katangiang ito ng Tagapagligtas.

Pagkukumpara at paglalahad ng pagkakaiba ng dalawang tao

Ang mga banal na kasulatan ay madalas magkumpara o maglahad ng pagkakaiba ng mga ideya, pangyayari, at tao sa paraang nagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang paghahanap sa mga pagkukumpara at paglalahad ng mga pagkakaibang ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Pinagkumpara ni Alma ang dalawang grupo ng mga tao na nasa magkaibang sitwasyon—ang mga Lamanita at ang mga tao ng Ammonihas. Punan ang sumusunod na chart sa iyong journal. Alamin kung paano binigyang-diin ni Alma ang mga katangian ng Tagapagligtas.

Gawin ang chart na ito sa pisara at sabihin sa mga estudyante na kopyahin ito sa kanilang journal. Maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo at sabihin sa isang grupo na pag-aralan ang mga Lamanita at ang isa naman ay pag-aralan ang mga tao ng Ammonihas. O maaari mong hatiin ang klase sa mas maliliit na grupo at sabihin sa kanila na sama-samang punan ang chart.

Ano ang nalaman mo tungkol sa mga tao

Paano nagpapakita ang Panginoon ng biyaya, katarungan, katotohanan, tiyaga, awa, o mahabang pagtitiis sa mga taong ito

Mga Lamanita (Alma 9:14–17)

Mga tao ng Ammonihas (Alma 9:20–25)

Kapag natapos na ang mga estudyante, ipabahagi sa kanila ang nalaman nila. Maaari mong ipaliwanag na bagama’t maawain ang Panginoon sa mga taong walang alam sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Alma 9:16), ang mga taong sadyang naghihimagsik laban sa ebanghelyo at ayaw magsisi ay tatanggap ng mas malaking kaparusahan (tingnan sa talata 23–24). Maaari mo ring ipa-cross-reference sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:3 sa mga talatang ito. Tiyakin na nadarama at nakikita ng mga estudyante na ang dakilang awa ng Panginoon ay ibinibigay sa lahat ng handang magsisi.

  • Paano nagpakita ng awa ng Panginoon ang pagsugo kina Alma at Amulek para magbabala at magpatotoo sa mga tao ng Ammonihas?

  • Sa iyong palagay, bakit mahalagang maalala natin sa ating panahon ang mga turo ni Alma tungkol sa Diyos sa Alma 9?

Ano ang ibinigay sa iyo ng Panginoon?

Namangha si Alma na napakabilis makalimot ng mga tao ng Ammonihas sa mga pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon (tingnan sa Alma 9:8–11). Upang matulungan silang magsisi at bumalik sa Panginoon, ipinaalala sa kanila ni Alma ang maraming pagpapalang natanggap nila (tingnan sa talata 20–24).

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit maaaring nalilimutan natin ang ginawa ng Panginoon para sa atin?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan ang mga pagpapala na personal nilang natanggap mula sa Diyos. Hikayatin sila na magdagdag sa listahang ginawa nila sa simula ng klase at tulungan sila na mag-isip ng mga paraan para maalala ang mga pagpapalang ito. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong para tahimik na pag-isipan ng mga estudyante.

  • Ano ang “ipinaalam ng Panginoon sa [iyo] alinsunod sa [iyong] mga naisin, at [iyong] pananampalataya, at mga panalangin”? (Alma 9:20).

  • Paano ka napagpala ng mga kaloob ng Espiritu na binanggit sa Alma 9:21?

  • Paano ka iniligtas ng Diyos mula sa mga pagsubok? (Tingnan sa Alma 9:22.)

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang ilan sa kanilang mga sagot.

Gawin sandali ang isang bagay na tutulong sa iyo na maalala mo ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Panginoon. Ang mga sumusunod ay ilang ideya:

  • Kunan ng larawan ang listahang ginawa mo sa klase at ilagay ito sa lugar kung saan mo ito makikita nang madalas, tulad ng wallpaper sa iyong telepono.

  • Isulat sa iyong study journal ang nadarama mo at magplano na regular na itala ang iyong mga pagpapala.

  • Maglagay ng isang paalala sa iyong kalendaryo na regular na isipin ang nagawa ng Panginoon para sa iyo.

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang ginawa nila o ang plano nilang gawin at kung ano ang nadarama nila tungkol dito. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong mga plano.

Magpatotoo tungkol sa mga alituntuning itinuro sa lesson na ito at sa pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak.