Seminary
Alma 8: Pakikinig at Pagsunod sa Ama sa Langit


“Alma 8: Pakikinig at Pagsunod sa Ama sa Langit,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 8

Pakikinig at Pagsunod sa Ama sa Langit

Alma at Amulek

Maaaring mahirap sumunod sa Ama sa Langit, ngunit humahantong ito sa pinakamalaking kaligayahan. Nang manampalataya sina Alma at Amulek at sinunod nila ang tagubilin ng Diyos, pinagpala sila ng Diyos at ang mga nasa paligid nila. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na marinig at masunod ang Ama sa Langit sa iyong buhay.

Tulungan ang mga mag-aaral na madama na pinahahalagahan ang kanilang mga kontribusyon. Sa pakikinig, kinakailangan na mas pagtuunan ng isang titser ang mga pangangailangan ng estudyante kaysa sa kung ano ang susunod sa outline ng lesson. Maging handang isantabi ang naiplano mo, ayon sa pahiwatig ng Espiritu, at pakinggan ang mga pananaw ng mga estudyante. Ipakita sa iyong mga pananalita at kilos na gustung-gusto mong pakinggan sila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na manalangin at itanong sa Ama sa Langit kung ano ang nais Niyang gawin nila upang mas lubos Siyang masunod.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsunod sa Ama sa Langit

Kung mas mahalaga ito sa mga estudyante kaysa sa mga halimbawa sa ibaba, magsimula sa pag-anyaya sa mga estudyante na magbahagi ng mahihirap na bagay na maaaring ipagawa sa kanila ng Panginoon.

Isipin kung ano ang madarama mo kung ipagagawa sa iyo ng Ama sa Langit ang sumusunod at kung bakit ganoon ang madarama mo:

  • Ibahagi ang ebanghelyo sa isang taong tumanggi sa iyong mga paanyaya noon.

  • Kaibiganin at tulungan ang isang tao sa inyong paaralan na inaayawan o hindi tinatanggap.

    Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung ano ang madarama nila at bakit.

  • Ano ang ilan pang mga kautusan o pahiwatig na maaaring ibigay sa atin ng Ama sa Langit na maaaring mahirap tanggapin at sundin? Bakit kaya napakahirap ng mga sitwasyong ito?

Sa kabanatang pag-aaralan mo ngayon, iniutos ng Diyos kay Alma na harapin ang isang sitwasyon na katulad sa unang sitwasyon sa itaas, at si Amulek ay naharap sa isang sitwasyon na katulad sa pangalawa. Pag-isipan sandali kung may mga kautusan o pahiwatig mula sa Diyos na mahirap para sa iyo na sundin. Sa iyong pag-aaral, alamin kung paano nadaig nina Alma at Amulek ang kanilang mga hamon at kung paano nila sinunod ang mga utos ng Diyos. Hingin ang tulong ng Ama sa Langit para malaman kung paano mo Siya mas maririnig at masusunod.

Maaaring makatulong sa mga estudyante na makipagtulungan sa isang kaklase para basahin at ibahagi ang mga salaysay nina Alma at Amulek na nakalista sa ilalim ng magkahiwalay na heading sa ibaba. O ipabasa sa kalahati ng mga estudyante ang salaysay ni Alma at ipabasa sa natitirang kalahati ng klase ang salaysay ni Amulek. Pagkatapos ay maaaring makipagpartner ang mga estudyante sa isang kaklase na nagbasa ng isa pang salaysay at ipaliwanag sa isa’t isa ang binasa nila. Ipakita ang mga kalakip na tanong upang matingnan ng mga estudyante ang mga ito habang nagbabasa sila.

Karanasan ni Alma

Basahin ang Alma 8:8–18, at alamin ang ipinagawa ng Diyos kay Alma at kung bakit maaaring mahirap ito para sa kanya. Sikaping ilarawan sa isipan ang mga pangyayari habang binabasa mo ang mga ito. Maaari mong panoorin ang video na “Sina Alma at Amulek ay Naligtas sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Diyos” mula sa time code na 0:36 hanggang 2:22, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at sumabay sa pagbabasa sa iyong mga banal na kasulatan.

22:56
  • Anong mga parirala sa talata 14 ang nagsasaad ng nadarama ni Alma nang matanggap niya ang utos na ito?

  • Anong parirala sa talata 18 ang naglalarawan kung gaano katagal bago sumunod si Alma?

  • Sa inyong palagay, bakit sumunod kaagad si Alma kahit na nakadarama siya ng kalungkutan?

Karanasan ni Amulek

Basahin ang Alma 8:19–21; 10:4–11 para malaman ang sumunod na nangyari. (Maaaring makatulong na malaman na isinalaysay ni Amulek ang kanyang karanasan sa Alma 10:4–11.) Sikaping ilarawan sa isipan ang mga pangyayari habang binabasa mo ang mga ito. Maaari mong ipagpatuloy ang panonood sa video na “Sina Alma at Amulek ay Naligtas sa pamamagitan ng Kapangyarihan ng Diyos” mula sa time code na 2:22 hanggang 4:03, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

22:56
  • Ano ang matututuhan natin sa Alma 10:4–6 tungkol kay Amulek? Bakit kaya nahirapan siyang sundin ang Diyos dahil sa mga bagay na ito?

  • Sa inyong palagay, bakit patuloy na tumulong ang Ama sa Langit kay Amulek kahit hindi Siya sumunod noon?

Basahin ang Alma 8:26–32 para malaman kung paano pinagpala sina Amulek at Alma dahil sa kanilang mga ginawa.

  • Anong mga alituntunin ang natutuhan ninyo mula sa salaysay nina Alma at Amulek?

Makinig habang nagbabahagi ang mga estudyante. Isulat sa pisara ang anumang alituntunin. Itanong kung bakit mahalagang maunawaan ang mga alituntuning ito. Gamitin ang mga sinabi ng mga estudyante para isulat sa pisara ang isang alituntunin na katulad ng nasa ibaba.

Ang isa sa mga alituntuning maaaring natukoy mo ay kapag naririnig at sinusunod natin ang Ama sa Langit, pinagpapala Niya tayo at ang iba. Maririnig natin ang salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, kapwa narinig nina Alma at Amulek ang salita ng Diyos mula sa isang anghel.

Maaaring makatulong na talakayin sa mga estudyante ang iba’t ibang paraan kung paano natin maririnig ang salita ng Diyos. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang “Paghahayag” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Pakikinig sa Kanya

Layunin ng aktibidad sa ibaba na tulungan ang mga estudyante na madaig ang mga balakid na maaaring nararanasan nila sa pakikinig at pagsunod sa Diyos. Maaaring pinakamainam na talakayin ito ng buong klase o sa maliliit na grupo. Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga ideya at maaari nila itong ilista sa pisara. Hikayatin ang mga estudyante na magtanong at magtulungan sa paghahanap ng mga sagot. Bilang bahagi ng aktibidad na ito, maaari mong imungkahi o gamitin ang ilan sa mga ideya sa ibaba.

Sabi ni Amulek, “Ako ay tinawag nang maraming ulit at tumangging makinig” (Alma 10:6). Noong bata pa siya, matagal ding hindi nakinig si Alma sa Diyos (tingnan sa Mosias 27:8).

Isipin kunwari na may kakilala ka na nahihirapang makinig at sumunod sa Diyos. Mag-ukol ng ilang minuto para pag-isipan kung ano ang maaaring makahikayat sa taong iyon na magtiwala sa Panginoon. Maaaring kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Halimbawa ng pagsunod nina Alma at Amulek

  • Mga halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas sa Ama

  • Iba pang mga kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa pakikinig at pagsunod ng isang tao sa Diyos

  • Mga pagpapalang naranasan mo nang sikapin mong sundin ang Diyos

Maaari mong panoorin ang video na “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin” mula sa time code na 1:40 hanggang 4:25, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Sa video, inilarawan ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang binatilyo na tapat at masunuring kumikilos ayon sa pahiwatig sa panahon ng kawalang-katiyakan.

15:1

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip. Maaari mo ring ibahagi ang iyong mga naisip.

Maglaan ng oras na isulat ang anumang impresyong maaaring natanggap mo mula sa Ama sa Langit. Pag-isipan ang magagawa mo para makakilos ayon sa mga impresyong iyon. Maaaring kabilang dito ang pagsunod sa mga partikular na kautusan o pahiwatig at anumang hakbang na dapat mong gawin. Kung mahirap sundin ang mga kautusang ito, maaari mong ipagdasal na tulungan ka ng Ama sa Langit.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang gusto nilang maalala mula sa mga halimbawa nina Alma at Amulek.

Ibahagi ang iyong patotoo sa iyong mga estudyante na tutulungan sila ng Ama sa Langit habang sinisikap nilang pakinggan at sundin Siya.