Seminary
Alma 19: “Nakaunat ang Kanyang Bisig sa Lahat ng Taong Magsisisi at Maniniwala”


“Alma 19: ‘Nakaunat ang Kanyang Bisig sa Lahat ng Taong Magsisisi at Maniniwala,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 19,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 19

“Nakaunat ang Kanyang Bisig sa Lahat ng Taong Magsisisi at Maniniwala”

Larawan
isang dalagita na ibinabahagi ang ebanghelyo sa kanyang kaibigan

Habang iniisip mo ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, nadarama mo ba na may ilang tao na malamang na hindi tatanggapin ang mga turo ng Tagapagligtas? Sa iyong palagay, ano ang iniisip ng Ama sa Langit sa mga taong ito? Mula sa mga karanasan ni Ammon bilang misyonero sa mga Lamanita, nakita natin na inihahanda ng Panginoon ang puso ng mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay upang matanggap ang Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na mahal ng Panginoon ang lahat ng tao at nais Niya na lumapit sila sa Kanya.

Paggalang sa mga paniniwala at opinyon ng iba. Hangaring magkaroon ng isang kapaligiran kung saan iginagalang ng mga tao ang mga paniniwala at opinyon ng iba. Hikayatin ang mga estudyante na makinig at sikaping makaunawa kung bakit iba ang paniniwala ng ibang tao sa paniniwala nila. Tulungan ang mga estudyante na matutuhang kilalanin ang mga paniniwala ng iba at sanaying ibahagi ang sarili nilang mga paniniwala nang may kabaitan at pagsasaalang-alang. Ang gawaing ito ay maghahanda sa kanila na ibahagi ang ebanghelyo sa iba nang may paggalang.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Alma 19 at alamin ang epekto ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa mga Lamanita na tinuruan ni Ammon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Sumagot ng survey

Ipakita ang sumusunod na survey at bigyan ang mga estudyante ng oras na sumagot nang totoo at tapat. Kung hindi masyadong personal, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.

I-rate ang iyong sarili mula 1–5 tungkol sa kung gaano mo kayang maanyayahan sa iyong palagay ang mga sumusunod na tao na alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.

  1. Isang taong kakilala mo na interesado sa Simbahan

  2. Isang kaibigan o kapamilya na karaniwang sumusunod na sa mga pamantayan ng ebanghelyo ngunit hindi pa miyembro

  3. Isang kaibigan o kapamilya na hindi sumusunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo

  4. Isang taong kilala mo na tumanggi sa mga paanyaya noon ng iba na alamin pa ang tungkol sa ebanghelyo

Isipin ang mga dahilan kung bakit iyon ang ni-rate mo sa sarili mo.

  • Paano maaaring makaapekto ang ating mga personal na opinyon tungkol sa iba sa ating mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo?

Nang simulan ng mga anak ni Mosias ang kanilang misyon sa mga Lamanita, maraming tao ang pinagtawanan sila at nag-alinlangan na magtatagumpay sila sa masasamang taong iyon (tingnan sa Alma 26:23–25). Gayunpaman, nagtagumpay si Ammon at ang kanyang mga kapatid. Maaaring naaalala mo na matapos ituro ni Ammon ang ebanghelyo kay Haring Lamoni, ang hari ay naniwala sa mga salita ni Ammon, nagsumamo na kaawaan siya, at nalugmok sa lupa nang mapuspos siya ng Espiritu (tingnan sa Alma 18:40–43).

Larawan
si Lamoni na nagdarasal

Ngayon, malalaman mo ang tungkol sa mga pangyayaring naganap sa sambahayan ni Lamoni matapos turuan ni Ammon ang hari. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang paraan ng pagtingin ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak, kabilang na ang mga taong tila hindi tatanggapin ang ebanghelyo.

Patuloy na tinuruan ni Ammon ang sambahayan ni Lamoni

Ang layunin ng bahaging ito ng lesson ay tulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga pangyayaring nakatala sa Alma 19 at matukoy ang alituntuning itinuro sa talata 36. Maaari mong gamitin ang iba’t ibang pamamaraan mula sa mga nakalista sa bahaging ito upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang kabanatang ito bago matukoy ang alituntunin.

Halimbawa, maaari mong ilahad ang kabanatang ito bilang teatro ng mambabasa kung saan pipili ka ng anim na estudyante at magtatalaga ka ng isang bahagi sa bawat estudyante. Maaaring magsilbing narrator ang isang estudyante (na magbabasa ng mga talata 1, 6–7, 11–12, 15, 33–36), at maaaring basahin ng lima pa ang mga salita ng reyna o tungkol sa reyna (mga talata 2, 4–5, 9, 29–30), Ammon (mga talata 3, 6–8, 10, 14, 22–23), Haring Lamoni (mga talata 12–13, 31), Abis (mga talata 16–17, 28), at ang iba pang mga Lamanita (mga talata 18–21, 24–27, 32). Maaaring makatulong na gawin ang mga assignment na ito bago magsimula ang klase para matukoy ng mga estudyante ang mga talatang babasahin nila.

Maaaring ang isa pang paraan ay ipanood ang video na “Si Ammon ay Nagsilbi at Nagturo kay Haring Lamoni” mula sa time code na 15:18 hanggang 23:04. Ang video na ito na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, ay naglalarawan ng mga pangyayaring nakatala sa Alma 19:1–36. Maaaring tahimik na sumabay sa pagbabasa ang mga estudyante sa kanilang mga banal na kasulatan habang pinanonood nila ang video.

Nang malaman ng reyna ng mga Lamanita ang pagkamatay ng kanyang asawa, pinapunta niya si Ammon para makausap ito (tingnan sa Alma 19:1–3).

Basahin ang Alma 19:4–17, at alamin ang naranasan ng reyna at ng iba pa matapos makipag-usap kay Ammon. Maaari mo ring panoorin ang “Si Ammon ay Nagsilbi at Nagturo kay Haring Lamoni“ mula sa time code na 15:18 hanggang 20:06. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Ano ang nalaman mo tungkol sa reyna mula sa mga talatang ito?

  • Ano ang nalaman ni Lamoni tungkol kay Jesucristo sa nakaraang tatlong araw?

  • Sa iyong palagay, bakit nagdulot ng lubos na kagalakan kay Lamoni ang kaalamang ito?

Matapos tipunin ang iba pa sa bahay ng hari, nagulat at nalungkot ang tagapagsilbi ng reyna na si Abis nang magsimulang bumulung-bulong ang mga tao sa kanilang sarili tungkol sa dahilan kung bakit ang hari at ang iba ay nakahandusay sa lupa na para bang sila ay patay na (tingnan sa Alma 19:18–28).

Basahin ang Alma 19:29–36, at alamin ang ginawa ni Abis sa sandaling ito ng pagtatalo at kung ano ang nangyari sa mga Lamanita pagkatapos nito. Maaari mo ring panoorin ang “Si Ammon ay Nagsilbi at Nagturo kay Haring Lamoni” mula sa time code na 20:07 hanggang 23:04. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Ano ang naging epekto ng ebanghelyo ni Jesucristo sa maraming Lamanita na piniling maniwala?

  • Anong katotohanan tungkol sa Panginoon ang itinuro ni Mormon sa talata 36 matapos ibahagi ang salaysay na ito?

Ang hangarin ng Panginoon na lumapit ang lahat sa Kanya

Mula sa mga salita ni Mormon sa talata 36, nalaman natin na nakaunat ang bisig ng Panginoon sa lahat ng taong magsisisi at maniniwala sa Kanyang pangalan. Maaari mong markahan ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Sa kontekstong ito, ang nakaunat na bisig ng Panginoon ay may lakip na awa at kahandaang magpatawad.

  • Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo para makita ang katotohanan ng alituntuning ito sa sarili mong buhay o sa buhay ng iba?

Magpabahagi sa mga estudyante ng mga karanasan na hindi masyadong personal. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Maaari ding makatulong na maglaan ng oras sa paghahanap ng mga halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas kung saan ipinakita Niya ang Kanyang kahandaang tumulong sa mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay upang makalapit sila sa Kanya. Bukod sa marami pang iba, kabilang sa ilang halimbawa ng mga scripture passage na maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Mateo 9:10–13; Marcos 5:25–34; Lucas 5:18–25; at Juan 8:2–11. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 2 Nephi 26:33 at ipaugnay sa kanila ang talatang ito sa Alma 19:36 sa kanilang mga banal na kasulatan.

Kung minsan ay maaaring mali na ipasiya natin na hindi magiging interesado ang isang tao sa ebanghelyo dahil sa hitsura ng taong iyon o kung ano ang nagawa niya noon. Ipagpalagay sandali na may isang tao sa sitwasyong ito. Maaaring ito ay isang partikular na taong kakilala mo, o maaari mong isipin lang ang mga taong karaniwang akma sa paglalarawang ito.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magdrowing ng stick figure sa kanilang study journal na kumakatawan sa taong inilarawan sa naunang talata. Maaari nilang isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa ilalim ng stick figure na idinrowing nila. Pagkatapos ay talakayin ang isinulat ng mga estudyante.

  • Ano ang nadarama ng Diyos sa taong ito?

  • Paano maiimpluwensyahan ng pag-unawa sa nadarama ng Diyos sa taong ito ang nadarama mo sa kanya?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon, at hikayatin ang mga estudyante na hangaring makita ang iba nang mas katulad ng pagtingin sa kanila ng Diyos.

Print