Seminary
Alma 17: “Alinsunod sa Salita at Kapangyarihan ng Diyos”


“Alma 17: ‘Alinsunod sa Salita at Kapangyarihan ng Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 17

“Alinsunod sa Salita at Kapangyarihan ng Diyos”

ipinagtatanggol ni Ammon ang mga kawan ni Lamoni

Ipagpalagay na sinisikap mong ipangaral ang ebanghelyo sa isang grupo ng mga tao na mailalarawan bilang mababangis, matitigas, at mababagsik. Ito mismo ang piniling gawin ng mga anak ni Mosias nang magtungo sila sa lupain ng mga Lamanita upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Inilalarawan sa Alma 17 ang tulong na natanggap ni Ammon mula sa Diyos nang simulan niya ang kanyang ministeryo sa mga Lamanita sa lupain ng Ismael. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang tulong at lakas na ibinibigay sa iyo ng Panginoon sa mahihirap na sitwasyong kinakaharap mo.

Tulungan ang mga mag-aaral na unawain ang konteksto at nilalaman. Maaaring kabilang sa konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan ang maraming kuwento tungkol sa nauugnay na mga tao at pangyayari. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan at maiugnay ang mga salaysay na ito upang mas matukoy nila ang doktrina, mga alituntunin, at inspiradong mensahe ng mga may-akda.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na dumating sa klase na handang ibahagi at talakayin ang ilang karaniwang problema o hamon na kinakaharap ng mga tinedyer at kung bakit kailangan nila ang tulong at lakas ng Diyos sa kanilang buhay. Maaari din nilang isipin ang mga pagkakataon na natanggap nila ang tulong ng Diyos sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang pangangailangan natin ng tulong ng Diyos

Tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa ng mga pagkakataon na kakailanganin ng mga tinedyer ang tulong o lakas ng Diyos sa kanilang buhay. Ang mga sumusunod na sitwasyon ay maaaring makatulong dito, o maaaring gumawa ang mga estudyante ng iba’t ibang sitwasyon.

Nadama ni Luci na kailangan niyang magsisi at baguhin ang paraan ng kanyang pamumuhay, ngunit ang lahat ng bagay na pinagsikapan niyang baguhin ay tila walang malaking epekto.

Inspirado si Guillermo na magmisyon, ngunit nalulungkot ang kanyang mga magulang dahil kailangan nila ang tulong niya sa negosyo ng pamilya.

  • Ano ang ilang paraan na matutulungan ng Diyos si Luci o Guillermo?

  • Ano ang ilang paraan na maaari nilang hingin o kilalanin ang Kanyang tulong?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na talata. Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na mag-isip at magsulat sa kanilang study journal.

Mag-isip sandali at isulat sa iyong study journal kung paano sa palagay mo pinakakailangan mo ng tulong o lakas ng Diyos sa iyong buhay. Ano ang ilang paraan na umaasa ka na maaaring makatulong sa iyo ang Diyos? Habang pinag-aaralan mo ang Alma 17 ngayon, alamin ang mga paraan na matutukoy at maaanyayahan mo ang lakas ng Diyos sa iyong buhay.

Ang mga anak ni Mosias

Ipaliwanag sa mga estudyante na sa susunod na dalawang linggo, pag-aaralan nila ang tungkol sa paglalakbay ng apat na anak ni Mosias bilang misyonero patungo sa mga Lamanita. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano naaakma ang paglalakbay na ito bilang misyonero sa buong konteksto ng aklat ni Alma, maaari mong ibuod ang sumusunod na talata.

Isinalaysay sa mga kabanata 1–16 ng Alma ang mga pangyayari sa buhay ni Alma sa unang 14 na taon ng panunungkulan ng mga hukom. Sa Alma 17–27, nalaman natin ang tungkol sa paglalakbay ng mga anak ni Mosias bilang misyonero patungo sa mga Lamanita sa panahon ding iyon. Ang Alma 17 ay nagsimula kay Alma at sa kanyang mga kaibigan, na mga anak ni Mosias, na nagkita sa unang pagkakataon matapos silang magkahiwalay sa loob ng 14 na taon (tingnan sa Alma 17:2–4; 27:16). Ang mga pangalan ng mga anak ni Mosias ay Ammon, Aaron, Omner, at Himni.

Maaari mong hatiin ang klase sa apat na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na scripture passage na pag-aaalan. Pagkatapos ay maaaring ibahagi sa klase ng mga miyembro ng bawat grupo ang kanilang natuklasan.

Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang mahahalagang detalye tungkol sa misyon nina Ammon, Aaron, Omner, at Himni.

  • Ano ang pinakanapansin mo tungkol sa mga anak ni Mosias mula sa mga talatang ito?

  • Anong katibayan ang nakita mo na gumagana ang tulong o lakas ng Diyos sa kanilang buhay? Maaari mong markahan ang katibayang ito sa iyong mga banal na kasulatan.

Si Ammon at si Haring Lamoni

Bago naghiwalay ang mga misyonerong ito upang ipangaral ang ebanghelyo sa iba’t ibang lugar, tinuruan at binasbasan sila ni Ammon. Pagkatapos ay nagtungo si Ammon sa lupain na tinatawag na Ismael. Nang pumasok siya sa lupaing iyon, siya ay dinakip at dinala sa harapan ng hari, na ang pangalan ay Lamoni (tingnan sa Alma 17:17–20).

Basahin ang Alma 17:21–25, at alamin ang sinabi ni Ammon kay Haring Lamoni. Maaari mo ring panoorin ang video na “Si Ammon ay Naging Tagapagsilbi ni Haring Lamoni” (3:47), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

3:47
  • Paano kaya nakatulong ang sinabi ni Ammon sa hari na “Magiging tagapagsilbi ninyo ako” (Alma 17:25) upang maging mas epektibong misyonero si Ammon?

Habang binabantayan ni Ammon at ng iba pang mga tagapagsilbi ng hari ang mga kawan, nakaranas sila ng isang mahirap na sitwasyon.

Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na pumunta sa harapan ng silid para magsalitan sa pagbabasa nang malakas ng mga sumusunod na talata habang sumasabay ang klase sa kanilang banal na kasulatan.

Basahin ang Alma 17:26–39, at alamin kung paano tumugon si Ammon sa sitwasyong ito. Maaari mo ring panoorin ang “Ipinagtanggol ni Ammon ang mga Kawan ni Haring Lamoni” mula sa time code na 0:00 hanggang 3:10. Mapapanood ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

5:25
  • Paano nauugnay ang tiwala ni Ammon sa sitwasyong ito sa pangakong ibinigay ng Panginoon sa ama ni Ammon na si Mosias, sa Mosias 28:7?

  • Kung naroon ka, ano kaya ang maiisip mo tungkol kay Ammon?

Basahin ang Alma 18:1–3, at alamin ang sinabi ng iba pang mga tagapagsilbing Lamanita kay Haring Lamoni tungkol sa karanasang ito.

  • Paano inilarawan ng mga tagapagsilbi ng hari si Ammon?

Bagama’t nahirapan ang mga tagapagsilbi ng hari na ilarawan kung bakit naprotektahan ni Ammon ang mga kawan ng hari sa gayong mahimalang paraan, natukoy nila na may kapangyarihan siya na nakahihigit sa matataglay ng isang mortal na tao.

Mula sa karanasan ni Ammon, matututuhan natin na ipinagkakaloob ng Panginoon ang Kanyang lakas at kapangyarihan sa Kanyang mga tagapaglingkod na nagsisikap na gawin ang Kanyang kalooban.

Nang malapit nang matapos ang kanyang 14 na taong misyon, pinagnilayan ni Ammon ang lakas at kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Diyos sa kanyang buong panahon ng paglilingkod sa mga Lamanita.

Basahin ang Alma 26:12, at alamin ang sinabi ni Ammon tungkol sa pinagmumulan ng kanyang lakas.

Maaari mong hatiin sa tatlong grupo ang klase at italaga sa bawat grupo ang isa sa sumusunod na mga tanong na tatalakayin. Ang bawat grupo ay maaaring gumawa ng listahan ng maraming sagot na maiisip nila sa loob ng isa o dalawang minuto at pagkatapos ay ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

Bilang alternatibo, maaari mong isulat ang mga tanong sa iba’t ibang lugar sa pisara. Ang mga estudyante ay maaaring pumunta sa pisara at ilista ang mga sagot sa isa o mahigit pang mga tanong hanggang sa magkaroon ng maraming sagot na nakasulat sa tabi ng bawat tanong. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng buong klase ang mga sagot ng mga estudyante.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga sitwasyon kung saan kailangan natin ang tulong o lakas ng Panginoon sa ating buhay?

  • Ano ang ilan sa mga paraan na maaaring biyayaan tayo ng Panginoon ng Kanyang tulong o lakas?

  • Ano ang magagawa mo para maanyayahan o matamo ang tulong o lakas ng Diyos sa iyong buhay?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila tungkol sa Diyos ngayon na makatutulong sa kanilang personal na buhay. Anyayahan sila na itala sa kanilang study journal ang mga naisip at espirituwal na impresyon nila. Hikayatin sila na humingi ng tulong sa Ama sa Langit para maisakatuparan nila ang mga bagay na hindi nila magagawa nang mag-isa.