Seminary
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4: Paghahanap ng mga Sagot sa mga Espirituwal na Tanong


“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4: Paghahanap ng mga Sagot sa mga Espirituwal na Tanong,“ Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4

Paghahanap ng mga Sagot sa mga Espirituwal na Tanong

estudyanteng nagtatanong

Kung minsan, maaaring mayroon kang mga espirituwal na tanong o alalahanin tungkol sa mga paksang doktrinal, personal, panlipunan, o pangkasaysayan. Kapag mayroon kang mga ganoong tanong o alalahanin, magagawa mong kumilos nang may pananampalataya, suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw, at hangarin na mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos. Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan kang rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Pagtuturo ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang pag-aaral at pagrerebyu ng mga alituntuning ito ay makatutulong sa mga estudyante na makasagot kapag may mga espirituwal na tanong. Ang regular na pagrerebyu sa mga ito ay magbibigay-daan sa mga estudyante na mas maisapuso at magamit ang mga alituntuning ito araw-araw.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga espirituwal na tanong na mayroon sila noon o sa kasalukuyan at ano ang nagawa nila para mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga hamon sa pananampalataya

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon.  ChurchofJesusChrist.org

9:16

Maaari mong piliing gamitin ang isa o mahigit pa sa mga iminumungkahing sitwasyon o gumawa ng sarili mong sitwasyon para ibahagi sa klase. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang sitwasyon na gagawin habang nagpapatuloy ang lesson o magtalaga ng mga sitwasyon sa maliliit na grupo at sabihin sa kanila na talakayin ang mga tanong sa lesson.

Si Ashlyn ay isang dalagita na nakarinig mula sa isang kaibigan ng isang bagay na bumagabag sa kanya tungkol sa Simbahan. Nadama niyang itinago ang impormasyon sa kanya at nagsinungaling sa kanya sa pamamagitan ng hindi pagsasabi sa kanya ng mga bagay na ito nang mas maaga pa sa kanyang buhay. Nagsimula siyang makipag-usap sa iba na gayon din ang nadarama, at nagbasa siya ng negatibong komentaryo tungkol sa paksa.

Nalaman ni Hugo ang tungkol sa isang mahirap na paksa ng doktrina sa seminary at nag-online siya para matuto pa. Nakakita siya ng mga source na binabatikos ang Simbahan tungkol sa paksang ito. Dahil sa pag-uusisa, nanood siya ng isang video na negatibong inilalarawan ang mga turo ng Simbahan tungkol sa paksa. Dahil sa karanasang ito, pinagdudahan niya ang katotohanan ng Simbahan sa unang pagkakataon sa kanyang buhay.

  • Ano ang mararamdaman mo sa mga sitwasyong ito?

  • Sa palagay mo, paano ka tutugon?

Maaaring maging mahirap kapag hindi nasagot ang mga espirituwal na tanong tungkol sa mga paksang doktrinal, personal, panlipunan, o pangkasaysayan. Pag-isipan ang gayong mga tanong na maaaring mayroon ka at maaari mong isulat ang mga ito para sa lesson na ito.

May mga bagay kang matututuhan at magagawa na makatutulong sa iyo na sumagot sa mga tanong o alalahanin nang may integridad at pananampalataya. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang impormasyong natututuhan mo sa pamamagitan ng pagsagot sa sarili mong mga tanong nang may tiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman

Magagabayan ka ng mga sumusunod na alituntunin sa iyong mga pagsisikap na tumanggap ng patnubay at pag-unawa hinggil sa mga espirituwal na tanong:

  • Kumilos nang may pananampalataya.

  • Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  • Maghanap pa ng impormasyon sa sources na itinalaga ng Diyos.

Maaari mong piliing iangkop ang lesson na ito, depende sa kung gaano kapamilyar ang iyong mga estudyante sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Halimbawa, kung mayroon kang ilang estudyante na pamilyar sa mga alituntunin ngunit ang iba naman ay hindi, maaari mong sabihan ang yaong mga pamilyar sa mga alituntunin na ipaliwanag ang mga ito sa klase. Kung hindi pa alam ng lahat ng estudyante mo ang mga alituntuning ito, kakailanganin mo ng mas maraming oras upang maituro ang mga alituntunin. Maaari kang sumangguni sa “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Mga Bahagi 1, 2, at 3 mula sa simula ng manwal na ito.

Kumilos nang may pananampalataya

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon.  ChurchofJesusChrist.org Maaari mo ring basahin ang mga talata 5–7 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022) bago basahin ang mga sitwasyon.

Ang isang paraan para marebyu ang mga talatang binanggit sa naunang pangungusap ay ilagay ang mga estudyante sa mga grupong may tig-a-apat na miyembro. Sabihin sa tatlo sa mga miyembro ng grupo na basahin nang malakas sa grupo ang isa sa tatlong talata. Pagkatapos ay anyayahan ang pang-apat na miyembro ng grupo na ibuod ang binasa ng tatlong miyembro.

9:16

Maaari mong ipasagot sa mga estudyante ang mga sumusunod na tanong batay sa sitwasyong pinili nila sa itaas.

Matapos malaman ang bagay na iyon, labis na nadismaya si Ashlyn kaya tumigil siya sa pagsisimba. Sa loob ng mahigit isang taon, inilayo niya ang kanyang sarili sa Simbahan. Kalaunan, tinanong siya ng isang malapit na kaibigan kung bakit siya tumigil sa pagsisimba. Ibinahagi niya kay Ashlyn ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na naisip niyang makatutulong at inanyayahan itong ipagdasal ang binasa niya.

Tahimik lang si Hugo tungkol sa kanyang mga pag-aalinlangan at alalahanin ngunit patuloy pa rin siyang nagsimba. Subalit hindi nawala ang kanyang pagkalito. Sa isang punto, nagkaroon siya ng matinding damdamin na dapat niyang kausapin ang kanyang mga magulang tungkol sa kanyang mga alalahanin. Iyon ang unang espirituwal na damdaming nadama niya mula nang may mabasa siya sa internet.

  • Paano mo nakikitang kumikilos o hindi kumikilos nang may pananampalataya sina Ashlyn at Hugo?

  • Ano ang masasabi mo na maaaring maghikayat sa kanila na humingi ng tulong sa Diyos bilang tugon sa kanilang mga hamon?

  • Anong mga banal na kasulatan ang makatutulong sa isang tao na kumilos nang may pananampalataya kapag may tanong siya na hindi madaling sagutin?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kaunting oras para maghanap ng mga banal na kasulatan bilang sagot sa nakaraang tanong. Maaaring kabilang sa mga banal na kasulatang ito ang 2 Nephi 31:20 at Mga Kawikaan 3:5–6. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari silang magbahagi sa isang taong nakaupo malapit sa kanila. Bilang alternatibo, maaari nilang isulat sa pisara ang mga talatang nahanap nila at maaaring basahin ng iba pang mga kaklase ang mga talatang hindi pamilyar sa kanila. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan na nahanap ng kanilang mga kaklase.

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

Ang isang paraan para marebyu ang mga sumusunod na talata ay ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat estudyante sa grupo na basahin ang lahat ng tatlong talata. Pagkatapos ay anyayahan silang magbahagi ng isang linya sa kanilang grupo na pinakanagustuhan nila mula sa mga talata.

Pag-aralan ang mga talata 8–10 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.

  • Paano nakatulong kay Ashlyn o Hugo ang pagsusuri sa mga konsepto at mga tanong nang may walang-hanggang pananaw nang una nilang madama ang kanilang pag-aalinlangan?

  • Paano ito makatutulong sa kanila sa kasalukuyan nilang mga sitwasyon?

  • Ano ang nais mong maunawaan nina Hugo o Ashlyn tungkol sa Diyos at sa Kanyang plano sa puntong ito ng kanilang buhay?

Maaaring isa pa itong magandang pagkakataon para magsanay ang mga estudyante sa paggamit ng mga banal na kasulatan. Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang mga banal na kasulatan na sumusuporta sa kanilang mga sagot sa nakaraang tanong. Halimbawa, kung binigyang-diin ng isang estudyante na hindi palaging nagbibigay sa atin kaagad ng kumpletong sagot ang Ama sa Langit, maaari niyang gamitin ang 2 Nephi 28:30 para suportahan ang pahayag na iyon.

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

Rebyuhin ang mga talata 11–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.

Ang isang paraan para marebyu ang mga talatang binanggit sa nakaraang pangungusap ay anyayahan ang dalawang estudyante na basahin nang malakas ang mga talata sa klase. Pagkatapos ay anyayahan ang isang boluntaryo na magsulat sa pisara habang nagbabahagi ang mga estudyante ng iba’t ibang sources na itinalaga ng Diyos na narinig nilang binanggit.

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon.  ChurchofJesusChrist.org

9:16

Nagpasiya si Ashlyn na basahin ang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na inirekomenda sa kanya ng kanyang kaibigan. Habang nagbabasa siya, nakadama siya ng kapayapaan at katiwasayan na lubhang naiiba sa nadama niya nang magbasa siya ng negatibong komentaryo tungkol sa Simbahan. Nakadama siya ng personal na katiyakan na may kabutihan at katotohanan sa binabasa niya. Kalaunan, sa pamamagitan ng panalangin at matapat na pag-aaral, nadama niya na lumalakas ang kanyang patotoo, bagama’t may mga tanong pa rin siyang hindi nasasagot.

Kinausap ni Hugo ang kanyang mga magulang at nalaman niya na napakabait at napakamaunawain nila tungkol sa kanyang mga alalahanin. Itinuro nila sa kanya ang resource na Mga Paksa ng Ebanghelyo sa Gospel Library, at magkakasama nilang binasa ang tungkol sa mga paksang ikinababalisa niya. Nakadama siya ng kapanatagan na naalaman niya na may mga sagot ang mga propeta na maaari niyang tingnan para sa mga sagot sa kanyang mga tanong.

  • Mula sa anong sources nakakuha ng impormasyon ang bawat tao sa mga sitwasyon? Aling sources ang mapagkakatiwalaan? Bakit oo o bakit hindi?

    Bagama’t may mga itinalagang sources na malinaw na tinukoy, tulad ng mga banal na kasulatan, propeta, at Espiritu Santo, may iba pang mapagkakatiwalaang sources na nagtuturo din sa atin kay Jesucristo at nakaayon sa mga turo ng mga makabagong propeta.

  • Ano ang naging kaibahan nang bumaling sina Ashlyn at Hugo sa sources na itinalaga ng Diyos?

  • Anong sources na itinalaga ng Diyos ang pinasasalamatan mo? Bakit?

Isipin ang natutuhan mo ngayon at kung paano ito maaaring makatulong sa mga espirituwal na tanong o hamon na mayroon ka o ang ibang tao. Maaari mong isulat sa iyong journal ang natutuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ka ng kapayapaan at pag-unawa. Anyayahan ang impluwensya ng Ama sa Langit na bigyan ka ng inspirasyon habang nagninilay at nagsusulat ka.

Maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi sa klase ang ilan sa kanilang mga natutuhan. Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon at hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga alituntuning ito kapag nahaharap sila sa mga espirituwal na tanong.