Seminary
Alma 23–29: Buod


“Alma 23–29: Buod,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 23–29,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 23–29

Buod

Sa pamamagitan ng mga turo ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, libu-libong Lamanita ang “nagbalik-loob sa Panginoon“ at “kailanman ay hindi nagsitalikod“ (Alma 23:6). Ginamit ng mga nagbalik-loob na ito ang pangalang Anti-Nephi-Lehi. Bago sila nagbalik-loob, marami sa mga Anti-Nephi-Lehi ang naging masama ang pag-uugali. Nang maranasan nila ang kapatawaran ng Tagapagligtas, sila ay nabigyang-inspirasyon na huwag nang balikan ang mga kasalanang iyon. Nagalak si Ammon at ang kanyang mga kapatid tungkol sa kanilang 14 na taong misyon, at gusto nilang ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Maghandang Magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

Alma 23

Layunin ng lesson: Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na hangaring mas lubos na magbalik-loob sa Panginoon at tukuyin ang anumang balakid sa pagbabalik-loob na iyon.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “nagbalik-loob sa Panginoon“ (Alma 23:6) at kung bakit napakahalaga ng pagbabalik-loob sa Kanya. Maaari nilang tingnan ang paksang “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan kung kailangan nila ng tulong.

  • Larawan: Isang larawan ng Tagapagligtas

  • Nilalamang ipapakita: Ang mga pahayag nina Elder David A. Bednar at Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa maaaring maging mga sandata ng paghihimagsik

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Maaari mong anyayahan ang isang bagong nagbalik-loob o bagong miyembro na sumali sa klase at magsalita tungkol sa ilan sa “mga sandata ng paghihimagsik“ na kinailangan nilang ibaba upang sundin ang Tagapagligtas at sumapi sa Kanyang Simbahan. Tiyaking tumanggap ng pahintulot mula sa iyong coordinator o program administrator at mga lokal na lider ng priesthood bago ibigay ang paanyaya.

Alma 24

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madaig ang kasalanan at masasamang gawi sa tulong ng Tagapagligtas.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 24:7–16 at dumating sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga Anti-Nephi-Lehi tungkol sa Tagapagligtas, pagsisisi, at kapatawaran.

  • Mga Video: Ang Bisa ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob” (9:01; manood mula sa time code na 6:11 hanggang 8:12); “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo” (13:52; manood mula sa time code na 0:00 hanggang 1:39 at mula sa time code na 12:45 hanggang 13:31)

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlo o apat na miyembro sa mga breakout room para maghanap ng mahahalagang salita at parirala sa Alma 24:7–16. Sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang lider na magbabahagi sa klase ng mga salita at pariralang nahanap ng grupo.

Alma 26

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng matinding pasasalamat at pagmamahal sa Panginoon at sa mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa kanilang buhay.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaaring basahin ng mga estudyante ang Alma 26:11–16 at pag-isipan kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “magbigay-puri sa Panginoon.“

  • Mga larawan: Ilang larawan ng ginawa ni Ammon bilang missionary

  • Mga materyal para sa mga estudyante: Isang blankong papel para sa bawat estudyante

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa halip na hilingin sa mga estudyante gumawa ng tatlong column sa kanilang papel, maaari mong sabihin sa kanila na gawin ito bilang isang klase gamit ang whiteboard feature. Bilang alternatibo, maaari mo silang igrupo sa mga breakout room at hilingin sa bawat grupo na gawin ang tatlong column sa isang digital na dokumento. Kapag magkakasama na ulit ang mga estudyante, maaaring ibahagi ng bawat grupo ang kanilang dokumento sa klase.

Alma 29

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na masuri ang kanilang mga hangarin at iayon ang mga ito sa mga hangarin ng Panginoon.

  • Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Alma 29:1–6 at pagnilayan ang natutuhan nila tungkol sa mga hangarin.

  • Larawan: Ang Pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma

  • Nilalamang ipapakita: Ang mga tanong at tagubilin sa ilalim ng “Ang kahalagahan ng mga hangarin,” nakadispley sa pisara o sa iba’t ibang lugar sa buong silid

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Sa simula ng lesson, kapag inanyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang nais nila, maaari mo silang anyayahang maglaan ng ilang minuto para maghanap ng isang larawan na naglalarawan sa ninanais nila. Maaaring magsalitan ang mga estudyante sa pagpapakita at pagpapaliwanag ng mga larawang pinili nila.

Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 13

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay ginawa upang tulungan ang mga estudyante na mahanap ang 12 doctrinal mastery scripture passage sa pangalawang bahagi ng Aklat ni Mormon.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hilingin sa mga kaibigan o kapamilya na magpakita sa kanila ng iba’t ibang paraan ng pagmamarka nila ng mga scripture passage at bakit.

  • Handout:Doctrinal Mastery ng Aklat ni Mormon: Alma–Moroni

  • Mungkahi sa pagtuturo para sa videoconference: Upang bigyang-daan ang mga estudyante na makipagtulungan sa mas marami nilang kaklase habang hinahanap nila ang 12 doctrinal mastery passage, maaari mong ilagay ang mga estudyante sa iba’t ibang breakout room para sa bawat scripture passage. Sa simula ng bawat round, maaari kang magmungkahi ng iba’t ibang tanong na maaari nilang itanong sa kanilang kapartner o grupo para matulungan sila na mas makilala ang isa’t isa.