Seminary
Alma 26: “Magbigay-puri Tayo sa Panginoon”


“Alma 26: ‘Magbigay-puri Tayo sa Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 26,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 26

“Magbigay-puri Tayo sa Panginoon”

grupo ng masasayang kabataan

Nagkaroon ka na ba ng karanasan na hindi mo mahihintay na sabihin sa isang tao? Ano ang gusto mong malaman ng mga tao? Ikinagalak ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang kanilang 14 na taong misyon sa mga Lamanita, at gusto rin nilang ibahagi ang kanilang mga karanasan. Nasaksihan nila ang kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos nang malaman ng libu-libong Lamanita ang katotohanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng malalim na pasasalamat at pagmamahal sa Panginoon at sa mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa iyong buhay.

Paghahandang maging instrumento para sa Espiritu Santo. Habang nagsisikap kang tularan ang halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas at ipamuhay ang ebanghelyo nang buong puso, mapapasaiyo ang Espiritu. Hindi mo kailangang maging perpekto—magsikap lang palagi. Humingi ng kapatawaran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas tuwing nagkakamali ka.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring basahin ng mga estudyante ang Alma 26:11–16 at pag-isipan kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “magbigay-puri sa Panginoon.“

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ano ang kinahihiligan mo?

Maaaring talakayin ng mga estudyante ang mga sumusunod nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magbahagi sandali sa klase.

Pag-isipan sandali ang isang bagay na lubos na ikinatutuwa o kinagigiliwan mo—isang bagay na kapag sinimulan mong pag-usapan, mahirap nang tumigil!

  • Bakit ganito katindi ang nadarama mo?

  • Ano ang inaasahan mong madarama ng iba kapag pinag-usapan ninyo ito? Bakit?

Matapos bumalik ang mga anak ni Mosias mula sa kanilang 14-na-taong misyon sa mga Lamanita, kinausap ni Ammon ang kanyang mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan. Basahin ang Alma 26:8, 16, at alamin kung ano ang lubos na ikinatutuwa at kinagigiliwan ni Ammon.

Sa Alma 26:16, ginamit ni Ammon ang mga salitang magbigay-puri, magsasaya, at pupurihin habang nagsasalita tungkol sa Panginoon. Ang ibig sabihin ng magbigay-puri ay magsaya o magbigay ng “papuri nang may pagsamba, karangalan, at pasasalamat” (Merriam-Webster.com, “Glory”; tingnan din sa Gabay sa Mga Banal na Kasulatan, “Kaluwalhatian,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Maaari mong markahan ang mga salitang ito sa talata 16 at sa iba pang mga talatang pag-aaralan mo ngayon.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kahulugan ng kaluwalhatian sa kanilang journal o magsulat ng tala malapit sa Alma 26:16. Maaaring may mga karagdagang kahulugan o ideya ang mga estudyante na ibabahagi batay sa kanilang paghahanda sa klase.

Pag-isipan sandali ang mga sumusunod:

  • Ano ang pakiramdam mo tungkol sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit? Bakit?

  • Nagsasalita ka ba sa iba tungkol sa Kanya nang may kasabikan at kagalakan? Bakit oo o bakit hindi?

Habang pinag-aaralan mo ang Alma 26 ngayon, pagnilayan kung paano madaragdagan ng halimbawa ni Ammon ng pagbabahagi ng nadama niya tungkol sa Diyos ang iyong pagmamahal at pasasalamat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

“Ganitong dakilang pagpapala”

Alamin kung makikinabang nang husto ang mga estudyante sa pagbabasa ng mga sumusunod na scripture block (at iba pang mga block kalaunan sa lesson) bilang isang klase, sa maliliit na grupo, o nang magkakapartner. Gamitin ang mga ibinigay na tanong o iba pa na maaari mong maisip para matulungan ang mga estudyante na maunawaan at masuri ang nilalaman at konteksto.

Basahin ang Alma 26:1–4, 8–16, at alamin kung paano nagsalita si Ammon tungkol sa Diyos at kung ano ang ginawa Niya para sa kanyang mga kapatid at sa mga Lamanita.

  • Ano ang pinakanapansin mo tungkol sa kung paano nagsalita si Ammon tungkol sa Diyos?

  • Anong mga katotohanan ang nakita mo na makapagbibigay-inspirasyon sa isang tao na magbigay-puri sa Panginoon?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga katotohanang natuklasan nila. O maaaring isulat ng mga estudyante ang mga katotohanang ito sa mga sticky note at basahin ang mga ito nang malakas bago idikit ang mga ito sa pisara. Halimbawa, nagkaloob ang Diyos ng dakilang mga pagpapala (mga talata 1–3); Sa pamamagitan natin maisasakatupran ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain at mapagpapala ang iba (talata 3); sa lakas ng Panginoon ay magagawa natin ang lahat ng bagay (talata 12); at ang Diyos ay makapangyarihan, maawain, at mapagtiis sa Kanyang mga anak (talata 16).

Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan upang ipaalala sa mga estudyante ang mga karanasan ni Ammon bilang missionary na humantong sa pagpupuri niya sa Diyos. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na muling isalaysay nang maikli ang ilan sa mga pangyayaring nakatala sa Alma 17–21.

nakikipaglaban si Ammon sa mga Lamanita
nagtuturo si Ammon kay Lamoni
ang reyna ay nagdalamhati kay Lamoni

Bagama’t naiiba ang ating mga karanasan sa mga karanasan ni Ammon, maaari tayong magkaroon ng mga katulad na dahilan upang purihin ang Diyos.

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga dahilan kung bakit sila nagpupuri sa Diyos, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong. Bigyan ng oras ang mga estudyante na masagot ang isa sa mga tanong sa kanilang study journal, at pagkatapos ay sabihin sa mga handang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot.

  • Isipin kung paano ka naging o maaaring maging “kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” (Alma 26:3) para pagpalain ang iba. Paano ka maaaring mahikayat ng mga karanasang ito na papurihan ang Diyos?

  • Ano ang ilan sa iba pang mga dahilan mo para papurihan ang Diyos?

  • Anong mga kaibahan ang magagawa sa buhay ng isang tao ng pagbibigay-puri sa nagawa ng Diyos para sa kanya?

“May gayong kalaking dahilan upang magsaya“

Nang maalala ni Ammon ang kanyang panahon bilang missionary at ang pakikipag-ugnayan niya sa Diyos, siya ay nagbigay-puri at nagalak sa kung sino ang Diyos at kung ano ang ginawang posible ng Diyos sa kanyang buhay.

Maaari kang magbigay ng papel para magawa ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral. Para maiba, ang unang bahagi ng aktibidad ay maaaring gawin ng buong klase. Magagawa ng mga estudyante na pag-aralan ang iba’t ibang grupo at isulat sa pisara ang malalaman nila. Maaari mong gamitin ang mga naka-bullet na tanong o ang iba pang tanong na maiisip mo para matulungan ang mga estudyante na magbigay-puri sa Panginoon.

Itupi ang isang papel sa tatlong bahagi o gumawa ng tatlong column sa isang pahina ng iyong study journal. Lagyan ng label ang itaas ng bawat column na isa sa mga sumusunod na grupo ng mga tao:

Basahin ang mga scripture passage para sa bawat grupo at itala sa column ang ginawa ng Diyos para sa kanila.

  • Ano ang pinakanapansin mo tungkol sa ginawa ng Diyos para sa mga grupong ito ng mga tao? Bakit ito magiging dahilan para magbigay-puri ang mga tao sa Kanya?

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na gawin ang sumusunod na indibiduwal na segment ng aktibidad na ito. Hikayatin ang mga estudyante na maging maalalahanin at madasalin habang gumagawa sila.

Baligtarin ang nakatuping papel, o gumawa ng tatlong bagong column sa iyong study journal. Bigyan ang bawat column ng isa sa mga sumusunod na heading:

  • Paano ako pinagpala ng Diyos

  • Paano pinagpala ng Diyos ang mga mahal ko sa buhay

  • Ang nalalaman at nadarama ko tungkol sa Diyos

Maaari kang magdasal sa Ama sa Langit, at hilingin sa Kanya na maisip at maalala mo ang mga pagpapala ng Diyos sa iyo at ang nalalaman at nadarama mo sa Kanya. Habang inaalala mo kung paano ka pinagpala ng Diyos at ang iba at pinagninilayan mo ang iyong nadarama para sa Kanya, matutulungan ka ng Espiritu Santo na madama ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo.

Itala ang iyong mga sagot sa bawat column, at ipaliwanag kung bakit nagiging dahilan ang mga ito para magbigay-puri ka sa Diyos.

Maaari mong gamitin ang mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanan at kahalagahan ng mga nadama nila. Hikayatin ang mga handang estudyante na ibahagi ang nadama nila nang pagnilayan nila ang kanilang mga dahilan sa pagbibigay-puri sa Panginoon.

  • Paano nakatulong sa iyo ang aktibidad na ito para makadama ka ng mas malaking kagalakan sa Diyos o dagdag na pagmamahal at pasasalamat para sa Kanya?

  • Sa iyong palagay, paano magbabago ang ugnayan mo sa Panginoon kung mas dadalasan mo ang paglalaan ng oras na alalahanin at bigyang-puri Siya?

Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa sumusunod na paanyaya.

Habang pinagninilayan mo ang natutuhan at nadama mo ngayon, maaari kang magtakda ng mithiin na alalahanin at bigyang-puri ang Diyos. Maaari mo ring madamang dapat mong ibahagi sa iba ang iyong nadarama tulad ng ginawa ni Ammon. Humanap ng pagkakataong magbahagi, at isipin kung paano mo matutulungan ang ibang tao na madama ang nadama mo para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.