Seminary
Alma 23: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”


“Alma 23: Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 23,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 23

Sila “Kailanman ay Hindi Nagsitalikod”

grupo ng matatapat na kabataan

Isipin ang maraming puwersa sa mundo ngayon na naghahangad na sirain ang iyong pananampalataya at hilahin ka palayo sa Panginoon. Ano ang magagawa mo para manatiling matatag at maiwasan itong mangyari? Maaari tayong matuto mula sa mga halimbawa ng libu-libong Lamanita na “nagbalik-loob sa Panginoon“ at “kailanman ay hindi nagsitalikod“ (Alma 23:6). Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang hangarin na mas lubos na magbalik-loob sa Panginoon at tukuyin ang anumang balakid sa pagbabalik-loob na iyon.

Paghikayat sa mga mag-aaral na sikaping sundin si Jesucristo. Tulungan ang mga mag-aaral na maunawaan na kapag nagsikap silang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, sila ay magiging higit na katulad ng Tagapagligtas at makadarama sila ng dagdag na kagalakan sa kanilang pagkadisipulo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “nagbalik-loob sa Panginoon” (Alma 23:6) at kung bakit napakahalaga ng pagbabalik-loob sa Kanya. Maaari nilang tingnan ang paksang “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan kung kailangan nila ng tulong.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagiging matatag

Ang lesson na ito at ang lesson sa Alma 24 ay maaaring gamitin nang magkasama upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga balakid sa kanilang pagbabalik-loob; ang susunod na lesson ay ginawa upang tulungan silang madaig ang mga balakid na iyon.

Maaari mong ipagawa sa dalawang boluntaryo ang sumusunod na aktibidad. Ipaalala sa kanila na huwag masyadong itulak ang kanilang kaklase.

Kung maaari, tumayo gamit ang isang paa sa loob ng 30 segundo. Isipin kung gaano kahirap manatiling nakatayo kung may taong tumulak sa iyo habang nakatayo ka gamit ang isang paa.

Ngayon, tumayo sa dalawang paa at isipin kung gaano mas madaling manatiling nakatayo kung may taong tumulak sa iyo.

Kung minsan, inihahambing ng mga banal na kasulatan ang katapatan sa Panginoon sa pananatiling matatag (tingnan sa Mosias 4:11; Alma 1:25) at ang pagtalikod sa Panginoon sa pagbagsak (tingnan sa 2 Nephi 18:15; Helaman 5:12).

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit tumatalikod ang mga tao kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan?

Maaari mong ipakita ang mga tanong na ito para mapag-isipan ng mga estudyante ang mga ito.

Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:

  • Kung ipagpapatuloy mo ang paraan ng pamumuhay mo ngayon, sa palagay mo ba ay mas mapapalapit ka sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan o magsisimula kang tumalikod? Bakit?

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan kaya ayaw mong tumalikod?

Habang pinag-aaralan mo ang tungkol sa mga taong “kailanman ay hindi nagsitalikod” (Alma 23:6), maghanap ng mga kaalaman at humingi ng patnubay sa iyong buhay sa pamamagitan ng panalangin sa Ama sa Langit at sa inspirasyon ng Espiritu Santo.

Nagbalik-loob sa Panginoon

Pagkatapos ng kanyang pagbabalik-loob, ipinahayag ng hari ng mga Lamanita ang kalayaang pangrelihiyon sa lupain upang ligtas na maipangaral ng mga anak ni Mosias ang ebanghelyo.

Basahin ang Alma 23:3–5, at alamin ang naging epekto ng pangangaral sa mga tao.

Maaari mong itanong kung anong mga parirala ang pinakanapansin ng iyong mga estudyante.

Kung minsan, inuulit ng mga banal na kasulatan ang mga parirala na mahalagang maunawaan natin. Basahin ang Alma 23:6–13, 15, at maghanap ng mga parirala na nagsasaad kung bakit “kailanman ay hindi nagsitalikod” ang libu-libong taong ito na nagbalik-loob (talata 6). Maaari mong markahan ang mga inulit na parirala.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila. Ang “nagbalik-loob sa Panginoon” ay inulit sa Alma 23:6, 8, 13, at “ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik“ at ang“nagbaba ng mga sandata ng kanilang paghihimagsik“ ay nasa Alma 23:7, 13, ayon sa pagkakabanggit.

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagbalik-loob tayo sa Panginoon at ibinaba natin ang ating mga sandata ng paghihimagsik, lagi tayong mananatiling tapat sa Kanya.

  • Ano ang ibig sabihin ng “nagbalik-loob sa Panginoon”? (Alma 23:6). (Kung makatutulong, maaari mong pag-aralan ang “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

  • Bakit mahalagang magbalik-loob “sa Panginoon” sa halip na sa isang missionary o sa isang partikular na turo?

Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas habang inaanyayahan mo ang mga estudyante na gawin ang mga sumusunod.

ang Tagapagligtas

Isipin ang nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas at pagnilayan kung bakit gusto mong magbalik-loob at manatiling nagbalik-loob sa Kanya habambuhay. Maaari mong basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata para matulungan ka:

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga naisip at nalaman nila.

  • Ano ang nakatulong sa iyo at sa iba pang kakilala mo na mas magbalik-loob sa Panginoon?

Pagbababa ng ating mga sandata ng paghihimagsik

Upang tunay na magbalik-loob sa Panginoon at hindi kailanman tumalikod, dapat handa tayong ibaba ang ating mga sandata ng paghihimagsik. Ang mga sandata ng paghihimagsik ng mga Lamanita ay kapwa literal at simboliko. Ngunit para sa atin, ang mga sandatang ito ay malamang na simbolo lamang.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na pahayag.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating mga sandata ng paghihimagsik ay maaaring “kasakiman, kapalaluan, at pagsuway” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 108). Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ating mga sandata ay maaaring “mga personal na hangarin na taliwas sa pagiging nakaangkla sa Tagapagligtas at pagsunod sa landas ng tipan” (“Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 22).

Ang layunin ng sumusunod na aktibidad ay tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga halimbawa ng mga sandata ng paghihimagsik na nauugnay sa ating panahon. Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang miyembro na pupunta sa pisara at magdrowing ng isang sandata ng paghihimagsik at lagyan ito ng label habang maikling inilalahad ng isa pang miyembro ang ilan sa mga sagot ng grupo sa mga sumusunod na tanong. Habang nagbabahagi sila, maghanap ng mga paraan na mapuri ang mga estudyante sa pag-uugnay ng mga banal na kasulatan sa ating panahon, at pasalamatan sila sa kanilang mga pagsisikap.

Magdrowing ng dalawang simpleng sandata (mga espada, sibat, o iba pang mga sandata) sa iyong study journal o sa isang papel. Sa tabi ng bawat sandata o sa mismong sandata, sumulat ng isang partikular at makatotohanang halimbawa ng pag-uugali o gawain na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo na maaaring mayroon ang isang tinedyer sa ating panahon. Halimbawa, ang isang taong may kapalaluan ay maaaring hindi makinig sa payo ng kanyang mga magulang, o maaaring madama niya na ang mga propeta ay matanda na at walang alam. O maaaring makagawa ng ilang kasalanan ang isang tao dahil iniisip niya na masyadong mahigpit ang mga kautusan ng Diyos.

  • Paano maaaring makaapekto ang mga pag-uugali o gawaing ito sa pagbabalik-loob ng taong ito sa Panginoon?

  • Paano makatutulong sa isang tao ang pagbababa o pagtalikod sa mga pag-uugali o gawaing ito upang lalong siyang magbalik-loob sa Panginoon?

Ang iyong mga sandata ng paghihimagsik

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad sa kanilang study journal.

Para tapusin ang lesson na ito, hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para matukoy ang mga sandata ng paghihimagsik na maaaring mayroon ka. Kung may matutukoy ka, maaari mong isulat ito sa iyong study journal at magdrowing ng sandata sa tabi nito.

Pagnilayan kung ano ang maaari mong gawin upang maibaba ang iyong mga sandata ng paghihimagsik at kung paano makatutulong sa iyo ang pangakong iyon na magbalik-loob sa Panginoon at hindi kailanman tumalikod.

Maaari kang magpatotoo tungkol sa mga alituntuning itinuro sa lesson na ito.