Seminary
Alma 29: Ang mga Naisin ng Ating Puso


“Alma 29: Ang mga Naisin ng Ating Puso,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 29,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 29

Ang mga Naisin ng Ating Puso

kabataang nagha-hiking

Paano mo masasabi kung ang iyong mga hangarin para sa iyong buhay ay naaayon sa nais ng Panginoon para sa iyo? Nakatala sa Alma 29 ang hangarin ng puso ni Alma at ang kanyang pagninilay kung ang kanyang mga hangarin ay naaayon sa nais ng Diyos para sa kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na masuri ang sarili mong mga hangarin at iayon ang mga ito sa mga hangarin ng Panginoon.

Palakasin ang pananampalataya kay Jesucristo. Kapag naghahandang magturo, itanong sa iyong sarili, “Sa lahat ng katotohanan na mabibigyang-diin sa scripture block na ito, alin ang pinakamakatutulong sa aking mga estudyante para mas mapalapit sila sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas?” Hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo upang mas maunawaan kung aling mga katotohanan ng ebanghelyo ang pinakamahusay na magsasakatuparan ng layuning iyon.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Alma 29:1–6 at pagnilayan ang natutuhan nila tungkol sa mga hangarin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga hangarin ko para sa buhay ko

Maaari kang magpakita ng larawan mo noong bata ka pa at magbahagi ng iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na magdala ng mga larawan ng mga sarili nila noong maliliit na bata pa sila at sagutin ang mga tanong.

Bilang alternatibo, sa maraming kultura may mga pabula o kuwento kung saan may isang taong tinanong kung ano ang pinakagusto o pinakanais nila. Kabilang sa ilang halimbawa ang paghiling sa isang bituin, paghiling ng mga gusto mula sa isang genie o fairy, o paghiling habang hinihipan ang mga kandila sa kaarawan. Maaari mong banggitin ang isa sa mga pamilyar na kuwentong ito at itanong, “Kung mahihiling mo ang isa sa iyong mga pinakagusto, ano kaya iyon?”

  • Noong bata ka pa, ano ang ilan sa mga pinakagusto mo?

  • Ngayong mas matanda ka na, paano nagbago ang mga gusto o hangarin mo? Paano maaaring magbago ang mga hangarin mo sa hinaharap?

Sa isang panig ng isang pahina sa iyong study journal, isulat ang ilan sa iyong mga hangarin para sa iyong buhay. (Gagamitin mo ang kabilang panig kalaunan sa lesson.)

  • Paano nakakaimpluwensya ang ating mga hangarin sa ating buhay?

Habang tayo ay lumalaki at nagma-mature sa ebanghelyo at mas napapalapit sa Diyos, ang ilan sa ating mga hangarin ay maaaring magbago at mas umayon sa nais Niya para sa atin.

  • Paano natin masasabi kung ang ating mga hangarin ay naaayon sa nais ng Diyos para sa atin?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan ang iyong mga hangarin. Alamin ang mga hangarin na naaayon sa mga hangarin ng Diyos at ang mga hangaring maaaring kailangang pag-isipan o baguhin.

Pag-aayon ng ating mga hangarin sa kalooban ng Panginoon

Sa Alma 29, itinala ni Alma ang isa sa kanyang mga hangarin. Basahin ang Alma 29:1–2, at alamin kung anong mithiin ang inilarawan niya.

  • Bakit nais ni Alma na maging anghel? Ano ang sinasabi nito tungkol sa kanya?

  • Ano ang alam mo tungkol sa nakaraan ni Alma na maaaring nagbigay-inspirasyon sa kanyang hangarin na maging isang anghel? (tingnan sa Mosias 27:11–17).

Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang karanasan ni Alma sa isang anghel na nakatala sa Mosias 27. Ang isang paraan na magagawa mo ito ay ipakita ang sumusunod na larawan at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang naaalala nila tungkol sa salaysay na ipinapakita nito.

pagbabalik-loob ng Nakababatang Alma

Ang pag-unawa sa konteksto ng mga talata ay makapagbibigay sa atin ng karagdagang kaalaman. Sa mga kabanata bago ang Alma 29, iniutos ng Panginoon kay Ammon na isama ang mga Anti-Nephi-Lehi para manirahan kasama ng mga Nephita para protektahan sila (tingnan sa Alma 27:4–12). Ibinigay ng mga Nephita sa mga Anti-Nephi-Lehi ang lupain ng Jerson upang maging tirahan nila at nangako ang mga Nephita na poprotektahan sila. Sinundan ng masasamang Lamanita ang mga Anti-Nephi-Lehi at nagsimulang makipagdigma. Ipinagtanggol ng mga Nephita ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya laban sa mga Lamanita. Dahil dito, “sampu-sampung libo sa mga Lamanita ang napatay at nagkalat … at nagkaroon din ng napakalaking pagkatay sa mga tao ni Nephi” (Alma 28:2–3).

  • Paano makatutulong sa iyo ang kontekstong ito na maunawaan kung bakit ninais ni Alma na manawagan nang buong tapang sa mga tao na magsisi at iwasan ang kalungkutan?

Basahin ang Alma 29:3–6, at alamin ang naunawaan ni Alma tungkol sa mga hangarin.

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila. Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang lesson o alituntunin. Kung hindi ito babanggitin ng mga estudyante, ipabuod sa kanila ang itinuro ni Alma sa talata 4.

Ang isang alituntunin na maaaring natukoy mo ay tinutulutan tayo ng Diyos na pumili batay sa ating mga hangarin.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan sa kanilang banal na kasulatan ang mahahalagang salita o parirala sa talata 4 na tumutukoy sa katotohanang ito.

  • Bakit mahalagang maunawaan natin ang alituntuning ito?

Para matulungan kang ihambing ang iyong mga hangarin sa mga hangarin ng Panginoon, ilista sa kabilang panig ng pahina sa iyong study journal ang nais ng Panginoon para sa Kanyang mga anak. Maaari mong basahin ang ilan sa mga sumusunod na scripture passage para magawa ang listahang ito:

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Ang ilang halimbawa ay maaari nating marinig at makilala ang Tagapagligtas (tingnan sa Mateo 17:5; Juan 17:3; 3 Nephi 11:3–7), ipakita ang ating pagsunod (tingnan sa Abraham 3:25), gawin ang Kanyang gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:6), mahalin ang iba (tingnan sa Levitico 19:18; Mateo 22:37–40), magpakasal at magkaroon ng mga pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; Genesis 1:22), makadama ng kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2:25), at magmana ng buhay na walang hanggan kasama Niya (tingnan sa Moises 1:39).

Tingnan ang dalawang panig ng iyong pahina. Tandaan na nais ng Panginoon na ituon natin ang ating mga hangarin sa pagmamahal at paglilingkod sa Kanya at sa ating kapwa. Pagnilayan kung gaano nakaayon ang iyong mga hangarin sa mga hangarin ng Diyos para sa iyo.

Bagama’t mabuti ang hangarin niyang ibahagi ang ebanghelyo, natanto ni Alma na ang pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo tulad ng isang anghel sa buong mundo ay hindi lubos na nakaayon sa kung saan at paano siya tinawag ng Diyos na maglingkod. Maaari mong salungguhitan ang anumang parirala sa Alma 29:3–6 na nagpapakita na nais ni Alma na iayon ang kanyang mga hangarin sa kalooban ng Diyos.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng makuntento sa ibinigay sa atin ng Panginoon?

  • Tulad ni Alma, bakit kaya dapat nating hangaring iayon ang ating mga hangarin sa mga hangarin ng Panginoon?

  • Paano natin maiaayon ang ating mga hangarin sa kalooban ng Diyos kapag tumanggap tayo ng tungkuling maglingkod sa paraang naiiba sa sarili nating kagustuhan?

Kalaunan sa kabanata, ipinaliwanag ni Alma na hindi niya kailangang maging anghel para magsalita sa buong mundo dahil tuturuan ng Diyos ang lahat ng bansa sa Kanyang karunungan at takdang panahon (tingnan sa Alma 29:7–8). Basahin ang Alma 29:9, 13, at alamin ang binigyang-puri ni Alma at ano ang nadama niya nang iayon niya ang kanyang mga hangarin sa mga hangarin ng Diyos.

Ang kahalagahan ng mga hangarin

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa tungkol sa mga hangarin. Maaari mong idispley ang mga sumusunod na tanong at tagubilin sa buong silid-aralan. Magagawa ng mga estudyante na magtipon malapit sa tanong na interesado silang pag-aralan, sundin ang mga tagubilin, at talakayin sa maliliit na grupo ang mga sagot na mahahanap nila para sa tanong. Maaari itong ulitin para mapag-aralan ng mga estudyante ang mahigit sa isang tanong.

Paano ko mapag-iibayo ang aking hangaring sundin ang Panginoon?

Habang pinag-iisipan mo ang tanong na ito, makatutulong na mag-isip ng mga halimbawa ng mga taong nagbalik-loob sa Panginoon. Ang ilang tao na maaari mong pag-aralan ay si Enos (tingnan sa Enos 1:1–7), ang mga tao ni Haring Benjamin (tingnan sa Mosias 5:1–5), at si Haring Lamoni (tingnan sa Alma 22:15–16).

Ano ang dapat kong hangarin sa aking buhay?

Habang naghahangad ka ng paghahayag sa tanong na ito, pag-aralan ang mga halimbawa ng ninais ng iba o ng inasahan ng Panginoon na nanaisin nila (tingnan sa Roma 10:1; 3 Nephi 19:7–9; Doktrina at mga Tipan 6:6–8).

Ano pa ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa ating mga hangarin?

O basahin ang ilan sa mga sumusunod na talata: Mga Awit 37:4; Mga Kawikaan 10:24; Enos 1:12; Alma 41:5; Doktrina at mga Tipan 18:38; 137:9.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Maaari mong itanong kung may mga katanungan ang mga estudyante na gusto nilang sagutin ng klase. Sama-samang maghanap ng mga banal na kasulatan at magbahagi ng mga karanasan at patotoo na maaaring makatulong sa pagsagot sa anumang tanong.

Pagnilayan sandali kung paano nauugnay sa iyo ang lesson na ito. Isulat sa iyong study journal kung ano ang magagawa mo para mapalakas ang iyong mabubuting hangarin at hingin ang tulong ng Panginoon na maiayon mo ang ano pa mang mga hangarin mo sa Kanyang kalooban.