“Alma 24: ‘Ibaon Pa Natin ang mga Ito Nang Malalim sa Lupa,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 24,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 24
“Ibaon Pa Natin ang mga Ito Nang Malalim sa Lupa“
Kung minsa’y bumibigay tayo sa parehong kasalanan at nagkakaroon tayo ng masamang gawi o maging ng adiksiyon. Maaaring napakahirap madaig ang mga kasalanang ito. Marami sa mga Anti-Nephi-Lehi ang nagkaroon ng masasamang gawain bago sila nagbalik-loob sa Panginoon. Nang maranasan nila ang kapatawaran ng Tagapagligtas, sila ay nabigyang-inspirasyon na huwag nang bumalik sa mga kasalanang iyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madaig ang kasalanan at masasamang gawi sa tulong ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagdaig sa kasalanan sa tulong ng Tagapagligtas
Basahin ang sumusunod na sitwasyon:
Nahirapan si Samantha sa isang partikular na kasalanan sa loob ng maraming taon. Nang lalo siyang magbalik-loob sa Panginoon, nagsikap siyang magsisi at humingi ng tulong sa Tagapagligtas para sa lakas na madaig ang kanyang problema. Nadama niya ang kapatawaran at pagmamahal ng Panginoon. Gayunpaman, sa mga sandali ng kahinaan, kung minsan ay bumabalik siya sa kasalanang iyon.
-
Ano kaya ang mararamdaman ni Samantha sa sitwasyong ito?
Isipin kung gaano mo kaya kahusay na matutulungan si Samantha at kung ano pa ang kailangan mong malaman at maunawaan para mas matulungan siya. Isipin din ang mga isyu na sa palagay mo ay matutulungan ka ng Panginoon upang madaig ang mga ito. Habang nag-aaral ka, hanapin ang mga katotohanan na, kapag isinabuhay, ay maaaring mag-anyaya sa Tagapagligtas na tulungan kayo ni Samantha na madaig ang kasalanan.
Ang mga tao ng Anti-Nephi-Lehi
Ang mga tao ng Anti-Nephi-Lehi ay mga Lamanita na gumamit noon ng kanilang mga espada upang patayin ang iba. Gayunpaman, matapos nilang “[m]agbalik-loob sa Panginoon, “ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik“ (Alma 23:6–7).
Basahin ang Alma 24:1–4 para malaman kung paano tumugon ang ilan sa iba pang mga Lamanita.
-
Kung isa ka sa mga Anti-Nephi-Lehi, ano kaya ang maiisip at madarama mo sa panahong iyon? Bakit?
Si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay nagdaos ng isang pulong kasama si Haring Lamoni at ang kanyang kapatid, ang hari ng mga taong tinawag na Anti-Nephi-Lehi (tingnan sa Alma 24:5). Pagkatapos ay nagsalita ang hari sa kanyang mga tao.
Basahin ang mensahe ng hari sa Alma 24:7–16. Hanapin at pag-isipang markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan sa mga sumusunod:
-
Ang ginawa ng Diyos para sa mga taong ito
-
Ang ginawa ng mga tao para magsisi
-
Ang ipinayo ng hari na gawin nila upang talikuran ang kanilang mga kasalanan
-
Ano kaya ang maiisip at madarama mo kung naroon ka at nakikinig sa mensaheng ito? Bakit?
-
Anong mga salita o parirala ang makapaghihikayat sa iyo na sikaping huwag nang bumalik sa iyong mga kasalanan?
Ibinabaon ang kanilang mga sandata ng digmaan
Basahin ang Alma 24:17–19 at markahan kung paano tumugon ang mga tao pagkatapos ng mensaheng ito at bakit.
-
Sa palagay mo, paano maiuugnay sa atin ang karanasan ng mga Anti-Nephi-Lehi?
Ang isang katotohanan na matutukoy natin mula sa salaysay na ito ay ang ating pagmamahal at katapatan kay Jesucristo ay makatutulong sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan.
Pagnilayan sandali kung bakit totoo ang alituntuning ito.
-
Kapag naghahangad na talikuran ang kasalanan, bakit maaaring makatulong na alalahanin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at ang nagawa Nila para sa atin? (Maaaring makatulong na pagnilayan ang mga pariralang tulad ng “kanya ring pinatawad tayo” [Alma 24:10], “kinaawaan tayo ng dakilang Diyos” [Alma 24:14], at “minamahal niya ang ating mga kaluluwa” [Alma 24:14].)
-
Paano nakatulong ang pagbabaon sa kanilang mga espada “nang malalim sa lupa” (Alma 24:17) para matalikuran ng mga taong ito ang kanilang mga kasalanan?
Pansinin ang mga sumusunod na parirala sa talata 18 (idinagdag ang pagbibigay-diin):
-
“Kaysa sa padanakin ang dugo ng kanilang mga kapatid ay ibibigay nila ang kanilang buhay.”
-
“Kaysa sa kumuha mula sa isang kapatid sila ay magbibigay sa kanya.”
-
“Kaysa sa palipasin ang kanilang mga araw sa katamaran ay masigasig silang gagawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.”
Sa kabuuan, hindi lamang ibinaon ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang mga sandata ng digmaan; pinalitan din nila ng mabubuting gawa ang kanilang mga dating kasalanan.
-
Paano makatutulong sa atin ang paggawa nito para matalikuran natin ang kasalanan?
-
Ano ang ilang paraan na magagawa natin ito ngayon?
Para makakita ng halimbawa, panoorin ang video na “Ang Bisa ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob” mula sa time code na 6:11 hanggang 8:12, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Ang pangako ng mga tao ng Anti-Nephi-Lehi
Basahin ang Alma 24:20–27 para malaman kung paano ipinamuhay ng mga Anti-Nephi-Lehi ang kanilang pangako na talikuran ang kasalanan. Habang nagbabasa ka, ipagpalagay na naroon ka. Pag-isipan ang mga tanawin, tunog, at damdamin na maaaring nararanasan mo habang nakayuko ka at nananalangin, at nalalamang wala kang anumang pananggalang sa iyong sarili at na ikaw ay ganap na nasa mga kamay ng Panginoon.
-
Ano ang hinangaan mo tungkol sa kanilang katapatan?
Inilarawan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano maiuugnay sa atin ngayon ang mga sakripisyo ng mga Anti-Nephi-Lehi.
Lubos na ibaon ang inyong mga sandata ng paghihimagsik nang hindi nakausli ang mga hawakan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang paggawa ng mga tipan nang may tunay na layunin na matapat na tuparin ang mga ito ay magpapala sa inyong buhay magpakailanman. Magiging mas katulad kayo ng Tagapagligtas kapag lagi ninyo Siyang aalalahanin, susundin, at sasambahin. Pinatototohanan ko na Siya ang matibay na pundasyon. Siya ay maaasahan, at ang Kanyang mga pangako ay tiyak. (Dale G. Renlund, “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo,” Liahona, Nob. 2019, 25)
Paano talikuran ang kasalanan
Alalahanin ang sitwasyon ni Samantha sa simula ng lesson. Ipaliwanag kung paano mo imumungkahi na ipamuhay niya ang mga alituntuning napag-aralan mo ngayon. Isama ang sumusunod:
-
mga paraan na maaalala niya ang pagmamahal ng Panginoon sa kanya
-
mga partikular na gawain na magagawa niya upang maiwasan ang pagbabalik muli sa kanyang mga dating kasalanan
Pagtalikod sa iyong mga kasalanan
Sa iyong study journal, isulat kung paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo ngayon. Sumulat ng mga hakbang na maisasagawa mo para maalala ang pagmamahal ng Panginoon. Magsama ng mga praktikal na hakbang para talikuran ang kasalanan at mag-ingat para hindi na bumalik pa rito.
Habang sinisikap mong sundin ang iyong plano, magtiwala na mahal ka ng Tagapagligtas at tutulungan ka Niya kapag sinikap mong iwasan ang mga sitwasyon na mag-uudyok sa iyong magkasala.