Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 3: Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Itinalagang Source na Ibinigay ng Diyos
“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 3: Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Itinalagang Source na Ibinigay ng Diyos” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 3: Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Itinalagang Source na Ibinigay ng Diyos” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 3
Hangarin na Mas Makaunawa sa Pamamagitan ng mga Itinalagang Source na Ibinigay ng Diyos
Ang isa sa mga layunin ng doctrinal mastery ay tulungan kang matutuhan at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanap ng katotohanan mula sa mga source na buong pagmamahal na ibinigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mahalaga ang mga source
Pagnilayan sandali ang kahalagahan ng tubig sa iyong buhay.
Kailan pinakamahalaga sa iyo ang pagkakaroon ng tubig?
Bakit mahalaga ang pinagkukunan ng tubig na iniinom mo?
Ang paghahanap ng katotohanan ay maitutulad sa pag-inom ng tubig: mahalaga ang pinagkukunan. Isipin ang mga source na ginagamit mo kapag may mga tanong o alalahanin ka. Gaano ka kakumpiyansa na ang mga source na ito ay nagbibigay ng mga totoong sagot?
Ang paghahanap ng mga sagot mula sa mga mapagkakatiwalaang source ay makagagawa ng kaibhan sa pagitan ng matutuhan ang katotohanan at malinlang ng mga maling ideya. Maaaring hindi natin palaging napapansin kapag ang mga source ay naglalaman ng maling impormasyon. Maaaring ang ilang source ay ginawa para magdulot ng kawalan ng tiwala, takot, at pag-aalinlangan. Nais ng Ama sa Langit na sagutin ang iyong tapat na mga tanong at nagbigay Siya ng mga mapagkakatiwalaang source na gagabay sa iyo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang matutuhan at mahanap ang mga sagot sa pamamagitan ng mga itinalagang source na ibinigay ng Diyos.
Paghahanap ng katotohanan
Sa Aklat ni Mormon, isang lalaking nagngangalang Serem ang humarap kay Jacob, na kapatid ni Nephi, sa pagtatangkang “matitinag niya [si Jacob] mula sa pananampalataya” (Jacob 7:5). Sinabi ni Serem na nagtuturo si Jacob ng maling doktrina tungkol kay Jesucristo: “Walang taong nakaaalam ng gayong mga bagay; sapagkat hindi siya maaaring makapagsabi ng mga bagay na darating” (Jacob 7:7). Tumugon si Jacob sa pamamagitan ng pagpapahayag kung paano niya nalaman ang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na darating sa hinaharap.
Basahin ang Jacob 7:8–12, at alamin ang mga source na nakatulong kay Jacob na malaman ang tungkol kay Jesucristo.
Sa iyong palagay, bakit nagtiwala si Jacob na nagbibigay ng katotohanan ang mga source na ito?
Basahin ang talata 1, 11–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022), at maghanap ng impormasyon tungkol sa mga source ng kaalaman. Maaari mong markahan ang mga salita o parirala na mahalaga para sa iyo.
Ano ang mahalaga para sa iyo sa mga talatang ito?
Paano makagagawa ng kaibhan ang mga source na ginagamit mo sa impormasyong nahanap mo?
Paano ipinapakita ng mga itinalagang source na ibinigay ng Diyos ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?
Mga katanungan ng kaluluwa
Sa sumusunod na aktibidad, maging mapagmasid sa mga estudyanteng maaaring mangailangan ng indibiduwal na tulong. Maaari mong ituro sa kanila ang mga makatutulong na source o magbigay ng mga follow-up na tanong para matulungan silang ituon ang kanilang mga pagsisikap.
Tinukoy ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mahihirap na tanong at alalahanin sa buhay bilang “mga katanungan ng kaluluwa” (tingnan sa “Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Liahona, Nob. 2016, 103). Sa iyong study journal, maglista ng ilang “mga katanungan ng kaluluwa.” Maaaring ito ay mga tanong mo o ng mga kaibigan o kapamilya mo.
Pumili ng tanong na kailangan mong maunawaan sa tulong ng Ama sa Langit. Mag-ukol ng panahon na maghanap ng karagdagang pang-unawa mula sa mga itinalagang source na ibinigay ng Diyos. Anyayahan ang Espiritu Santo na gabayan ka, at isulat sa iyong study journal ang pagkaunawang matatanggap mo.
Upang makapagsimula, maaari mong saliksikin ang SimbahanniJesucristo.org, ang Gospel Library app, o mga isyu ng kumperensya ng mga magasin ng Simbahan upang makahanap ng mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na sumasagot sa iyong tanong. Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, at indeks sa triple combination ay makatutukoy rin ng makatutulong na mga banal na kasulatan.
Tandaan, ang paghahanap ng mga sagot sa mga espirituwal na tanong ay nangangailangan ng panahon. Kapag sinunod mo ang huwaran ng Panginoon sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman, matuturuan ka ng Espiritu Santo nang “taludtod sa taludtod, … kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Humanap ng mga pagkakataong ibahagi sa iyong mga kapamilya o mga lider ng Simbahan ang mga natutuhan mo.
Hikayatin ang mga estudyante na nakahandang magbahagi kung paano nakatutulong sa kanila na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang paghahanap ng mga sagot sa mga itinalagang source na ibinigay ng Diyos. Maaari kang magpatotoo tungkol sa katotohanang ito.