Seminary
1 Nephi 6–7: Pagtukoy sa “mga Bagay ng Diyos”


“1 Nephi 6–7: Pagtukoy sa ‘mga Bagay ng Diyos,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“1 Nephi 6–7: Pagtukoy sa ‘mga Bagay ng Diyos,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

1 Nephi 6–7

Pagtukoy sa “mga Bagay ng Diyos”

Kinakausap ni Nephi at ng kanyang mga kapatid si Ismael

Kung magsusulat ka ng talaang pag-iingatan kung saan maaaring matuto ang mga susunod na henerasyon, ano ang maaari mong isama? Ipinahayag ni Nephi ang kagustuhan niya na maging nakasisiya sa Diyos ang kanyang mga isinulat at mahikayat ang iba na sundin si Jesucristo. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan kung paano makatutulong sa iyo ang mga layunin ng Aklat ni Mormon sa iyong pag-aaral at sa iyong buhay.

Pagtutuon ng pansin sa layunin ng may-akda. Ayon sa pahina ng pamagat nito, ang Aklat ni Mormon ay isinulat “sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at ng paghahayag” upang mahikayat ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo. Sa pag-aaral ng mga estudyante, hikayatin sila na isipin ang maaaring dahilan kung bakit naitala ng bawat may-akda ang isang partikular na turo o pangyayari at kung paano ito nakatutulong sa mga mambabasa na mas mapalapit kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang kanilang personal na pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa araw-araw. Anyayahan silang isipin ang kanilang karanasan sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon at kung ano ang natututuhan nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit dapat pag-aralan ang Aklat ni Mormon?

Ang sumusunod ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na matukoy kung bakit isinama ni Nephi sa kanyang talaan ang ginawa niya. Kung gusto mong gumamit ng visual, maghanda ng kopya ng Aklat ni Mormon kasama ng iba pang mga aklat at sabihin sa mga estudyante na isadula ang sitwasyong ito bilang isang klase o nang magkakapartner.

Isipin kung ano kaya ang isasagot mo kung may nagtanong sa iyo ng mga sumusunod:

  • Maraming aklat tungkol sa relihiyon at pagiging mas mabuting tao; bakit ko dapat basahin ang Aklat ni Mormon? Ano ang magagawa nito para sa akin? Paano ito naiiba o mas mahusay kaysa sa iba pang mga aklat?

Ipabahagi sa ilang estudyante ang sasabihin nila. Pasalamatan sila sa kanilang mga sagot at purihin sila sa maganda nilang mga sagot. Hikayatin sila na maghanap ng dagdag na kaalaman habang nag-aaral sila.

Ibinahagi ni Nephi ang kanyang layunin, o mga layunin, sa pagsulat ng kanyang mga ginawa sa Aklat ni Mormon. Kapag alam natin ang mga layuning ito, mauunawaan natin kung bakit dapat nating basahin ang aklat at kung ano ang magagawa nito para sa atin.

Basahin ang 1 Nephi 6:3–6 at pag-isipang markahan ang mga salita o parirala na tumutukoy sa mga layunin ni Nephi sa pag-iingat ng kanyang talaan. Maaaring makatulong na malaman na “ang Diyos ni Abraham, … ni Isaac, at … ni Jacob” (talata 4) ay isang titulo para kay Jesucristo.

  • Paano mo ipaliliwanag kung bakit itinala ni Nephi ang ginawa niya?

Ayon kay Nephi, layunin ng kanyang mga isinulat na hikayatin tayong lumapit kay Jesucristo at naglalaman lamang ito ng mga bagay na nakasisiya sa Diyos.

Maglaan ng ilang sandali para pag-isipan ang karanasan mo sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon hanggang sa kasalukuyan.

Alamin kung pinakamainam para sa mga estudyante na sagutin nang malakas ang mga sumusunod na tanong, isipin ang kanilang mga sagot nang mag-isa, o isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Nakatutulong ba ang Aklat ni Mormon para malaman mo ang mga bagay na nakasisiya sa Diyos? Kung oo, paano?

  • Sa palagay mo ba ay nakatutulong sa iyo ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon para mas mapalapit kay Jesucristo at mailigtas? Bakit oo o bakit hindi?

  • Paano magiging pagpapala sa iyong buhay ang malaman ang mga bagay ng Diyos at mas mapalapit kay Jesucristo?

Paglapit kay Jesucristo at pag-alam sa mga bagay na nakasisiya sa Diyos

Ang isang kapaki-pakinabang na kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay hanapin ang mga layunin ni Nephi habang binabasa mo ang Aklat ni Mormon. Magkakaroon ka ng pagkakataong magsanay na gawin ito habang pinag-aaralan mo ang 1 Nephi 7.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tagubilin, reperensyang banal na kasulatan, at buod at hilingin sa mga estudyante na pumili ng isang bahagi na pag-aaralan. Alamin kung pinakamainam para sa mga estudyante na mag-aral nang mag-isa, nang may kapartner, o sa maliliit na grupo. Maaaring makatulong na lumibot sa silid at tulungan ang sinumang estudyante na maaaring may mga tanong o nangangailangan ng tulong sa pag-unawa o pagsasapersonal sa binabasa nila.

Ang mga pangyayaring isinaad ni Nephi sa 1 Nephi 7 ay maaaring hatiin sa tatlong pangunahing bahagi. Basahin ang mga sumusunod na buod ng bawat bahagi. Pumili ng isa at pag-aralan pa ito, at alamin ang anumang bagay na nakasisiya sa Diyos at tumutulong sa atin sa paglapit kay Cristo.

Bahagi 1. 1 Nephi 7:1–5. Bumalik muli si Nephi at ang kanyang mga kapatid sa Jerusalem upang hikayatin ang pamilya ni Ismael na sumama sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako. Dahil dito, nakapag-asawa si Nephi at ang kanyang mga kapatid at nagkaroon sila ng mga pamilya.

12:24

Bahagi 2. 1 Nephi 7:6–18. Iginapos nina Laman at Lemuel si Nephi, at sinadyang iwanan siya sa ilang upang mamatay. Ngunit si Nephi ay nanampalataya nang lubos, at mahimalang iniligtas siya ng Panginoon.

12:24

Bahagi 3. 1 Nephi 7:17–22. Taos-pusong pinatawad ni Nephi ang kanyang mga kapatid sa pagtatangka nilang patayin siya, at bumalik ang pangkat kina Lehi at Saria.

12:24

Kapag natapos na ang pag-aaral ng mga estudyante, ipatalakay sa kanila ang natutuhan nila at ipasulat sa pisara ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa iyong pag-aaral na sa palagay mo ay ikasisiya ng Diyos at makatutulong sa iyo na lumapit kay Cristo?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga alituntuning tulad ng ang pag-aasawa at pamilya ay sentro sa plano ng Diyos; kung mananampalataya tayo sa Panginoon, magagawa Niya ang lahat ng bagay para sa atin alinsunod sa Kanyang kalooban; at ang pagpapatawad sa iba ay nagdudulot ng kapayapaan.

  • Paano makatutulong sa buhay mo ang natutuhan mo?

Kung kinakailangan, maaari kang magbigay ng mga follow-up na tanong tulad ng mga sumusunod: Ano kaya ang mangyayari kapag ipinamuhay ninyo ang inyong natutuhan? Anong mga susunod na hakbang ang maaari ninyong gawin?

Pag-isipan ang iyong karanasan sa pag-aaral mo sa araw na ito habang naghahanap ka ng mga bagay na partikular na tutulong sa iyo sa paglapit kay Jesucristo at ng mga bagay na nakasisiya sa Diyos.

  • Paano mo mas mapagbubuti ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan kung palagi kang mag-aaral sa ganitong paraan?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng personal na patotoo o bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan o nadama nila mula sa kanilang pag-aaral.