Kailan ka nahikayat na alamin kung totoo ang isang bagay na narinig mo? Anong mga pagsisikap ang ginawa mo at sino ang inasahan mo na tumulong? Matapos marinig ang kanyang ama, si Lehi, na magturo tungkol sa punungkahoy ng buhay at magpropesiya tungkol sa pagparito ni Jesucristo, ninais ni Nephi na malaman ang katotohanan ng mga salita ng kanyang ama para sa kanyang sarili. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo sa iyong mga pagsisikap na masigasig na maghangad ng kaalaman mula sa Panginoon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Kapag nagsasalita ang mga propeta
Isipin na sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, nagbigay ang propeta ng ilang paanyaya sa mga kabataan na kumilos nang may pananampalataya.
Ano kaya ang ilan sa iba’t ibang reaksyon ng mga kabataan?
Sa palagay mo, bakit kaya magkakaroon ng ganitong iba’t ibang reaksyon?
Paano maaaring makaimpluwensya ang mga reaksyong ito sa kanilang buhay ngayon o sa hinaharap?
Isipin kung paano ka tumugon sa mga turo ng mga propeta at kung bakit. Paano ka naimpluwensyahan ng iyong mga reaksyon? Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hangaring matuto mula sa iba’t ibang reaksyon sa mga turo ng propeta sa mga banal na kasulatan at isipin kung paano ito naaangkop sa iyo.
Hangaring malaman
Matapos ilahad ni propetang Lehi ang kanyang pangitain tungkol sa punungkahoy ng buhay sa kanyang pamilya (tingnan sa 1 Nephi 8), nagpatotoo siya na isasakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa 1 Nephi 10:1–16). Ang mga anak ni Lehi ay may iba’t ibang reaksyon sa kanyang mga inspiradong turo.
Basahin ang 1 Nephi 10:17–19 at 15:1–3, 8–9, at ikumpara kung paano tumugon sina Nephi, Laman, at Lemuel sa mga salita ng kanilang ama. Maaari mong markahan ang mga salita at mga parirala na mahalaga para sa iyo.
Anong mga pagkakaiba ang nakita mo sa pagtugon ni Nephi at ng kanyang mga kapatid sa iisang mensahe?
Ano ang pinaniwalaan ni Nephi tungkol sa Diyos? Ano ang pinaniwalaan nina Laman at Lemuel? (Tingnan sa 1 Nephi 10:17–18; 15:9.)
Sa iyong palagay, paano makakaimpluwensya sa kanila ang iba’t ibang paniniwala at reaksyon nila?
Isa sa mga katotohanang naunawaan ni Nephi ay inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag masigasig natin Siyang hinahanap.
Ano ang ilang bagay na naranasan na ni Nephi na nakatulong sa kanya na malaman ang tungkol sa Diyos?
Ang pag-iisip tungkol sa mga karanasan ni Nephi ay maaaring magpaalala ng mga naranasan mo noong ihayag sa iyo ng Ama sa Langit ang katotohanan. Maaari mong isulat sa iyong study journal kung paano ka Niya pinagpala.
Paghahanap ng katotohanan mula sa Diyos
Nalaman ni Nephi na pinagpapala tayo ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag naghahanap tayo ng katotohanan mula sa Kanya. Upang mas makitang mabuti ang katotohanang ito, gumawa ng dalawang column sa isang pahina ng iyong study journal. Lagyan ng label ang isang column na “Mga paraan para masigasig na maghanap ng katotohanan mula sa Diyos” at ang isa pa ay “Mga Paraan kung paano inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” Magdagdag ng ilang ideyang maiisip mo sa bawat column. Maaari ka ring magsama ng mga natutuhan mo mula sa 1 Nephi 10:17–19.
Basahin ang 1 Nephi 11:1–6, at alamin ang ginawa ni Nephi para mahanap ang katotohanan at kung paano siya tinulungan ng Espiritu. Magmarka ng mga partikular na salita o parirala na mahalaga para sa iyo. Maaari kang magdagdag sa mga column sa iyong study journal.
Upang malaman kung paano naghangad ang isang Apostol sa panahong ito ng mga sagot mula sa Panginoon noong binatilyo pa siya, panoorin ang video na “Paano Ko Ginagawang #Pakinggan Siya: Elder Ronald A. Rasband” (2:55), na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org. Isipin kung paano sinunod ni Elder Rasband ang gayon ding huwaran ng paghahanap ng katotohanan at kung paano siya pinagpala ng Panginoon. Magdagdag ng anumang bagong ideya sa mga column sa iyong study journal.
2:55
Tingnan kung ano ang naitala mo tungkol sa kung paano inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag masigasig natin Siyang hinahanap. Isipin kung paano mo nakita na totoo ang ilan sa mga ito sa sarili mong buhay. Sa paanong mga paraan napalakas ang iyong kaugnayan sa Ama sa Langit nang masigasig mo Siyang hinanap?
Mahalaga ang personal na paghahayag
Dahil ninais ni Nephi na matuto para sa kanyang sarili at bumaling sa Panginoon para sa mga sagot, nakita niya ang nakita ng kanyang amang si Lehi, at ipinakita sa kanya ang maraming kaganapan sa hinaharap na mangyayari sa mundo. (Upang malaman pa ang tungkol sa pangitain ni Nephi, tingnan ang 1 Nephi 11–14.) Ang pangitain ni Nephi tungkol sa makipot at makitid na landas ay nagpabago ng buhay niya. Kalaunan ay isinulat niya ang panghihikayat niya sa lahat na tahakin ang landas ding iyon (tingnan sa 2 Nephi 31:18–21).
Ano ang natutuhan mo kung bakit mahalaga ang iyong mga tugon sa mga inspiradong turo?
Paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo tungkol sa masigasig na paghahanap ng katotohanan?
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na naghihikayat sa iyo na mas lumapit sa Kanila?