Seminary
Alma 33: Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas


“Alma 33: Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 33,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 33

Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas

estudyanteng nagtuturo sa klase sa seminary

Nakadama ka na ba ng hangaring sundin ang Panginoon nang mas mabuti ngunit hindi mo alam kung ano ang gagawin? Tinanong ng mga maralita sa mga Zoramita ang propetang si Alma kung paano sila “magsisimula upang gamitin ang kanilang pananampalataya” (Alma 33:1). Ang sagot ni Alma ay mahalagang maunawaan ng lahat ng disipulo ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay makakapagpalalim sa iyong pag-unawa sa mga hakbang na magagawa mo para mas manampalataya kay Jesucristo.

Bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon na magturo. Maghanap ng mga pagkakataon na makapagturo ang mga estudyante ng mga bahagi ng mga lesson. Hikayatin silang ituring ang seminary bilang ligtas na lugar para makapagsanay na magturo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 33 sa bahay at pumili ng isang talata o grupo ng mga talata na gusto nilang maunawaan nang mas mabuti.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga tanong tungkol sa ebanghelyo

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong kasama ng ka-partner o maliit na grupo.

  • Kung may pagkakataon kayong itanong sa propeta ng Diyos ang isa o dalawang tanong, ano ang gusto ninyong malaman? Bakit?

Sa Alma kabanata 32, inanyayahan ng propetang si Alma ang mga Zoramita na palakasin ang kanilang patotoo sa pamamagitan ng pangangalaga sa salita ng Diyos sa kanilang puso. Sumagot sila sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanya ng ilang mahahalagang tanong.

Basahin ang Alma 33:1, at alamin ang mga itinanong nila sa propeta.

  • Sa inyong palagay, paano maaaring baguhin ng isang tinedyer ngayon ang tanong na “sa paanong paraan sila magsisimula upang gamitin ang kanilang pananampalataya”?

  • Paano ninyo sasagutin ang tanong na iyon batay sa nalalaman ninyo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?

Ang pagsampalataya ay hindi lang basta paniniwala kay Jesucristo. Sumasampalataya tayo kapag ginagawa natin ang iniuutos ng Tagapagligtas at kusa nating hinahangad na sundin Siya. Sinagot ni Alma ang tanong ng mga Zoramita sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng maraming paraan kung paano natin magagawang manampalataya kay Jesucristo.

Pumili ng isa sa sumusunod na tatlong opsiyon mula sa tugon ni Alma na gusto mong maunawaan nang mas mabuti. Maghanda na para bang magtuturo ka ng lima hanggang pitong minutong lesson tungkol sa opsiyong pinili mo. Maaari mong isipin ang isang taong kilala mo at maaari kang maghanda na para bang ibabahagi mo sa kanya ang lesson. Maaari mong gamitin ang ilan sa mga ideyang nakalista sa ilalim ng “Mga Ideya sa Paghahanda ng Lesson” kalaunan sa lesson para matulungan kang maghanda.

Sabihin sa mga estudyante na magkakaroon sila ng pagkakataong ituro ang lesson na ihahanda nila sa isang maliit na grupo ng mga kaklase. Magbigay ng mga alternatibo sa mga estudyante na maaaring masyadong kinakabahang magturo nang malakas. Kabilang dito ang pagpapasa ng outline ng kanilang lesson o pakikipagtulungan sa ka-partner na mas may kumpiyansa o karanasan. Kung pipiliin mong huwag magpahanda ng mga lesson sa mga estudyante, maaari mong gamitin ang mga ideya pagkatapos ng bawat opsiyon sa pag-aaral kung paano ituturo ang iba’t ibang bahagi ng lesson.

Maaaring makatulong sa mga estudyante kung ipapakita mo sandali kung paano maghanda ng maikling lesson. O maaari mong anyayahan ang mga estudyante na may karanasan na sa pagtuturo na magbahagi ng mga ideya sa pagtatanong ng tulad ng sumusunod: “Mula sa iyong karanasan, ano ang mga unang hakbang mo sa paghahanda ng lesson?” o “Ano ang hitsura ng isang karaniwang lesson plan para sa iyo?” o “Saan ka pupunta para makahanap ng karagdagang impormasyon tungkol sa iyong paksa?”

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na tatlong opsiyon para makapili ang mga estudyante.

Opsiyon 1: Maaari tayong manampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya sa panalangin. Alma 33:3–11

Mga karagdagang banal na kasulatan na pag-iisipan: Alma 34:17–27

Kung magpapasiya kang pag-aralan ang Opsiyon 1 ng buong klase sa halip na paghandain ang mga estudyante na ituro ito, maaari mong ipalista sa mga estudyante ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa panalangin mula sa mga talatang ito. Maaari mo ring talakayin ang ilan sa mga maling pagkakaunawa ng mga tao tungkol sa panalangin na tinatalakay at iwinawasto ng mga katotohanan mula sa mga talatang ito.

Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na maghanap sa himnaryo ng mga parirala tungkol sa panalangin na makahulugan sa kanila. Maaari silang magbahagi ng mga personal na karanasan na nakikita sa mga titik ng himno.

Opsiyon 2: Maaari tayong manampalataya sa pamamagitan ng paniniwala sa Anak ng Diyos. Alma 33:12–18

Mga karagdagang banal na kasulatan na pag-iisipan: Juan 3:16; 2 Nephi 2:6–8

Kung magpapasiya kang pag-aralan ang Opsiyon 2 ng buong klase sa halip na paghandain ang mga estudyante na ituro ito, maaari mong pamarkahan sa mga estudyante ang Alma 33:14, 18. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na maghanap at magbahagi ng mga paboritong talata tungkol sa Anak ng Diyos mula sa alinmang aklat ng banal na kasulatan. Maaari silang gumamit ng listahan ng mga doctrinal mastery passage mula sa lahat ng apat na kurso bilang resource kung kinakailangan.

Opsiyon 3: Maaari tayong manampalataya sa pamamagitan ng pag-asa kay Jesucristo para sa paggaling. Alma 33:18–23

Mga karagdagang banal na kasulatan na pag-iisipan: Mga Bilang 21:4–9; Helaman 8:14–15

Kung magpapasiya kang pag-aralan ang Opsiyon 3 ng buong klase sa halip na paghandain ang mga estudyante na ituro ito, maaari mong ipakita ang mga larawan na “Si Moises at ang Ahas na Tanso” at “Ang Pagpapako sa Krus” mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo habang binabasa ng mga estudyante ang mga passage na nasa itaas. Sabihin sa kanila na talakayin ang mga dahilan kung bakit maaaring piliin ng mga tao ngayon na huwag umasa kay Jesucristo para sa espirituwal na paggaling, at ang mga source na maaaring asahan ng mga tao sa halip na si Jesucristo. Itanong sa mga estudyante kung ano ang sasabihin nila sa isang taong nag-iisip kung talaga bang matutulungan sila ni Jesucristo.

icon ng handout Kung ang mga estudyante ay maghahanda at magtuturo ng lesson, maaari mong ibigay ang sumusunod na handout para makatulong sa kanilang paghahanda.

Maaari mo ring bigyan ang mga estudyante ng mga kaugnay na materyal sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” kung kinakailangan.

Mga Ideya sa Paghahanda ng Lesson

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“Alma 33: Pagtuturo ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas”

Aling opsiyon ang pinili mong pagtuunan?

Maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na prompt para matulungan kang ihanda ang outline mo.

Mahahalagang parirala mula sa mga talatang maaari mong imungkahi na markahan ng mga tinuturuan mo:

Ano ang maipauunawa o maipadarama ng mga talatang ito sa mga tinuturuan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo:

Paano makakaapekto ang katotohanang ito sa buhay ng mga tinuturuan mo:

Mga object lesson, o magagandang halimbawa ng mga taong ipinamumuhay ang katotohanang ito:

Mga bagay na maaari mong itanong para matulungan ang mga tinuturuan mo na pagnilayan ang itinuro ni Alma:

Mga karanasan mo sa itinuro ni Alma:

Mga karagdagang banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan:

Ano ang maaari mong ipagawa sa mga tinuturuan mo dahil sa natutuhan nila:

Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagtuturo ng kanilang mga lesson sa magkaka-partner o sa maliliit na grupo. Mag-ingat na huwag pilitin ang mga estudyante na masyadong kinakabahang ituro nang malakas ang kanilang mga lesson. Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na magturo sa buong klase.

Mapanalanging pag-isipan kung paano mo maibabahagi ang natutuhan mo sa taong naisip mo noong inihanda mo ang lesson na ito.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga nalaman mula sa Alma 33 gamit ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:

  • Anong mga nalaman mo tungkol sa pagsampalataya kay Jesucristo ngayon?

  • Paano nakatulong sa iyo ang paghahanda ng lesson tungkol dito para magkaroon ka ng mga kaalamang iyon?

Maaari kang magbahagi ng makabuluhang kaalaman mula sa Alma 33 na nalaman mo habang naghahanda kang ituro ito.