“Alma 43, 48–50: Pagkatuto mula sa mga Kabanata ng Digmaan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 43, 48–50,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 43, 48–50
Pagkatuto mula sa mga Kabanata ng Digmaan
Ang huling bahagi ng aklat ni Alma ay naglalarawan ng panahon ng pagtatalo at digmaan. Ang mga estratehiyang ginamit ng mga Nephita sa mga digmaang ito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mga estratehiya na magagamit natin sa ating araw-araw na mga pakikidigma kay Satanas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong sarili upang matanggap ang proteksyon ng Panginoon mula sa palagian at tumitinding pag-atake ng kaaway.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Makilala ang kaaway
Nagbabala si Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kayo ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway. … [Ang kaaway] ay nasa mga tahanan, libangan, sa media, pananalita—sa lahat-lahat ng nakapalibot sa inyo. Kadalasan, hindi napapansin na nariyan siya. (Boyd K. Packer, “Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway,” Liahona, Okt. 2012, 2)
-
Ano ang naiisip o nadarama mo tungkol sa pahayag na ito?
-
Anong mga halimbawa ang naiisip mo na naglalarawan sa sinasabi ni Pangulong Packer?
Pagnilayan sandali kung paano naaangkop sa iyo ang pahayag ni Pangulong Packer. Ano ang ilan sa mga paraan na napapansin mo na nakakaimpluwensiya sa iyo o sa mga taong mahal mo ang mga tukso ni Satanas? Anong mga pagsisikap ang ginagawa mo para maprotektahan ang iyong sarili mula sa kanyang mga pag-atake?
Ang mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita
Inilarawan sa pagtatapos ng aklat ni Alma ang ilan sa mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Sa pag-aaral mo ng mga salaysay na ito, matututo ka ng mahahalagang aral na makatutulong sa pakikidigma mo kay Satanas. Halimbawa, ang mga layunin at taktika ng mga Lamanita ay maihahambing sa mga layunin at taktika ni Satanas sa atin.
Basahin ang Alma 43:5–8; 46:3–5, 10, at alamin ang ginawa ng masasamang lider ng mga Lamanita na katulad ng mga layunin at taktika ni Satanas.
-
Paano naging katulad ng kay Satanas ang mga layunin at taktika ng mga lider na ito?
Ang mga hukbo ng mga Nephita ay pinamunuan ng isang matwid na lalaki na nagngangalang Moroni.
Basahin ang Alma 48:11–13, 17, at alamin ang mga katangian ni Moroni na katulad ng kay Cristo.
-
Ano ang nalaman mo?
Paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa iyong sarili
Ang mga paghahambing na nagawa mo sa ngayon sa mga banal na kasulatan ay makapaghahanda sa iyo na ihalintulad, o iugnay, ang iba pang mga detalye mula sa mga salaysay na ito sa iyong sariling buhay.
Ang sumusunod na proseso ay makatutulong sa iyo na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Isulat ang mga hakbang na ito sa iyong study journal.
-
Maghanap ng mahahalagang detalye.
-
Ikumpara sa iyong buhay.
-
Tumuklas ng mahahalagang aral.
-
Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.
Praktisin ang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na paghahalintulad sa pamamagitan ng paggamit ng prosesong ito habang pinag-aaralan mo ang isa sa mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita.
Hakbang 1: Maghanap ng mahahalagang detalye
Basahin ang Alma 43:17–21, 37–39, 51–54, at alamin ang mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, o gawain na binibigyang-diin.
Kasama sa ilang detalye na maaaring napansin mo ang pagprotekta ni Moroni sa kanyang mga hukbo gamit ang baluti at makapal na damit, ang mga Lamanita na walang baluti na pang-protekta sa kanila, at ang pagtalo ng mga Nephita sa mga Lamanita kahit malaki ang kalamangan sa bilang ng mga Lamanita.
Hakbang 2: Ikumpara sa iyong buhay
Isipin kung paano maikukumpara ang mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang sa isang bagay na espirituwal o sa mga sitwasyon sa iyong buhay.
-
Anong mga paghahambing ang magagawa mo sa mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang? (Kung kinakailangan, tingnan ang Doktrina at mga Tipan 27:1, 15–18 o Efeso 6:11–16. Maaari mong i-cross reference ang mga talatang ito sa mga talata sa Alma 43.)
Maaaring naikumpara mo ang baluti ng mga Nephita sa baluti ng Diyos. Maaari ding naikumpara mo ang tagumpay ng mga Nephita sa pagdaig kay Satanas at sa kanyang mga tukso.
Hakbang 3: Tumuklas ng mahahalagang aral
Isipin ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito na maaaring angkop sa iyo. Maaari mo ring isipin ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.
-
Ano ang ilang aral na natutuhan ninyo mula sa digmaang ito ng mga Nephita at ng mga Lamanita na makatutulong sa inyong mga pakikidigma kay Satanas?
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay ibinibigay sa atin ni Jesucristo ang proteksyong kailangan natin sa paglaban kay Satanas.
Hakbang 4: Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral
Pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga aral na natukoy mo sa sinundang hakbang.
-
Ano ang magagawa mo para matanggap ang proteksyon ni Jesucristo laban kay Satanas?
Sa maraming paraan para maipamuhay ang katotohanang ito, maaaring naisip mo kung paano makakamtan ang proteksyon ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng matatapat na gawain tulad ng panalangin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:5), pag-aaral ng mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Nephi 15:24), o pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa Mosias 2:41).
Muling magsanay na ihalintulad ang mga banal na kasulatan
Pumili ng kahit dalawa sa mga sumusunod na set ng mga talata, at, habang nag-aaral ka, magsanay na gamitin ang proseso na may apat na hakbang para sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan.
-
Anong mahahalagang detalye ang natukoy mo mula sa isang salaysay na pinag-aralan mo?
-
Ano ang ilang pagkukumparang ginawa mo sa mga detalyeng iyon at sa mga aspeto ng iyong buhay?
-
Ano ang isa o mahigit pang mga aral na natutuhan mo mula sa salaysay na ito?
-
Paano mo maipamumuhay ang mga aral na ito?