Seminary
Alma 47–48: Sina Amalikeo at Lehonti


“Alma 47–48: Sina Amalikeo at Lehonti,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 47–48,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 47–48

Sina Amalikeo at Lehonti

taong nakatayo sa tuktok ng bundok

May narinig ka na ba na nagsabing, “Hindi ka naman mamamatay kung susubukan mo kahit isang beses lang,” “Tikman mo lang,” o “Hindi naman gaanong masama”? Kapag nagpasiya tayong magpatangay sa mga tukso ni Satanas kahit kaunti, binibigyan natin siya ng kapangyarihan sa atin. Sa Alma 47, nalaman natin ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Lehonti na nagpatangay nang kaunti sa kanyang kaaway at natagpuan ang kanyang sarili sa mga sitwasyong napakamapanganib at nakamamatay pa nga. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang mga pagtatangka ni Satanas na magkaroon ng kapangyarihan sa iyo.

Tulungan ang mga estudyante na maging aktibo sa proseso ng pag-aaral. Habang nagtuturo ka, maghanap ng mga paraan para matulungan ang mga estudyante na maging aktibo sa proseso ng pag-aaral. Halimbawa, magbigay ng mga tanong na hindi limitado sa sagot na oo o hindi at na naghihikayat ng mga sagot na pinag-iisipang mabuti, at gumawa ng mga aktibidad na naghihikayat ng partisipasyon, tulad ng pagdodrowing o pagsusulat.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang 2 Nephi 28:7–8, 21–22 at mag-isip ng mga halimbawa kung paano ginagamit ni Satanas ang mga taktikang ito sa ating panahon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga pain

Bago ibahagi ang sumusunod na paliwanag, maaari mong ipakita ang larawan ng isang pamingwit na may pain at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa layunin ng pain sa pangingisda.

pamingwit at pain

Ang pain sa pangingisda ay isang uri ng pamain na ginagamit sa panghuhuli ng isda. Natatawag ng pain ang pansin ng mga isda at mahihikayat nito ang isda na subukan itong kagatin. Pagkatapos, kapag nakalawit na ang isda, mahuhuli na ito.

 ChurchofJesusChrist.org

16:55
  • Ano ang ilan sa mga paing ginagamit ni Satanas para mahikayat tayong magkasala?

    Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga paraan na sinusubukan ni Satanas na gawing nakakaengganyo ang kanyang mga tukso, tulad ng pagbibigay ng pansamantalang kasiyahan o katanyagan o pagpapadama sa atin na parang walang panganib sa pagkakasala.

  • Bakit mo nanaising paglabanan ang mga paing ito?

  • Ano ang maaaring maging mahirap sa paglaban sa tukso?

Maaaring naaalala mo na hinangad ni Amalikeo at ng isang pangkat ng mga tumiwalag na Nephita na pabagsakin ang kalayaan ng mga Nephita at wasakin ang simbahan ng Diyos (tingnan sa Alma 46:10). Matapos mahadlangan ni Moroni at ng iba pang mga Nephita, nakatakas si Amalikeo at nagtungo sa mga Lamanita at nagtangkang pukawin sila na magalit laban sa mga Nephita (tingnan sa Alma 46:29–33; 47:1).

Ngayon ay malalaman mo ang tungkol sa mga karagdagang pagtatangka ni Amalikeo na magkaroon ng kapangyarihan. Marami sa kanyang mga taktika ang katulad ng mga taktikang ginagamit ni Satanas laban sa atin ngayon. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maiwasan ang mga pain na ginagamit ni Satanas sa kanyang mga pagtatangkang pinsalain ka.

Hinangad ni Amalikeo na maging hari ng mga Lamanita

Maaaring makatulong na patingnan sa mga estudyante ang mga hakbang sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan na natutuhan nila sa lesson na “Alma 43, 48–50.” Maaaring magsanay ang mga estudyante na gamitin ang mga hakbang na ito habang pinag-aaralan nila ang salaysay na ito.

Basahin ang Alma 47:1–8, at alamin kung ano ang mga plano ni Amalikeo nang magtungo siya sa mga Lamanita.

  • Ano ang ginawa ni Amalikeo para magkaroon ng impluwensya at kapangyarihan sa mga Lamanita?

  • Paano natutulad ang mga mithiin ni Amalikeo sa mga mithiin ni Satanas? (tingnan sa 2 Nephi 26:22).

  • Paano naiiba ang mga mithiin ng Ama sa Langit para sa iyo sa mga mithiin ni Satanas? (tingnan sa Moises 1:39). Bakit mahalagang tandaan ito?

Ang grupo ng mga Lamanita na tumangging makidigma sa mga Nephita ay pinamunuan ng isang lalaking nagngangalang Lehonti.

Basahin ang Alma 47:9–12, at alamin ang gustong ipagawa ni Amalikeo kay Lehonti.

Maaari mong idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram para matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa kanilang isipan ang sitwasyong inilarawan sa mga talatang ito.

Pagkatapos basahin ang talata 11, maaari mong itanong, “Bakit kaya hindi makabubuting bumaba sa paanan ng bundok upang makipagkita kay Amalikeo?” Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga estudyante ang talata 12 at alamin ang ibang ginawa ni Amalikeo sa ikaapat na pagkakataon na tinangka niyang himukin si Lehonti na makipagkita sa kanya.

Para mailarawan ang ibang pamamaraan ni Amalikeo, maaari kang maglagay ng mga arrow sa diagram sa pisara upang ipakita ang pag-akyat ni Amalikeo nang halos malapit na sa tuktok ng bundok, gayundin ang kanyang kahilingan na bumaba nang kaunti si Lehonti.

paglalarawan kina Lehonti at Amalikeo sa Bundok ng Antipas
  • Ano ang ilang maaaring dahilan kung bakit isinaalang-alang ni Lehonti na tanggapin ang huling paanyaya ni Amalikeo sa talata 12?

  • Ano kaya ang sasabihin mo kay Lehonti kung ikaw ay kabilang sa kanyang hukbo at humingi siya ng payo sa iyo kung dapat ba siyang makipagkita kay Amalikeo? Bakit?

Basahin ang Alma 47:13–19, at alamin kung paano tumugon si Lehonti sa mga karagdagang pagsisikap ni Amalikeo at kung ano ang nangyari dahil dito.

  • Sa paanong mga paraan natutulad ang mga taktika ni Amalikeo sa mga taktikang ginagamit ni Satanas para wasakin tayo? (Kung kinakailangan, tingnan ang 2 Nephi 28:7–8, 21–22.)

Bilang tugon sa naunang tanong, maaaring matukoy ng mga estudyante na si Satanas ay mapilit, mapanlinlang, tuso, at malupit. Tulad ni Amalikeo, maaaring hangarin ni Satanas na himukin tayo na unti-unting ibaba ang ating mga pamantayan at ilagay ang ating sarili sa mga sitwasyon na nagiging dahilan para maging mahina tayo sa kanyang mga pag-atake. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang salitang “bumaba” saanman ito makikita sa Alma 47:10–13. Ano ang isang katotohanan na natutuhan mo mula sa salaysay na ito tungkol sa panganib ng pagpapatangay sa mga tukso ni Satanas, kahit kaunti?

Ang pagkikipaglaban mo kay Satanas

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay kung magpapatangay tayo sa mga tukso ni Satanas kahit kaunti, binibigyan natin siya ng mas malaking impluwensya na mailigaw tayo.

Pag-isipan kung paano mo nakita ang katotohanang ito sa iyong buhay o sa buhay ng iba. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na matukoy ang ilang paraan na maaaring tinatangka ni Satanas na gawin kang mahina sa kanyang mga tukso at ang mga paraan na makatutulong ang Tagapagligtas na protektahan ka laban sa mga tuksong iyon.

Pag-isipang gawin ang aktibidad na ito sa pisara bilang klase. Bilang alternatibo, maaari mong ipakita ang mga tagubilin para sa aktibidad at ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo para magawa nila ito nang magkakasama. Pagkatapos, maaaring ibahagi ng bawat grupo sa klase ang larawan nito.

Upang maihanda ang mga estudyante para sa aktibidad na ito, maaari mong gamitin ang mga pahayag sa video ni Pangulong Henry B. Eyring sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto.”

  • Hakbang 1: Magdrowing ng teenager na nakatayo sa tuktok ng bundok. Sa ibaba ng bundok, ilista ang mga tukso o taktikang ginagamit ni Satanas upang subukan tayong “bumaba” nang kaunti upang magkaroon siya ng kapangyarihan sa atin. Tiyaking mag-iwan ng puwang sa pagitan ng teenager at ng mga tuksong inilista mo para magkaroon ka ng puwang para sa hakbang 2.

  • Hakbang 2: Sa tuktok ng bundok, ilista ang ilan sa resources o mga turo na ibinigay sa atin ng Panginoon na maaaring magbigay sa atin ng proteksyon laban sa mga tukso ni Satanas. (Para sa ilang halimbawa, maaari mong pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na talata: 1 Nephi 15:24; Helaman 5:12; Doktrina at mga Tipan 10:5; 11:12–13; 20:22; 87:8.)

Gumawa ng plano

Isipin kung paano naaangkop ang mga katotohanang napag-aralan mo ngayon sa iyong buhay. Maaari mong isulat ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:

Ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ng oras ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal.

  • Kailan mo napaglabanan ang mga tukso ni Satanas gamit ang mga kasangkapang ibinigay sa iyo ng Panginoon?

  • Paano mo sisikaping lalo pang humingi ng tulong ng Diyos para mapaglabanan ang mga tukso ni Satanas?

Mag-anyaya ng mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga sagot sa unang tanong. Banggitin na hindi sila dapat magbahagi ng anumang masyadong personal o sagrado.

Hikayatin ang mga estudyante na paglabanan ang mga tukso ni Satanas sa pamamagitan ng pagkilos ayon sa mga ideya at impresyong isinulat nila sa kanilang journal. Patotohanan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na tutulong sa kanila.