Seminary
Alma 43, 48–50: Pagkatuto mula sa mga Kabanata ng Digmaan


“Alma 43, 48–50: Pagkatuto mula sa mga Kabanata ng Digmaan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 43, 48–50,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 43, 48–50

Pagkatuto mula sa mga Kabanata ng Digmaan

mga nakabaluting Nephita sa isang ligtas na lugar

Ang huling bahagi ng aklat ni Alma ay naglalarawan ng panahon ng pagtatalo at digmaan. Ang mga estratehiyang ginamit ng mga Nephita sa mga digmaang ito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mga estratehiya na magagamit natin sa ating araw-araw na mga pakikidigma kay Satanas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong sarili upang matanggap ang proteksyon ng Panginoon mula sa palagian at tumitinding pag-atake ng kaaway.

Tulungan ang mga estudyante na makahanap ng personal na kahulugan sa mga banal na kasulatan. Hikayatin ang mga estudyante na gumamit ng iba’t ibang kasanayan sa pag-aaral upang mapagbuti ang kanilang pag-unawa sa mga banal na kasulatan. Maaari silang maghanap ng mga detalye sa kuwento, gumawa ng mga pagkukumpara at koneksyon ng mga salaysay sa banal na kasulatan at ng sarili nilang buhay, at alamin kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan nila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Alma 43:18–21, 37–38, at alamin ang mga aral na makatutulong sa kanila sa kanilang pakikidigma kay Satanas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Makilala ang kaaway

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag habang tinatalakay ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga tanong na kasunod nito.

Nagbabala si Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Kayo ay lumalaki sa teritoryo ng kaaway. … [Ang kaaway] ay nasa mga tahanan, libangan, sa media, pananalita—sa lahat-lahat ng nakapalibot sa inyo. Kadalasan, hindi napapansin na nariyan siya. (Boyd K. Packer, “Paano Magiging Ligtas sa Teritoryo ng Kaaway,” Liahona, Okt. 2012, 2)

  • Ano ang naiisip o nadarama mo tungkol sa pahayag na ito?

  • Anong mga halimbawa ang naiisip mo na naglalarawan sa sinasabi ni Pangulong Packer?

Dapat lamang isaisip ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa sumusunod na talata, sa halip na sumagot nang malakas.

Pagnilayan sandali kung paano naaangkop sa iyo ang pahayag ni Pangulong Packer. Ano ang ilan sa mga paraan na napapansin mo na nakakaimpluwensiya sa iyo o sa mga taong mahal mo ang mga tukso ni Satanas? Anong mga pagsisikap ang ginagawa mo para maprotektahan ang iyong sarili mula sa kanyang mga pag-atake?

Ang mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita

Inilarawan sa pagtatapos ng aklat ni Alma ang ilan sa mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Sa pag-aaral mo ng mga salaysay na ito, matututo ka ng mahahalagang aral na makatutulong sa pakikidigma mo kay Satanas. Halimbawa, ang mga layunin at taktika ng mga Lamanita ay maihahambing sa mga layunin at taktika ni Satanas sa atin.

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference at pangalan. Sa itaas ng Alma 43:5–8, isulat ang Zerahemnas. Sa itaas ng Alma 46:3–5, 10, isulat ang Amalikeo. Ang mga estudyante ay maaaring hatiin sa mga grupo at atasan na pag-aralan ang isang set ng mga talata.

Basahin ang Alma 43:5–8; 46:3–5, 10, at alamin ang ginawa ng masasamang lider ng mga Lamanita na katulad ng mga layunin at taktika ni Satanas.

Maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na pumunta sa pisara at isulat ang mga layunin at taktika na ginamit ng taong pinag-aralan nila.

  • Paano naging katulad ng kay Satanas ang mga layunin at taktika ng mga lider na ito?

si Moroni na hawak ang bandila ng kalayaan

Ang mga hukbo ng mga Nephita ay pinamunuan ng isang matwid na lalaki na nagngangalang Moroni.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na scripture reference sa tabi ng nakaraang mga reperensya tungkol kina Zerahemnas at Amalikeo. Isulat ang Moroni sa itaas ng bagong reperensya.

Basahin ang Alma 48:11–13, 17, at alamin ang mga katangian ni Moroni na katulad ng kay Cristo.

Anyayahan ang ilang boluntaryo na pumunta sa pisara at isulat ang mga katangian ni Moroni na nagpapaalala sa kanila tungkol sa Tagapagligtas.

  • Ano ang nalaman mo?

Paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa iyong sarili

Ang mga paghahambing na nagawa mo sa ngayon sa mga banal na kasulatan ay makapaghahanda sa iyo na ihalintulad, o iugnay, ang iba pang mga detalye mula sa mga salaysay na ito sa iyong sariling buhay.

Ipakita ang mga sumusunod na hakbang upang matingnan ito ng mga estudyante sa buong lesson.

Ang sumusunod na proseso ay makatutulong sa iyo na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Isulat ang mga hakbang na ito sa iyong study journal.

  1. Maghanap ng mahahalagang detalye.

  2. Ikumpara sa iyong buhay.

  3. Tumuklas ng mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Praktisin ang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na paghahalintulad sa pamamagitan ng paggamit ng prosesong ito habang pinag-aaralan mo ang isa sa mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita.

Ang sumusunod ay naglalayong gabayan ang mga estudyante sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan at ihanda sila na gawin ito nang mag-isa kalaunan sa lesson.

Hakbang 1: Maghanap ng mahahalagang detalye

Basahin ang Alma 43:17–21, 37–39, 51–54, at alamin ang mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, o gawain na binibigyang-diin.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mahahalagang detalye na natagpuan nila sa mga talatang ito. Maaaring isulat ang mga ito sa pisara. Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na tukuyin ang mga sumusunod na mahahalagang detalye.

Kasama sa ilang detalye na maaaring napansin mo ang pagprotekta ni Moroni sa kanyang mga hukbo gamit ang baluti at makapal na damit, ang mga Lamanita na walang baluti na pang-protekta sa kanila, at ang pagtalo ng mga Nephita sa mga Lamanita kahit malaki ang kalamangan sa bilang ng mga Lamanita.

Hakbang 2: Ikumpara sa iyong buhay

Isipin kung paano maikukumpara ang mga detalyeng natukoy mo sa unang hakbang sa isang bagay na espirituwal o sa mga sitwasyon sa iyong buhay.

Maaaring naikumpara mo ang baluti ng mga Nephita sa baluti ng Diyos. Maaari ding naikumpara mo ang tagumpay ng mga Nephita sa pagdaig kay Satanas at sa kanyang mga tukso.

Hakbang 3: Tumuklas ng mahahalagang aral

Isipin ang natutuhan mo mula sa salaysay na ito na maaaring angkop sa iyo. Maaari mo ring isipin ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.

Sabihin sa maraming estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilang aral na natutuhan ninyo mula sa digmaang ito ng mga Nephita at ng mga Lamanita na makatutulong sa inyong mga pakikidigma kay Satanas?

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay ibinibigay sa atin ni Jesucristo ang proteksyong kailangan natin sa paglaban kay Satanas.

Hakbang 4: Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral

Pag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang mga aral na natukoy mo sa sinundang hakbang.

  • Ano ang magagawa mo para matanggap ang proteksyon ni Jesucristo laban kay Satanas?

Sa maraming paraan para maipamuhay ang katotohanang ito, maaaring naisip mo kung paano makakamtan ang proteksyon ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng matatapat na gawain tulad ng panalangin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:5), pag-aaral ng mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Nephi 15:24), o pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon (tingnan sa Mosias 2:41).

Muling magsanay na ihalintulad ang mga banal na kasulatan

Ang sumusunod ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na gamitin ang kasanayan sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan nang mag-isa. Kung kinakailangan, magtalaga sa mga estudyante ng ka-partner o grupo na makatutulong. Ipakita ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at patingnan sa mga estudyante ang apat na hakbang na ipinakita kanina sa lesson para magamit nila ang mga ito habang nag-aaral.

Pumili ng kahit dalawa sa mga sumusunod na set ng mga talata, at, habang nag-aaral ka, magsanay na gamitin ang proseso na may apat na hakbang para sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral. Maaari ka ring magdagdag ng sarili mong mga ideya mula sa mga talatang ito.

  • Anong mahahalagang detalye ang natukoy mo mula sa isang salaysay na pinag-aralan mo?

  • Ano ang ilang pagkukumparang ginawa mo sa mga detalyeng iyon at sa mga aspeto ng iyong buhay?

  • Ano ang isa o mahigit pang mga aral na natutuhan mo mula sa salaysay na ito?

  • Paano mo maipamumuhay ang mga aral na ito?