“Helaman 3; 6: ‘Sa Gayon Nakikita Natin,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Helaman 3; 6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Helaman 3; 6
“Sa Gayon Nakikita Natin”
Kunwari ay sumusulat ka ng isang liham para tulungan ang mga taong mabubuhay nang daan-daang taon sa hinaharap. Iyan mismo ang ginawa ng propetang si Mormon. Nang paikliin niya ang kasaysayan ng mga Nephita at iniukit ito sa mga laminang ginto, paminsan-minsan ay binibigyang-diin niya ang mahahalagang katotohanan gamit ang mga pahayag na tulad ng “sa gayon nakikita natin.” Ang mga katotohanang binigyang-diin niya ay makatutulong sa atin sa mga hamong kinakaharap natin ngayon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at masuri kung paano makakaimpluwensya ang mga katotohanang iyon sa iyong buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang gabay sa kaligtasan
-
Kung ikaw ay nahilingan magsulat ng isang gabay sa kaligtasan para sa paaralan para sa mga 12 at 13 taong gulang, ano ang isasama mo?
Basahin ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa isang gabay sa kaligtasan para sa iyong buhay:
Binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga propeta [sa Aklat ni Mormon] upang makita nila ang ating panahon at pumili sila ng mga doktrina at katotohanan na lubos na makatutulong sa atin. Ang Aklat ni Mormon ay ang ating gabay sa mga huling araw para manatiling ligtas. (Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75)
-
Paano nakatutulong sa iyo ang doktrina at mga katotohanang nakikita mo sa mga banal na kasulatan na espirituwal na makaligtas? May naiisip ka bang anumang bagong halimbawa?
Sa pag-aaral mo ng Helaman 3 at Helaman 6, magkakaroon ka ng pagkakataong magsanay na tumukoy ng doktrina at mga alituntunin mula sa mga banal na kasulatan. Makatutulong ito sa iyo na magkaroon ng mas makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mas mailalapit ka nito at ang iyong pamilya kay Cristo.
“Sa gayon, nakikita natin …”
Sa gitna ng lahat ng alitan na nakatala sa Helaman 1–6, may mga pansamantalang sandali ng kapayapaan. Sa Helaman 3, libu-libo ang nabinyagan sa Simbahan, at umunlad ang Simbahan. Sa Helaman 6, kasunod ng pagbabalik-loob ng maraming Lamanita, ang mga Nephita at Lamanita ay namuhay nang may pagkakaisa nang kapwa bumaling ang dalawang pangkat sa Panginoon. Sa dalawang kabanatang ito, tumigil si Mormon sa kanyang pagsasalaysay ng tungkol sa kasaysayan ng mga Nephita upang bigyang-diin ang mahahalagang doktrina at alituntunin ng katotohanan. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng pahayag na “sa gayon nakikita natin.”
Basahin ang Helaman 3:27–30; 6:34–36 upang matukoy ang mga pahayag ng katotohanan na “sa gayon nakikita natin.” Maaari mong markahan ang mga katotohanang iyon sa iyong mga banal na kasulatan at isulat ang mga ito gamit ang sarili mong mga salita sa iyong study journal.
Pagkatapos, pumili ng isa sa mga katotohanang nahanap mo, at ilista ang ilan sa mga espirituwal na panganib, hamon, o pagtuligsa sa pananampalataya kung saan matutulungan ka ng katotohanang ito na makaligtas. Halimbawa, kung gagamitin mo ang katotohanang kung pipiliin nating kusang maniwala sa mga salita ng Panginoon, ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa atin (tingnan sa Helaman 6:36), maaari mong ilista ang mga panganib na tulad ng kailangan munang may pagpapatunay ang siyensya bago maniwala sa mga banal na kasulatan, naniniwala sa mga eksperto sa mundo kaysa sa mga propeta, o nagtitiwala sa lohika kaysa sa mga espirituwal na impresyon.
Alalahanin ang pahayag ni Pangulong Nelson mula sa simula ng lesson na ito tungkol sa Aklat ni Mormon na ating gabay sa kaligtasan sa mga huling araw.
Isulat sa isang piraso ng papel ang “Paano makaliligtas …” at tapusin ang pahayag gamit ang isa sa mga panganib, hamon, o pagtuligsa na inilista mo. Halimbawa, kung ginamit mo ang naunang natukoy na katotohanan, maaari mong isulat ang, “Paano makaliligtas sa pagtuligsa sa espirituwal na impresyon.” Gamitin ang katotohanang pinili mo para makagawa ng isang pahinang gabay sa kaligtasan. Ipaliwanag sa mga drowing o salita kung paano makatutulong ang katotohanang ito sa isang teenager na espirituwal na makaligtas. Isama ang kahit dalawa sa mga sumusunod na ideya sa iyong gabay sa kaligtasan:
-
Bakit makatutulong ang katotohanang ito sa isang tao na espirituwal na makaligtas sa paghihirap na inilista mo
-
Iba pang mga banal na kasulatan na may kaugnayan sa katotohanang ito o tulong sa paghihirap na inilista mo
-
Kung paano nagagawa ng katotohanang ito na ilapit ka o ang iba kay Jesucristo o kung paano ito nakatutulong sa iyo na matanggap ang Kanyang lakas
-
Ano ang maaaring mangyari sa mga tao kung ang katotohanang ito ay hindi alam o hindi sinusunod
-
Paano magbabago ang mundo kung pipiliin ng lahat na ipamuhay ang katotohanang ito