Nadama mo na ba na napaligiran ka ng mga negatibong impluwensya o ng mga tukso ng diyablo? Inihalintulad ng propetang si Helaman ang pag-atake ni Satanas sa isang bagyo na may malalakas na hangin na humahampas sa atin at ulang yelo na bumabagsak sa atin. Ipinahayag din niya na ang mga nagtatayo ng saligan ng kanilang buhay “sa bato na ating Manunubos” (Helaman 5:12) ay magkakaroon ng kapangyarihang labanan ang kasamaan at manatiling tapat. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang diyablo at maitayo ang iyong saligan kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong espirituwal na saligan
Ano ang ilang hamon o problema na maaaring magpahina sa pananampalataya o espirituwal na saligan ng isang tao? Pag-isipang ilista ang mga ito sa iyong study journal.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2021, tinalakay ni Pangulong Russell M. Nelson ang pangangailangang pagtibayin ang orihinal na pundasyon ng Salt Lake Temple. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang mga miyembro ng Simbahan na isaalang-alang ang sarili nilang mga espirituwal na saligan o pundasyon. Basahin ang sumusunod na pahayag at pansinin kung paano ikinumpara ni Pangulong Nelson ang pagpapatibay ng templo sa ating personal na buhay.
18:59
Sa gayon ding paraan, panahon na upang ang bawat isa sa atin ay magsagawa ng napakahusay na mga pamamaraan—marahil mga pamamaraang hindi pa natin nagawa noon—upang patibayin ang ating sariling espirituwal na pundasyon. Ang mga panahong hindi pa kailanman naranasan ay nangangailangan ng mga pamamaraan na hindi pa kailanman nagawa.
Mahal kong mga kapatid, ito ang mga huling araw. Kung nais nating makayanan ang mga darating na panganib at hirap, kinakailangang may matibay na espirituwal na pundasyon ang bawat isa sa atin na itinayo sa bato na ating Manunubos na si Jesucristo.
Kaya, itinatanong ko sa bawat isa sa inyo, gaano katibay ang inyong pundasyon? At ano ang kailangan ninyong gawin upang tumibay pa ang inyong patotoo at pag-unawa sa ebanghelyo? (Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93)
Ano ang pinakanapansin mo mula sa pahayag ni Pangulong Nelson?
Pag-isipang mabuti kung paano mo sasagutin ang mga tanong ni Pangulong Nelson hinggil sa iyong espirituwal na pundasyon. Hingin ang impluwensya ng Espiritu Santo, at isulat ang iyong mga sagot.
Hinikayat ni Helaman ang kanyang mga anak na makaalala
Sa ika-54 na taon ng panunungkulan ng mga hukom, marami sa mga Nephita ang naging masasama at pinili ang kasamaan kaysa sa kabutihan. Dahil dito, nagbitiw si Nephi bilang punong hukom at sumama siya sa kanyang kapatid na si Lehi sa pangangaral ng salita ng Diyos sa mga tao (tingnan sa Helaman 5:1–4), tulad ng ginawa ng kanyang lolo-sa-tuhod, ang Nakababatang Alma, mga 60 taon na ang nakararaan (Alma 4:15–20). Isa sa mga dahilan kung bakit nanatiling tapat sina Lehi at Nephi ay dahil natandaan nila ang mga turo ng kanilang amang si Helaman.
Ang ating tunay na saligan
Basahin ang Helaman 5:12, at alamin ang mga karagdagang katotohanan na nais ni Helaman na tandaan ng kanyang mga anak.
Ano ang ilang katotohanan na natagpuan mo sa Helaman 5:12?
Ang dalawang mahahalagang katotohanan na nakapaloob sa Helaman 5:12 ay si Jesucristo ang ating tunay na saligan at kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin.
Paano naging katulad si Jesucristo ng isang bato at ng isang tunay na saligan sa ating buhay?
Paano maaaring maging parang bagyo o buhawi ang mga pag-atake ng diyablo sa iyong pananampalataya?
Kung mayroon, panoorin ang video na “Mga Espirituwal na Buhawi” (2:24) sa ChurchofJesusChrist.org para matutuhan mula kay Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano daigin ang mga buhawi ng diyablo.
2:24
Ano ang ilang paraan na maitatayo natin ang ating mga espirituwal na saligan sa “bato na ating Manunubos”?
Ano ang ilang balakid sa pagtatayo ng ating saligan sa Tagapagligtas sa mga paraang ito?
Paano nakahahadlang ang paggawa ng mga bagay na ito sa diyablo sa pagkakaroon niya ng kapangyarihan sa atin?
Personal na pagsasabuhay
Isipin ang ilan sa personal na mga unos o hamon na kinakaharap mo sa kasalukuyan o maaaring kaharapin sa hinaharap. Mapanalanging pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang pagtatayo o pagpapalakas ng iyong saligan kay Jesucristo para mapaglabanan ang mga hamong ito.
Magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa iyo na nakatayo sa matibay na saligan o pundasyon. Lagyan ng label na “Jesucristo” ang saligan. Magdrowing ng ilang nag-aapoy na palaso (tulad ng magaang na sibat) o isang buhawi at lagyan ang mga sibat o buhawi ng label ng mga partikular na tukso o hamon na kinakaharap mo.
Sa mismong saligan o malapit sa saligan, isulat ang isang partikular na bagay na ginagawa mo o maaari mong simulang gawin para maitayo ang iyong saligan kay Jesucristo.
Halimbawa, maaaring ito ay personal na mithiin na mag-ukol ng oras sa paggawa ng family history o pagdalo sa templo. Maaaring ito ay pag-aaral ng ebanghelyo ng Tagapagligtas araw-araw sa mga banal na kasulatan o pagiging mas taimtim sa personal na panalangin. Ang pag-aaral ng doctrinal mastery ay makatutulong din para mapalakas mo ang iyong saligan.
Isipin ang anumang balakid na maaaring kailanganin mong daigin, at isulat kung ano ang gagawin mo para madaig ang mga ito.
Kung maaari, mag-set ng paalala sa iyong telepono para matulungan kang matupad ang mga pangakong ginawa mo sa lesson na ito. Maaari mong ibahagi ang iyong mga pangako sa isang pinagkakatiwalaang kapamilya, lider ng Simbahan, o kaibigan at hilingin sa kanila na tulungan kang tuparin ito.