“Helaman 5:14–52: ‘Ang Ulap ng Kadiliman ay Maaalis,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Helaman 5:14–52,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Helaman 5:14–52
“Ang Ulap ng Kadiliman ay Maaalis”
Kapag nasa madilim na silid tayo, maaari tayong magbukas ng ilaw. Ngunit ano ang magagawa natin kapag tayo ay espirituwal na nasa dilim? Nang maliliman ng kadiliman ang isang grupo ng masasamang Lamanita, tinuruan silang magsisi at manampalataya kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na umasa kay Jesucristo na aalisin Niya ang takot at kadiliman at papalitan ang mga ito ng Kanyang kagalakan, kapayapaan, at liwanag.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Kadiliman at liwanag
Isipin ang isang pagkakataon na ikaw ay nasa isang madilim na lugar na may kaunti o walang liwanag. Naaalala mo ba kung ano ang mahirap kapag hindi ka makakita nang mabuti?
-
Maliban sa naranasan mong makapasok sa isang madilim na silid, ano ang ilan pang paraan na maaari tayong makaranas ng kadiliman sa ating buhay? Ano ang ilang damdamin na maaari mong iugnay sa kadiliman?
Isipin ang iyong buhay at anumang kadiliman na maaaring nararanasan mo. Sa iyong pag-aaral ngayon, alamin kung ano ang magagawa mo para mapuno ng liwanag ang iyong buhay na makatutulong sa pag-aalis ng kadiliman.
Ang paglilingkod nina Nephi at Lehi
Ipinangaral ng mga anak ni Helaman, na sina Nephi at Lehi, ang ebanghelyo ni Jesucristo. Tinuruan nila ang maraming Nephita na tumiwalag at sumapi sa mga Lamanita. Ang mga Nephitang ito ay nagsisi at nagsikap na ayusin ang anumang pinsalang nagawa nila. Sina Nephi at Lehi ay nangaral nang may malakas na kapangyarihan, at 8,000 Lamanita ang nagpasiyang magsisi at magpabinyag (tingnan sa Helaman 4:4; 5:14–19).
Basahin ang Helaman 5:20–22, at alamin kung paano nahadlangan ang kanilang tagumpay.
Tuwing nahaharap tayo sa oposisyon o nakararanas tayo ng mga pagsubok, maaari nating ituring ang mga ito bilang madilim na panahon sa ating buhay. Maaari pa ngang itanong natin kung bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang mga ganitong bagay. Gayunpaman, kung pag-iisipan natin nang mabuti, mapapansin natin na palaging kumikilos ang Diyos sa ating buhay at nais Niya tayong pagpalain.
Basahin ang Helaman 5:23–33, at alamin ang ginawa at sinabi ng Diyos. Kung may audio ng Helaman 5, maaari kayong makinig at sumabay na magbasa. Siguraduhing tumigil sandali at mag-rewind kung kinakailangan.
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito? Ano ang nadarama mo sa Kanya dahil sa natutuhan mo?
-
Paano makatutulong sa iyo ang paanyaya ng Diyos sa talata 29 at 32 na makita ang Kanyang pagmamahal para sa lahat?
Maaari mong salungguhitan ang mga salita sa Helaman 5:29, 32 na kinabibilangan ng paanyaya ng Diyos.
Ang mga nasa bilangguan ay nililiman ng kadiliman. Hindi nila alam kung ano ang gagawin, at dahil sa takot, hindi sila makakilos (tingnan sa Helaman 5:34, 40).
Basahin ang Helaman 5:35–41 para malaman kung paano nakatulong sa kanila ang isang lalaking nagngangalang Aminadab para maunawaan nila kung paano maaalis ang kadiliman.
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa sinabi ni Aminadab sa talata 41?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay maaalis ni Jesucristo ang kadiliman sa ating buhay kapag nanampalataya tayo sa Kanya at nagsisi.
-
Sa inyong palagay, paano makatutulong ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi para maalis ang kadiliman?
Nagbahagi si Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mga partikular na paraan na maaanyayahan natin ang liwanag ng Panginoon sa ating buhay.
Ang liwanag [ni Jesucristo] ay isang kalasag na nagpoprotekta sa pagitan ninyo at ng kadiliman ng kaaway kapag namuhay kayo nang karapat-dapat dito. Kailangan ninyo ang liwanag na iyon. Kailangan natin ang liwanag na iyon. Pag-aralan nang mabuti ang mga banal na kasulatan at ang Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet] at makinig sa mga turo ng inyong mga magulang at mga lider. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mabubuting payo, matutong taglayin ang nagpoprotektang liwanag ng ebanghelyo sa inyong sarili.
Maaaring iniisip ninyo, “Paano ko magagawa iyan?” May isang paraan lamang: kailangan ninyong matutuhang paliwanagin ang liwanag na iyon araw-araw sa pamamagitan ng paniniwala kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. (Robert D. Hales, “Out of Darkness into His Marvelous Light,” Liahona, Mayo 2002, 70)
-
Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na tumutulong sa iyo na maunawaan na mapoprotektahan Niya tayo mula sa kadiliman o maaalis ito sa ating buhay?
-
Mga pagpapala na dulot ng pagsampalataya kay Jesucristo at pagsisisi
Basahin ang Helaman 5:42–49 at ilista ang mga pagpapalang naranasan ng mga tao nang magsisi sila at manampalataya kay Jesucristo. Markahan ang mga pagpapala na sa palagay mo ay kailangang-kailangan ng mga tao ngayon.
Pumili ng isang pagpapala na sa palagay mo ay mahalaga at gamitin ito para maipaliwanag nang maikli kung bakit mo hihikayatin ang isang tao na manampalataya kay Jesucristo.
Pumili ng isang pagpapala na nadama mo na dumating sa iyo dahil sa pagsampalataya kay Jesucristo. Maikling ipaliwanag kung bakit makabuluhan ito sa iyo.
Mula sa natutuhan at nadama mo ngayon, pag-isipan kung ano ang maaari mong gawin para makaasa kay Jesucristo at matanggap ang Kanyang mga pagpapala. Mangako at pag-isipang magtakda o mag-adjust ng isang mithiin na tutulong sa iyo na maisakatuparan ito.