Seminary
Helaman 1–4, 6: “Nagkaroon ng Labis na Alitan”


“Helaman 1–4, 6: ‘Nagkaroon ng Labis na Alitan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Helaman 1–4, 6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Helaman 1–4, 6

“Nagkaroon ng Labis na Alitan”

malungkot na dalagita na nag-iisip

Saan kayo nakakakita ng alitan, pagkakahati, pagtatalo, o paghihimagsik sa inyong paligid? Hindi nagtagal matapos ang pagpanaw nina Kapitan Moroni, Helaman, at ng punong hukom na si Pahoran, naranasan ng mga Nephita ang mga bunga ng labis na alitan. Gayunpaman, pinili ng ilan na maghangad ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga bunga ng alitan at kung paano makahahanap ng kapayapaan kay Cristo sa isang mundong puno ng alitan.

Tulungan ang mga estudyante na madama na kabilang sila. Ang seminary ay dapat maging ligtas na lugar para sa mga estudyante. Magbigay ng mga pagkakataon sa mga estudyante na pag-ibayuhin ang kanilang pagkakaisa at pag-uunawaan habang nag-uusap sila at nakikinig sa isa’t isa. Hikayatin ang mga estudyante na igalang at pahalagahan ang mga karanasan at pananaw ng iba.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na ipagdasal ang isang tao o ang isang bagay na pinagmumulan ng alitan sa kanilang buhay.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paalala: Ang cycle ng kapalaluan sa Aklat ni Mormon ay tinalakay sa outline para sa pag-aaral ng Helaman 1–6 sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2024.

Alitan

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang epekto ng alitan, maaari kang gumawa sa pisara ng isang bubble diagram tulad ng sumusunod at maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gawin din ito sa kanilang study journal.

blangkong bubble diagram

Isulat ang salitang alitan sa gitna ng bubble diagram. Sa paligid ng salita, isulat ang ilan sa mga aspeto ng iyong buhay kung saan nakakakita ka ng alitan, tulad ng sa social media o sa mga kaibigan. Magdaragdag ka sa diagram na ito kalaunan sa lesson.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan o talakayin ang mga sumusunod na tanong.

  • Paano nakakaapekto nang direkta o hindi direkta ang alitan sa iyong buhay?

  • Paano ka tutugon kapag hindi ka sumasang-ayon sa iba o kapag nahaharap kayo sa mga taong nakikipagtalo?

Sa pagsisimula mong pag-aralan ang aklat ni Helaman, bigyang-pansin kung paano nakaapekto ang alitan sa mga Nephita. Isipin din ang mga paraan na maaari kang makahanap ng kapayapaan kay Jesucristo sa isang mundong puno ng alitan.

Alitan sa mga pamilya, sa Simbahan, at sa komunidad

Pagkaraan ng maraming taon ng digmaan, nabawi ng mga Nephita ang kanilang mga lupain mula sa mga Lamanita. Pumanaw sina Kapitan Moroni at Helaman sa panahon ng kapayapaan na kasunod nito. Ang mga sagradong talaan ay ibinigay sa anak ni Helaman, na pinangalanan ding Helaman. Hindi nagtagal, ang mga Nephita ay naging palalo at nagkaroon ng alitan.

Upang matulungan ang mga estudyante na makakuha ng buod ng mga pangyayari sa mga kabanatang ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang mga chapter heading ng Helaman 1–6.

Sa aklat ni Helaman, mababasa natin ang mga salaysay na nagpapakita kung paano nakaapekto ang pagtatalo sa mga pamilya, sa Simbahan, at sa komunidad.

Kung maliit ang klase mo, maaaring pumili ang mga estudyante ng isa o dalawa sa mga sumusunod na segment na pag-aaralan bilang klase. Kung mas malaki ang klase mo, maaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupo para sama-samang pag-aralan ang isa o mahigit pang mga segment. Kapag natapos na ng mga estudyante ang kanilang talakayan, anyayahan ang isang tao na magbahagi ng natutuhan niya mula sa bawat isa sa mga segment.

Pag-aralan ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na segment.

  • Pamilya: Basahin ang Helaman 1:1–13, at alamin kung paano nakaapekto ang alitan sa pamilya ni Pahoran matapos siyang pumanaw.

  • Simbahan: Basahin ang Helaman 4:1–13, at alamin kung paano nakaapekto ang kapalaluan at alitan sa Simbahan sa buong bansa.

  • Komunidad: Dahil sa mga alitan kung sino ang dapat maging punong hukom, isang masamang lalaking nagngangalang Kiskumen ang bumuo ng isang lihim na pangkat. Hindi nagtagal ay nakiisa sa kanya ang isa pang masamang lalaking nagngangalang Gadianton (tingnan sa Helaman 2). Sa Aklat ni Mormon, ang ganitong uri ng mga pangkat ay tinatawag na mga lihim na pagsasabwatan (tingnan sa Helaman 3:23). Basahin ang Helaman 6:15–21, 37–41, at alamin ang nangyari sa mga Nephita dahil sa alitan at kasamaan na idinulot ng mga tulisan ni Gadianton.

  • Ano ang ilan sa mga ibinunga ng kapalaluan at alitan?

Tulungan ang mga estudyante na magdagdag sa bubble diagram. Maaari silang magdagdag ng mga bilog at pagkatapos ay maaari nilang ilista ang mga ibinunga ng kapalaluan at alitan sa bawat aspeto ng buhay na inilista kanina.

Mula sa nabasa mo, maaari mong matukoy na ang kapalaluan at alitan ay maaaring magdulot ng pagkakahati-hati sa mga pamilya, komunidad, at bansa. Maaari mong isulat ang katotohanang ito sa iyong mga banal na kasulatan malapit sa Helaman 1:4; 4:12–13; o 6:38–40.

Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang tungkol sa kapinsalaang dulot ng alitan o pagtatalo. Basahin ang 3 Nephi 11:29–30, at alamin kung ano ang sinabi Niya.

  • Saan nanggagaling ang alitan o pagtatalo? Bakit lagi itong nakapipinsala?

  • Bakit mahalaga itong malaman kapag natutukso ka na kumilos nang galit o kapag nahaharap ka sa pagtatalo?

  • Paano naging halimbawa ang Tagapagligtas ng Kanyang itinuro sa 3 Nephi 11:29–30?

Paghahangad ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo

Nagbigay si Pangulong Russell M. Nelson ng mga katulad na paanyaya hinggil sa tunggalian at alitan sa ating buhay. Panoorin ang video na “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum” mula sa time code na 1:38 hanggang 3:31, o basahin ang pahayag sa ibaba.

17:18

Ang panawagan ko ngayon, mga minamahal na kapatid, ay wakasan ang mga tunggaliang namamayani sa inyong puso, sa inyong tahanan, at sa inyong buhay. Ibaon ang anuman at lahat ng hangaring saktan ang iba—dulot man ito ng init ng ulo, matalim na dila, o sama ng loob sa taong nananakit sa iyo. Inutusan tayo ng Tagapagligtas na ibaling ang isa pa nating pisngi, na mahalin ang ating mga kaaway, at ipagdasal ang may masamang hangarin na nanggagamit sa atin. …

Tayo ay mga tagasunod ng Prinsipe ng Kapayapaan. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang kapayapaan na Siya lang ang makapagbibigay. Paano natin maaasahang magkaroon ng kapayapaan sa mundo kung hindi naman naghahangad ang bawat isa sa atin ng kapayapaan at pagkakaisa? Mga kapatid, alam kong hindi madali ang iminumungkahi ko. Ngunit ang mga alagad ni Jesucristo ay dapat maging huwaran ng pagsunod na tutularan ng buong mundo. Nakikiusap ako na gawin ninyo ang lahat para wakasan ang mga personal na tunggalian na nagngangalit sa inyong puso at sa inyong buhay. (Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 97)

  • Paano makatutulong sa atin ang paanyaya ni Pangulong Nelson na sundin si Jesucristo?

Tingnang muli ang iyong bubble diagram. Maglagay ng tsek sa tabi ng anumang aspeto ng alitan na sa palagay mo ay maiimpluwensyahan mo sa kabutihan.

Gumawa ng chart na may dalawang column sa pisara, at isulat ang makasusumpong ako ng kapayapaan kay Cristo sa pamamagitan ng … sa itaas. Maaaring kailanganin mong burahin ang bubble diagram para magkaroon ng espasyo. Isulat ang isa sa mga sumusunod na scripture block sa itaas ng bawat column at sabihin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang bawat block: Helaman 3:32–36; Helaman 6:1–9.

Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang pahayag sa pisara gamit ang nalaman nila sa kanilang pagbabasa at talakayin kung paano makatutulong sa kanila ang nalaman nila sa pagkakaroon ng kapayapaan kay Cristo.

  • Gamit ang nabasa mo sa Helaman 3:32–36 o Helaman 6:1–9, tapusin ang pangungusap na Makasusumpong ako ng kapayapaan kay Cristo sa pamamagitan ng …

  • Paano nagdudulot sa atin ng kapayapaan at pakikiisa sa iba ang paglapit kay Jesucristo ng bawat isa sa atin?

  • Pumili ng isa sa mga paraan na inilista mo para makasumpong ng kapayapaan kay Cristo. Paano mo ito maipamumuhay o maisasagawa sa iyong buhay?

Hikayatin ang mga estudyante na hangarin ang kapayapaan na tanging si Jesucristo lamang ang makapagbibigay (tingnan sa Juan 14:27).