Seminary
Helaman 11–12: Ang Cycle ng Kapalaluan


“Helaman 11–12: Ang Cycle ng Kapalaluan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Helaman 11–12,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Helaman 11–12

Ang Cycle ng Kapalaluan

binatilyong mapagkumbabang umaasa sa Diyos

Isa sa mga pattern sa buong Aklat ni Mormon ay nakakalimot ang mga tao sa Diyos at nagiging palalo kapag maayos ang lahat para sa kanila. Sa kabilang banda, ang mga tao ay madalas na magpakumbaba at bumaling sa Diyos kapag mahirap ang mga bagay-bagay. Napansin mo ba ang pattern na ito sa lipunan o sa iyong buhay? Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng mas matinding hangarin na lalo pang magpakumbaba sa Diyos.

Tulungan ang mga estudyante na matuto mula sa mga pattern sa mga banal na kasulatan. May mga pattern sa lahat ng banal na kasulatan sa mga pag-uugali at asal, mga tema ng doktrina, at mga pananalita sa mga banal na kasulatan. Sa pagbibigay-diin sa mga pattern na ito, matutulungan mo ang mga estudyante na matukoy ang mahahalagang doktrina at alituntunin. Hikayatin sila na ipamuhay ang natutuhan nila sa tulong ng mga pattern na ito.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mensahe ni Pangulong Ezra Taft Benson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1989 na pinamagatang “Beware of Pride.” Ang mensaheng ito ay matatagpuan sa Gospel Library o sa Ensign, Mayo 1989, 7–12.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Pattern

Tingnan ang mga sumusunod na numero. Sa loob ng 30 segundo, maghanap ng maraming numero hangga’t kaya mo ayon sa pagkakasunud-sunod, simula sa “1.”

Ang sumusunod na aktibidad ay naglalayong ipakita ang kahalagahan ng pagtukoy ng mga pattern. Ipakita ang larawan o isulat ang mga numero sa pisara, nang sinusunod ang pattern na ipinaliliwanag sa ibaba.

field ng numero 1 hanggang 50
  • Ilang numero ang nakita mo sa loob ng 30 segundo? May napansin ka bang pattern kung saan nakalagay ang mga numero?

Kung may napansing pattern ang mga estudyante, sabihin sa kanila na ibahagi ito. Kung hindi napansin ng mga estudyante ang pattern na inilarawan sa sumusunod na talata, ituro ito sa kanila. Ituro ang unang ilang numero ayon sa pagkakasunud-sunod bilang mga halimbawa.

May pattern sa mga numero sa chart. Kung magsisingit ka ng patayo at pahigang linya sa gitna ng chart para gumawa ng apat na magkakaparehong quadrant, makikita mo na ang mga numero ay sumusunod sa clockwise pattern, tulad ng ipinapakita ng arrow. Halimbawa, ang “1” ay nasa kaliwang quadrant sa itaas, ang “2” ay nasa kanan sa itaas, at iba pa.

field ng numero 1 hanggang 50 na ipinapakita ang pattern

Mag-ukol ng 30 pang segundo para ulitin ang hamon at makita ang kaibhang nagagawa ng pagsunod sa pattern.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung humusay sila at kung gaano.

  • Ano ang kahalagahan ng pagtukoy sa mga pattern na tulad nito?

Ang kakayahang makatukoy ng mga pattern ay isang kasanayan na makapagpapabuti sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo na mas maipamuhay ang nasa mga banal na kasulatan.

Sa lesson ngayon, matututuhan mo ang isang pattern na madalas tukuyin bilang cycle ng kapalaluan. Sa iyong pag-aaral, pag-isipan kung paano maaaring nangyayari ang pattern na iyon sa sarili mong buhay at kung ano ang magagawa mo para maiwasan ang kapalaluan at lalo pang magpakumbaba.

Ang cycle ng kapalaluan

Maaaring maalala mo na ang propeta si Nephi ay masigasig at hangad lamang na gawin ang kalooban ng Panginoon. Dahil dito, pinagkalooban siya ng Panginoon ng dakilang kapangyarihan at pinangakuan na “ang lahat ng bagay ay magagawa alinsunod sa [kanyang] salita” (Helaman 10:5). Ang mga pangyayaring naganap matapos ipagkaloob kay Nephi ang kapangyarihang ito ay makatutulong sa atin na makakita ng halimbawa ng cycle ng kapalaluan sa mga Nephita.

Maaari mong ipakita ang sumusunod na diagram at sabihin sa mga estudyante na gumuhit ng katulad nito sa kanilang study journal.

diagram ng cycle ng kapalaluan

Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupong may tig-aapat na estudyante. Ipagawa sa bawat estudyante ang sumusunod na aktibidad para sa isa sa mga yugto ng cycle ng kapalaluan. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila sa kanilang mga kagrupo at maaari nilang markahan ang kanilang mga banal na kasulatan para sa bawat yugto ng cycle ng kapalaluan. Maaari ding talakayin ng mga grupo ang sumusunod na tanong.

Basahin ang mga scripture passage sa diagram, simula sa Helaman 10:13–15. Maghanap ng mga salita o parirala na naglalarawan sa yugto ng cycle ng kapalaluan kung nasaan ang mga tao. Maaari mong markahan ang mga salita at pariralang iyon at isulat ang pangalan ng yugto sa mga margin ng iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng mga kaugnay na talata.

  • Bakit makatutulong sa atin na malaman ang pattern na ito?

Isipin kung saan mo nakikita ang iyong sarili sa pattern na ito. Habang patuloy kang nag-aaral, isipin kung paano ka magiging mas mapagkumbaba at mas aasa sa Panginoon.

Matuto mula sa cycle ng kapalaluan

Sa halip na ibuod ang mga sumusunod na talata, maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na basahin ang mga ito nang malakas sa klase.

Matapos alisin ng Panginoon ang taggutom, umunlad ang mga tao. Gayunpaman, sa loob lamang ng ilang taon, ang mga tao ay muling naging palalo at nakaranas ng digmaan at paghihirap (tingnan sa Helaman 11:21–33). Sila ay napukaw na alalahanin ang Diyos ngunit agad silang naging palalo at masamang muli (tingnan sa Helaman 11:34–38).

Maaaring napansin mo sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon na may mga pagkakataon na tumigil ang propetang si Mormon sa kanyang pagbabahagi ng ilang salaysay upang tukuyin ang mga aral na matututuhan natin. Madalas siyang gumamit ng mga pariralang tulad ng “sa gayon nakikita natin” o “sa gayon natin mamamasdan.”

Isulat sa pisara ang pariralang At sa gayon natin mamamasdan …. Sabihin sa maraming estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong.

  • Batay sa napag-aralan ninyo tungkol sa mga Nephita sa Helaman 11, paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na ito: “At sa gayon natin mamamasdan …”?

Basahin ang Helaman 12:1–6, at alamin ang ilan sa mga konklusyon na ginawa ni Mormon matapos ibahagi ang salaysay na ito.

  • Sa iyong palagay, bakit kaya nakakalimutan kung minsan ng mga asensadong tao ang Panginoon?

  • Paano maiiwasan o malalampasan ng isang tao ang mga bahagi ng kapalaluan at pagdurusa sa cycle ng kapalaluan (kahon 1 at 2)?

Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa nakaraang tanong, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang Alma 62:48–51 at pansinin kung paano naiwasan ng isang grupo ng mga Nephita ang kapalaluan at ang mga bunga nito.

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan. Maaari ka ring magdrowing ng mga arrow sa diagram ng cycle ng kapalaluan na mula sa kahon 4 pabalik sa kahon 3.

Ang isang katotohanan na makatutulong sa atin na manatili sa mas mabubuting bahagi ng cycle na ito ay kung pipiliin nating alalahanin ang Panginoon, magpakumbaba, at magsisi, maiiwasan natin ang kapalaluan at ang mga bunga nito.

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng ilang sagot sa sumusunod na tanong. Maaari mong bigyan ang maraming estudyante ng marker at sabihin sa kanila na magsulat ng isang sagot sa pisara. O maaaring gumawa ang mga estudyante ng listahan sa kanilang study journal at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga sagot.

Maaari ding makatulong na ibahagi ang ilan o lahat ng pahayag sa “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” bilang bahagi ng talakayang ito.

  • Ano ang magagawa natin na tutulong sa atin na maalaala ang Panginoon at maiwasan ang kapalaluan?

Suriin ang iyong sarili

Isipin kung paano nauugnay sa iyo ang mga katotohanang napag-aralan mo ngayon. Ang sumusunod na self-assessment ay makatutulong dito. I-rate ang iyong pagsisikap sa mga sumusunod na aspeto sa scale na mula 1 hanggang 5, kung saan ang 1 ay “hindi kailanman” at ang 5 ay “palagi.”

Maaari mong ipakita ang mga tanong at bigyan ang mga estudyante ng tahimik na oras para pagnilayan at suriin ang kanilang sarili sa bawat tanong sa kanilang study journal. Maaari ding makatulong sa mga estudyante na mag-isip ng sarili nilang mga tanong na magagamit nila para suriin ang kanilang sarili tungkol sa kapalaluan. Huwag ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga sagot.

  1. Nakadarama at nagpapahayag ka ba ng pasasalamat sa Diyos at sa iba?

  2. Naglalaan ka ba ng oras para sa Diyos araw-araw?

  3. Pakiramdam mo ba ay resulta ng sarili mong mga pagsisikap ang iyong mga tagumpay?

  4. Humihingi ka ba ng tulong at patnubay sa Diyos sa iyong buhay?

  5. Pinakikitunguhan mo ba ang iba nang may kabaitan at paggalang?

  6. Pinupulaan mo ba ang iba o hinuhusgahan mo ba sila nang masama?