“Helaman 7–10: Ang Propeta ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Helaman 7–10,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Helaman 7–10
Ang Propeta ng Panginoon
Sa mundong puno ng magkakatunggaling tinig, saan tayo makahihingi ng patnubay at katotohanan? Ang isang paraan para magabayan at matulungan tayo ng Panginoon sa mortalidad ay sa pamamagitan ng pagtawag ng propeta. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga propeta sa plano ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Bakit tumatawag ng mga propeta ang Diyos?
Isipin kunwari na isa sa mga kaibigan mo na hindi miyembro ng Simbahan ang nagulat nang malaman niya na naniniwala ka na tumatawag ang Panginoon ng mga propeta sa ating panahon. Nagtataka ang kaibigan mo kung bakit kailangan ang mga propeta sa ating panahon.
-
Paano ka tutugon sa iyong kaibigan?
Isipin ang nadarama mo tungkol sa mga propeta ng Panginoon at ang kahandaan mong makinig at sumunod sa kanila. Sa pag-aaral mo ngayon, magkakaroon ka ng mga pagkakataong tumukoy ng mahahalagang katotohanan tungkol sa mga propeta.
Sa isang blangkong pahina sa iyong study journal, isulat ang sumusunod na heading: Mga katotohanan tungkol sa mga Propeta ng Panginoon. Sa buong lesson, isulat ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa mga propeta sa ilalim ng heading na ito.
Ang propetang si Nephi
Ngayon ay malalaman mo ang tungkol kay Nephi, ang anak ni Helaman. Matapos tanggihan ng mga Nephita sa lupaing pahilaga, bumalik si Nephi sa kanyang tahanan sa Zarahemla. Napakasama rin ng mga tao roon. Sa pagdadalamhati dahil sa kanilang kasamaan, nagtungo si Nephi sa kanyang tore sa halamanan at nagsumamo siya sa Diyos (tingnan sa Helaman 7:1–11).
Basahin ang Helaman 7:12–22, at alamin ang sinabi ni Nephi matapos malaman na nagtipon ang mga tao para marinig ang kanyang mga pagsusumamo.
-
Ano ang isang katotohanan na matutukoy mo tungkol sa mga propeta ng Panginoon batay sa sinabi ni Nephi sa mga talatang ito?
Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo ay ang mga propeta ng Diyos ay nag-aanyaya sa mga tao na magsisi. Isulat ang katotohanang ito sa listahan sa iyong study journal.
-
Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Diyos na tatawag Siya ng mga propeta upang mangaral ng pagsisisi?
Maraming tao ang nagalit sa mensahe ni Nephi. Upang matulungan ang mga tao na maunawaan na sinasabi niya ang katotohanan, mahimalang sinabi ni Nephi sa kanila ang mga pangyayaring naganap habang nangangaral siya sa kanila.
Unang sinabi ni Nephi sa mga tao na ang kanilang punong hukom na si Sisoram, ay pinaslang (tingnan sa Helaman 8:27–28). Inakala ng mga tao na “ang Nephi na ito ay nakipagkasundo sa kung sino upang patayin ang hukom” (Helaman 9:16). Pagkatapos ay sinabi ni Nephi sa mga tao na hanapin si Seantum, na kapatid ni Sisoram, at magtanong sa kanya ng ilang bagay. Sinabi ni Nephi sa mga tao kung paano eksaktong tutugon si Seantum (tingnan sa Helaman 9:26–36). Humantong ito sa pagtatapat ni Seantum na siya ang pumaslang at si Nephi ay walang kasalanan (tingnan sa Helaman 9:37).
Basahin ang Helaman 9:37–41, at alamin ang naging reaksyon ng mga tao matapos masaksihan ang mga pangyayaring ito.
-
Ano ang isang katotohanan na natutuhan mo mula sa karanasan ni Nephi na maidaragdag mo sa iyong listahan?
Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo ay matutupad ang mga salita ng mga propeta.
-
Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ang katotohanang ito tungkol sa mga propeta?
-
Ano ang ilan pang ibang halimbawa ng mga salita ng mga propeta na natupad?
Mga karagdagang katotohanan tungkol sa mga propeta
Bukod pa sa mga katotohanang natukoy na, marami pang katotohanan tungkol sa tungkulin at layunin ng propeta ng Panginoon ang inilarawan ni Nephi at ng kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao. Patuloy na praktisin ang kasanayan na pagtukoy ng mga katotohanan habang pinag-aaralan mo ang mga sumusunod na scripture passage. Idagdag ang mga nahanap mo sa iyong listahan.
-
Helaman 7:29: Ang pahayag ni Nephi sa mga taong nagtipon matapos siyang marinig na manalangin
-
Helaman 8:1–4: Ang reaksyon ng mga hukom sa mga salita ni Nephi
-
Helaman 8:22–23: Ang tugon ni Nephi sa mga taong nanlait sa kanya at sa kanyang mga salita
-
Helaman 10:5–7: Ang pakikipag-usap ng Panginoon kay Nephi pagkatapos niyang magturo sa mga tao
-
Anong mga katotohanan tungkol sa mga propeta ang nahanap mo sa mga talatang ito?
-
Ang mensahe ng propeta ay hindi mula sa kanyang sarili. Mula ito sa Panginoon. (Helaman 7:29)
-
Ang mga propeta ay hindi tanggap ng masasama. (Helaman 8:1–4)
-
Ang mga propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo. (Helaman 8:22–23)
-
Ibinigay ng Panginoon sa Kanyang propeta ang kapangyarihang magbuklod. (Helaman 10:5–7)
Ang kahalagahan ng mga buhay na propeta
Isiping muli ang sitwasyon mula sa simula ng lesson tungkol sa iyong kaibigan na nagtaka kung bakit kailangan ang mga propeta sa ating panahon.
Sumulat ng sagot sa iyong kaibigan na nagpapaliwanag kung bakit mahalaga na tumatawag ang Panginoon ng mga propeta sa ating panahon. Ang iyong sagot ay dapat kahit isang talata ang haba.
Maaring makatulong sa iyong sagot ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano makatutulong sa atin ang isa o mahigit pa sa mga katotohanang natukoy mo sa mga hamong kinakaharap natin?
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na matukoy ang pagpapala ng pagkakaroon ng mga buhay na propeta sa mundo?