“3 Nephi 17: ‘Ako ay Nahahabag sa Inyo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“3 Nephi 17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
3 Nephi 17
“Ako ay Nahahabag sa Inyo”
Mahaba na ang naging araw para sa maraming Nephita nang ibalita ng Tagapagligtas na panahon na para umalis Siya. Gayunpaman, ang mga luha at pananabik ng maraming tao na mananatili Siya nang mas matagal ay umantig sa Kanyang puso. Sa kagila-gilalas na pagpapakita ng habag, pinagaling Niya sila, nanalangin Siya kasama nila, at isa-isa Niyang binasbasan ang kanilang mga anak. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang pagkahabag ni Jesucristo para sa iyo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pananaw ng Tagapagligtas
Ipagpalagay na nakasama mo ang Tagapagligtas nang buong araw at sinabi Niya na oras na para umalis Siya.
-
Ano kaya ang mararamdaman mo sa sitwasyong ito?
-
Paano ipinakita ng mga ginawa ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa mga Nephita?
Ngayon ay mas marami ka pang mababasa tungkol sa kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagkahabag na puno ng pagmamahal sa mga Nephita. Habang nag-aaral ka, isipin kung ano ang itinuturo ng Kanyang mga ginawa tungkol sa Kanyang pagkatao. Bigyang-pansin ang nadarama mo tungkol sa Kanya.
Maaaring makatulong na malaman na lahat ng pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 11–17 ay nangyari sa isang araw.
Basahin ang 3 Nephi 17:1–6, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa Kanyang mga salita at ginawa.
-
Ano ang nalaman mo sa mga talatang ito?
Maaaring may natukoy kang katotohanan na tulad ng sumusunod: Si Jesucristo ay puspos ng pagkahabag sa akin. Maaari mong isulat ang katotohanang ito malapit sa talata 6.
Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Mahalagang pansinin na ang pagpapakita ni Jesus ng habag ay hindi paminsan-minsan o kinailangang ipakita batay sa listahan ng mga gawaing dapat tapusin kundi mga araw-araw na pagpapakita ng Kanyang dalisay na pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak at ng Kanyang walang-maliw na hangaring tulungan sila. (Ulisses Soares, “Ang Walang-Maliw na Pagkahabag ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2021, 14)
-
Sa sarili mong mga salita, ano ang itinuturo ni Elder Soares tungkol sa pagkahabag ng Tagapagligtas?
Ang pagkahabag ng Tagapagligtas
Ipinapakita ng natitirang bahagi ng 3 Nephi 17 ang mahabaging katangian ng Tagapagligtas. Alalahanin na ang ginawa ni Jesucristo sa 3 Nephi 17 ay nangyari dahil nahiwatigan Niya ang mabubuting hangarin ng mga Nephita at talagang gusto Niyang makasama sila at pagpalain sila.
-
Aling sandali ang magiging pinaka-espesyal para sa iyo? Bakit?
-
Ano ang hinangaan mo sa paraan ng pagmiministeryo ni Jesus?
-
Paano naimpluwensyahan ng Kanyang mga salita at ginawa ang nadarama mo tungkol sa Kanya?
-
3 Nephi 17:7–10: Pagpapagaling sa kanilang mga maysakit at nahihirapan
-
3 Nephi 17:13–20: Pagdarasal nang kasama sila at pagdarasal para sa kanila
-
3 Nephi 17:11–12, 21–25: Pagbabasbas sa mga bata
-
Kung naroon ka, paano maiimpluwensyahan ng karanasang ito ang iyong ugnayan sa iyong Tagapagligtas na si Jesucristo?
-
Sa iyong palagay, paano nagpapakita ng pagkahabag si Jesucristo sa atin ngayon?
-
Ano ang nahihikayat kang gawin upang maipahayag ang iyong pagmamahal kay Jesucristo?