Wala nang ninanais pa ang labindalawang Nephitang disipulo kundi ang makasama nila ang Espiritu Santo. Ito ang paksa ng kanilang mga panalangin sa Ama sa Langit nang tapusin ng Tagapagligtas ang unang araw ng Kanyang pagmiministeryo sa kanila. Ano ang kailangan nating gawin para mapasaatin ang Espiritu Santo? Paano natin matatamasa ang Kanyang patnubay sa ating buhay? Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang mas maunawaan kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mabubuting hangarin ng tinedyer
Kung magpapasagot ka ng survey sa 100 tinedyer mula sa iyong lugar, ano sa palagay mo ang magiging isa sa kanilang pinakakaraniwang mabubuting hangarin?
Pag-isipan kung alin sa mga hangaring ito ang maaaring makaugnay sa iyo. Habang pinag-aaralan mo ang 3 Nephi 19, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyong makamit ang iyong mabubuting hangarin.
Matapos paglingkuran, turuan, pagalingin, at basbasan ng Tagapagligtas ang mga tao, Siya ay “lumisan mula sa kanila, at umakyat sa langit” (3 Nephi 18:39) nang nangangako na babalik Siya kinabukasan. Umuwi ang mga tao, at “sa buong magdamag ay maingay na kumalat ang hinggil kay Jesus,” at “lubhang napakalaki ng bilang … ang nagpagal nang labis sa buong magdamag na yaon, upang sa kinabukasan sila ay naroroon sa pook kung saan ipinakita ni Jesus ang sarili sa maraming tao” (3 Nephi 19:3). Kinabukasan, tinipon ng labindalawang disipulo na pinili ni Jesus ang mga tao at itinuro nila sa kanila ang “mga salitang winika ni Jesus.” Pagkatapos ay lumuhod at “nanalangin sa Ama sa pangalan ni Jesus” ang mga disipulo (3 Nephi 19:8).
Basahin ang 3 Nephi 19:9 para malaman kung ano ang pinakaninanais nila habang nagdarasal sila.
Sa palagay mo, bakit nila lubos na ninanais ang Espiritu Santo?
Ano ang ilang sitwasyon na maaari mong maranasan sa hinaharap kung saan gugustuhin mong matukoy at maunawaan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo?
Pag-isipan kung talagang ninanais mo ang Espiritu Santo sa iyong buhay at kung paano maaaring mag-iba ang iyong buhay kung mas regular mong ninanais na hangarin ang Kanyang impluwensya.
Paghangad sa Espiritu Santo
Basahin ang 3 Nephi 19:10–23, at alamin ang mga paraan na makukumpleto mo ang sumusunod na pahayag:
Mapupuspos tayo ng Espiritu Santo kapag …
… taimtim na hinahangad at ipinagdarasal na patnubayan Niya tayo.
… nakikilahok tayo sa mga ordenansa ng ebanghelyo.
Aktibidad A: Mapupuspos tayo ng Espiritu Santo kapag taimtim nating hinahangad at ipinagdarasal na patnubayan Niya tayo.
Paano makatutulong sa atin ang ating mga hangarin at panalangin na mapuspos ng Espiritu Santo?
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makatutulong sa atin na hangarin at ipanalangin na mapasaatin ang Espiritu.
Naaalala … ba nating taimtim at palagiang ipagdasal ang bagay na dapat nating pakahangarin, maging ang Espiritu Santo? O nagagambala tayo ng mga alalahanin ng sanlibutan at ng mga karaniwang gawain sa araw-araw at binabalewala o kinaliligtaan natin itong pinakamahalaga sa lahat ng kaloob? Ang pagtanggap sa Espiritu Santo ay nagsisimula sa ating taimtim at tapat na hangarin sa patnubay Niya sa ating buhay. (David A. Bednar, “Tanggapin ang Espiritu Santo,” Liahona, Nob. 2010, 96)
Maaari mong panoorin ang “Having the Holy Ghost” (2:56), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Kailan nakatulong ang iyong mabubuting hangarin at panalangin upang madama mo ang impluwensya ng Espiritu?
Aktibidad B: Maaari tayong mapuspos ng Espiritu Santo kapag nakibahagi tayo sa mga ordenansa ng ebanghelyo.
Basahin ang 3 Nephi 18:7, 11; 27:20, at alamin kung paano makatutulong sa atin ang mga ordenansa upang mapuspos tayo ng Espiritu Santo.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
Ang binyag ay banal na ordenansang naghahanda para matanggap ang Espiritu Santo; ito ang daluyan at susi sa pagkakaloob ng Espiritu Santo. Ang Kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay hindi matatanggap sa pamamagitan ng anumang iba pang alituntunin maliban sa alituntunin ng kabutihan. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 112.)
Ano ang natutuhan mo tungkol sa papel na ginagampanan ng mga ordenansa (tulad ng binyag at sakramento) sa pagtulong sa atin na mapuspos ng Espiritu Santo?
Kailan ka napuspos ng Espiritu Santo nang makibahagi ka sa mga ordenansa ng ebanghelyo?
Personal na pagsasabuhay
Isipin ang sarili mong pangangailangan para sa Espiritu Santo at kung bakit mo hangad ang Kanyang impluwensya sa iyong buhay. Tukuyin ang isang bagay na nahihikayat kang gawin para mapanatili ang Espiritu Santo sa iyo. Sikaping sundin ang impresyong iyon.