Seminary
3 Nephi 18:15–39; 19:19–29: “Laging Manalangin”


“3 Nephi 18:15–39; 19:19–29: ‘Laging Manalangin,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 18:15–39; 19:19–29,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 18:15–39; 19:19–29

“Laging Manalangin”

si Jesuristo na nananalangin sa lupain ng Amerika

Maraming tao ang nagdarasal araw-araw. Ang ilang panalangin ay maaaring mas makabuluhan kaysa sa iba. Hindi lamang itinuro ni Jesucristo sa Kanyang mga tagasunod na “lagi kayong manalangin sa Ama” (3 Nephi 18:19), kundi ipinakita rin Niya sa kanila kung paano manalangin. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na masunod ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo na laging manalangin at magkaroon ng mas makabuluhang mga panalangin.

Regular na pagdarasal para sa iyong mga estudyante. Kilala ng Ama sa Langit ang bawat isa sa iyong mga estudyante. Habang nagdarasal ka sa Kanya tungkol sa iyong mga estudyante, matutulungan ka Niya na mahiwatigan ang mga pangangailangan nila at mabibigyang-inspirasyon ka Niya sa mga paraan upang matugunan ang mga pangangailangang iyon. Pakinggan ang mga pahiwatig na maaaring dumating habang naghahanda kang magturo o sa oras ng lesson.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin o pakinggan ang mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard na “Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin” (Liahona, Nob. 2020, 77–79), at alamin ang mga katotohanang makatutulong sa kanila sa kanilang mga personal na panalangin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Halimbawa

Isulat ang pangungusap sa ibaba na may mga patlang sa pisara, at hayaang ibahagi ng ilang estudyante kung paano nila pupunan ang mga patlang.

Mag-isip ng isang talento, kasanayan, o katangian na gusto mong taglayin. Tukuyin ang mga taong kilala mo na may ganoong talento, kasanayan, o katangian. Gamit ang mga naisip mo, punan ang mga sumusunod na patlang sa ilang iba’t ibang paraan:

  • Kung gusto kong matutuhan ang tungkol sa , tutularan ko ang halimbawa ni dahil .

Ulitin ang aktibidad sa pamamagitan ng pagpunan sa unang patlang ng sumusunod na pangungusap ng isang bagay na gusto mong matutuhan mula sa Tagapagligtas at ilagay ang dahilan sa huling patlang.

  • Kung gusto kong matutuhan ang tungkol sa , tutularan ko ang halimbawa ni Jesucristo dahil .

Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupain ng Amerika, tinuruan ng Tagapagligtas ang mga tao sa pamamagitan ng salita at halimbawa.

Basahin ang 3 Nephi 18:16, 24, at alamin ang isang halimbawa na ipinakita ni Jesus.

  • Ano ang nais ng Tagapagligtas na matutuhan ng mga tao mula sa Kanyang halimbawa?

Maaaring suriin ng mga estudyante ang sarili nilang panalangin sa kasalukuyan gamit ang sumusunod na scale. Ang paggawa nito ay makapag-aanyaya sa Espiritu Santo na tulungan sila na malaman kung paano makatutulong sa kanila ang mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas para mas maging taimtim ang kanilang personal na panalangin.

I-rate ang mga sumusunod gamit ang scale na mula 1 hanggang 5, kung saan ang 5 ang pinakamataas:

  • Nagnanalangin ako araw-araw.

  • Nakikipag-ugnayan ako at napapalapit ako sa Ama sa Langit kapag nagdarasal ako.

  • Nais kong mas maging taimtim ang aking mga personal na panalangin.

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga karaniwang hamon sa makabuluhang panalangin—halimbawa, paglalaan ng oras para magdasal, pag-alam kung ano ang sasabihin, pagtanggap ng mga sagot, o iba pang mga hamon. Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga solusyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan.

Habang patuloy mong pinag-aaralan ang 3 Nephi 18, hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo para tulungan kang malaman kung ano ang magagawa mo para mas mapataimtim ang iyong mga personal na panalangin. Sundin ang mga turo at halimbawa ni Jesucristo habang sinisikap mong magpakabuti pa.

Ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa panalangin

Basahin ang 3 Nephi 18:15, 18–23, at alamin kung ano ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa panalangin. Maaari mo ring basahin ang tagubilin ng Tagapagligtas tungkol sa panalangin mula sa Kanyang sermon sa templo sa 3 Nephi 13:5–13.

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang sumusunod na pangungusap sa pisara:

  • Masusunod ko ang mga turo ng Tagapagligtas sa panalangin sa pamamagitan ng …

Maglaan ng sapat na oras para talakayin ang mga turo ng Tagapagligtas. Hayaang humantong ang talakayan sa kung saan nadarama ng mga estudyante na kailangan nila. Halimbawa, maaaring gumugol ng oras ang klase sa pag-uusap tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng panalangin na mapaglabanan ang tukso, kung paano pinagpapala ng panalangin ang mga pamilya, o kung paano tayo makahihingi ng mga pagpapala sa panalangin. Maaari mong pag-aralan pa ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa panalangin sa Lucas 11:1–13.

Maaari mo ring gamitin ang ilan sa mga pahayag sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” bilang bahagi ng talakayan.

  • Alin sa mga turo ni Jesus tungkol sa panalangin ang sa palagay mo ay makatutulong nang lubos sa iyo? Bakit?

Ang halimbawa ng Tagapagligtas sa panalangin

Isipin kung ano ang mararamdaman mo kapag narinig mong ipinagdarasal ka ng Tagapagligtas. Ano sa palagay mo ang ipagdarasal Niya para sa iyo? Isipin kung ano ang maaaring madama mo at kung paano makakaapekto ang mga ito sa sarili mong mga panalangin.

Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo at magtalaga sa bawat grupo ng isa sa mga sumusunod na set ng mga talata na babasahin at ibabahagi.

Tulungan ang mga estudyante na makita kung kanino nagdasal si Jesus, sino ang ipinagdasal Niya, ano ang ipinagdasal Niya, bakit Siya nagdasal, ang pag-uugali Niya sa pagdarasal, at iba pa. Ang isang paraan upang magawa ito ay ipasagot sa mga estudyante ang mga tanong na “Sino?” “Ano?” “Bakit?” at “Paano?”

Kapag tinatalakay kung bakit nanalangin si Jesus, maaari mong tulungan ang mga estudyante na makita na ang isa sa mga dahilan kung bakit nanalangin si Jesus ay upang makipag-usap sa Kanyang Ama, na Kanyang minamahal.

Maaari mong ipanood ang video na “Naglingkod ang mga Disipulo at Nagdasal si Jesucristo para sa mga Tao” mula sa time code na 3:05 hanggang 7:18, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, at anyayahan ang mga estudyante na sumabay sa pagbabasa ng mga talata sa 3 Nephi 19.

7:30

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa pisara:

  • Matutularan ko ang halimbawa ng Tagapagligtas sa panalangin sa pamamagitan ng …

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa iyo?

  • Sa iyong palagay, paano makagagawa ng kaibhan sa iyong mga panalangin ang tularan ang Kanyang halimbawa?

Ang ating mga personal na panalangin

Tulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga makabuluhang karanasan nila sa panalangin. Maaaring isipin ng mga estudyante kung kailan sila nagdasal upang mapaglabanan ang tukso o humingi ng tulong sa isang hamon. Maaari nilang isipin kung kailan napagpala ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng panalangin, kung kailan sila nanalangin para sa iba, o kung kailan sila humingi ng mga pagpapala. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano sila napagpala ng panalangin. Ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng mga karanasan na masyadong sagrado o pribado.

Ibahagi sa mga estudyante kung paano ka napagpala nang tularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas at nang sundin mo ang Kanyang mga turo tungkol sa panalangin. Balikan ang nakumpletong mga pahayag sa pisara, at talakayin kung paano makatutulong ang mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas sa mga hamon sa panalangin na binanggit kanina.

Pumili ng kahit isa sa mga turo ng Tagapagligtas o isang bagay na ipinakita Niya sa panalangin na maaari mong isama sa iyong mga personal na panalangin. Gumawa ng isang paalala at simulang gawin ito ngayon. Habang ginagawa mo ito, pansinin kung paano ito nakatutulong para maging mas makabuluhan ang iyong mga panalangin at kung paano nito naiimpluwensyahan ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit.

Maaari mong idagdag ang ilan sa natutuhan mo ngayon sa iyong journal entry na “Pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo sa 3 Nephi.”

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magdagdag sa kanilang journal entry na “Pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo sa 3 Nephi.”