Seminary
Mormon 3: “Kinakailangan Kayong Tumindig na Lahat sa Harapan ng Hukumang-luklukan ni Cristo”


“Mormon 3: ‘Kinakailangan Kayong Tumindig na Lahat sa Harapan ng Hukumang-luklukan ni Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mormon 3,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mormon 3

“Kinakailangan Kayong Tumindig na Lahat sa Harapan ng Hukumang-luklukan ni Cristo”

Ang Huling Paghuhukom

Naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sa Huling Paghuhukom? Habang minamasdan ni Mormon ang kasamaan ng kanyang mga tao, itinuro niya kung sino ang hahatol sa atin at kung paano tayo hahatulan sa Huling Paghuhukom na ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maghandang tumindig nang may tiwala at kagalakan sa harap ni Jesucristo sa Huling Paghuhukom.

Pag-anyaya sa mga estudyante na magtanong. Habang nakikita mo ang mga paksa sa mga banal na kasulatan kung saan maaaring karaniwan ay may mga tanong ang mga estudyante, maghanap ng mga pagkakataon na mabigyan sila ng pagkakataong maipahayag ang mga tanong na iyon sa klase. Anyayahan silang maghanap ng mga sagot sa buong lesson at sa personal nilang pag-aaral.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng mga tanong nila tungkol sa Huling Paghuhukom. Maaari kang gumamit ng anonymous poll para maipadala ng mga estudyante ang kanilang mga tanong bago magklase. Magagabayan ka ng kanilang mga tanong sa paghahanda ng lesson para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang huling pagsusulit

Ang layunin ng sumusunod na aktibidad ay tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging handa para sa Huling Paghuhukom.

Bago magsimula ang klase, maaari kang maghanda at mag-display ng mga tagubilin na tila nagpapahiwatig na magkakaroon ng sorpresang huling pagsusulit o pag-assess sa klase ngayon. Pagkatapos, para masimulan ang klase, maaari mong itanong sa mga estudyante ang ilang mahihirap na tanong na tulad ng mga sumusunod:

  1. Ilang talata ang mayroon sa Aklat ni Mormon?

  2. Ilang beses binanggit si Cristo sa pamamagitan ng isa sa Kanyang mga pangalan o titulo sa Aklat ni Mormon?

  3. Ilang Lamanita ang nagbalik-loob sa pamamagitan ng pagtuturo nina Nephi at Lehi sa Helaman 5?

Isipin kung masasagot mo nang tumpak ang mga tanong na ito nang hindi naghahanda.

  • Paano maiiba ang nadarama mo tungkol sa pagsusulit kung sinabihan ka ng titser mo tungkol dito nang maaga at binigyan ka niya ng gabay sa pag-aaral na naglalayong ihanda ka para dito?

  • Bagama’t hindi hihilingin sa ating magbahagi ng iba’t ibang impormasyon mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa Huling Paghuhukom, sa anong mga paraan maihahambing ang Huling Paghuhukom sa isang pagsusulit na gagawin nating lahat balang-araw? Sa anong mga paraan magiging iba ito sa pagsagot ng pagsusulit sa paaralan?

Ang isang paraan na maaaring masagot ng mga estudyante ang nakaraang tanong ay bigyang-diin na ang paghuhukom ay mas tungkol sa kung ano ang ating kinahinatnan kaysa sa nalalaman natin (tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Challenge to Become,” Ensign, Nob. 2000, 32–34). Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang nadarama nila tungkol sa Huling Paghuhukom. Ang sumusunod na talata ay magagamit upang makatulong sa dapat nilang pag-isipan.

Pag-isipan kung gaano ka kahanda para sa Huling Paghuhukom. Alam mo ba kung paano ito paghahandaan? Bakit gusto mong paghandaan ito?

Mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at binigyan ka Nila ng mga banal na kasulatan para tulungan kang malaman at paghandaan ang tungkol sa araw na ikaw ay “[titindig] sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo” (Mormon 3:20). Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na maging handang tumindig nang may tiwala at kagalakan sa harap ni Jesucristo sa Huling Paghuhukom.

Itinuro ni Mormon ang tungkol sa Huling Paghuhukom

Minahal ni Mormon ang mga Nephita at pinamunuan niya sila nang maraming beses sa digmaan. Nagsumamo siya sa kanila na pagsisihan ang kanilang kasamaan at bumaling sa Tagapagligtas. Gayunpaman, hindi nila tinanggap ang Panginoon at nagmalaki sila sa sarili nilang lakas, at nanumpa sila sa kalangitan na hindi kailanman itinuro sa kanila na gawin, kaya tumanggi si Mormon na pamunuan sila sa ilang panahon (tingnan sa Mormon 3:10–16). Pagkatapos ay itinuro niya ang tungkol sa Huling Paghuhukom na haharapin ng buong sangkatauhan.

Maaari mong i-display o ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na chart at anyayahan silang kumpletuhin ito kasama ang isang kapartner o maliit na grupo.

Sa kaliwang bahagi ng iyong chart, ilista ang mga tanong mo tungkol sa Huling Paghuhukom tulad ng mga halimbawang ibinigay.

Mga tanong ko tungkol sa Huling Paghuhukom

Mga sagot, ideya, at impresyong natanggap ko

Mga tanong ko tungkol sa Huling Paghuhukom

Sino ang hahatol sa akin?

Mga sagot, ideya, at impresyong natanggap ko

Mga tanong ko tungkol sa Huling Paghuhukom

Kailan ako hahatulan?

Mga sagot, ideya, at impresyong natanggap ko

Matapos ilista ng bawat magkapartner o grupo ang kanilang mga tanong, sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga tanong sa isa pang magkapartner o grupo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang ilan sa kanilang mga tanong na gagamitin kalaunan sa lesson.

Basahin ang mga salita ni Mormon sa Mormon 3:18–22; 6:17–22 para mahanap ang mga sagot sa mga tanong na inilista mo. Ilista sa kanang column ng iyong chart ang mga nalaman mo, kabilang ang scripture reference kung saan mo nakita ang bawat isa sa mga ito.

Ang hukumang-luklukan ni Cristo

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay titindig tayong lahat sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo upang hatulan sa ating mga gawa, mabuti o masama man ang mga ito. Maaari mong markahan ang mga pariralang nagtuturo ng katotohanang ito sa Mormon 3:20.

  • Bakit maaaring nakapapanatag na malaman na ang Tagapagligtas ang ating Hukom? (Isulat ang iyong mga sagot sa kanang column ng iyong chart).

Para makatulong sa pagsagot sa naunang tanong, maaari mong basahin ang Alma 7:11–13, at alamin ang naranasan ng Tagapagligtas kaya ganap Niya tayong mauunawaan sa Paghuhukom. Maaari mo ring pakinggan ang isang pahayag mula kay Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan sa “Ang Dakilang Plano” mula sa time code na 14:06 hanggang 14:51 na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

2:3

Maaari mong panatilihing magkakapartner o sa maliliit na grupo ang mga estudyante para sa sumusunod na aktibidad at italaga sa bawat grupo ang isa sa resources para pag-aralan.

Maaaring mayroon ka pa ring mga tanong at alalahanin tungkol sa Huling Paghuhukom. Maghanap ng mga karagdagang sagot at kaalaman gamit ang resources sa ibaba o iba pang sources mula sa Diyos. Ilista sa kanang column ng iyong chart ang mga nalaman mo.

Maaaring anyayahan ang isang miyembro ng bawat grupo na magbahagi ng mga kaalaman mula sa sources na pinag-aralan ng grupo upang matuto ang buong klase mula sa bawat resources.

Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa kung sino ang kasama sa paghatol sa atin, maaari mong ibahagi ang mga scripture reference sa unang bahagi ng bahaging Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto.

Maaari mo ring pakinggan ang iba pang mga turo mula kay Pangulong Oaks tungkol sa Huling Paghuhukom sa “Banal na Pagmamahal sa Plano ng Ama”, mula sa time code na 1:44 hanggang 3:32, o sa “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi” mula sa time code na 8:09 hanggang 12:03, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

14:47
2:3

Patingnan sa mga estudyante ang mga tanong na nakasulat sa pisara kanina. Maaari mong bigyan ang ilang estudyante ng marker para isulat ang mga sagot na nakita nila sa tabi ng mga naaangkop na tanong. Pagkatapos ay ipaabot sa mga estudyante ang mga marker sa iba para magawa rin nila ito. Ulitin hanggang sa makapagsulat ang lahat ng estudyante na nais magsulat ng isang bagay na nalaman nila. Pagkatapos, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Anong mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, sa pagsisisi, at sa Huling Paghuhukom ang ibabahagi mo sa isang taong kinakabahan tungkol sa Huling Paghuhukom? Bakit?

Maaaring may mga pahayag sa bahaging Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto na makatutulong sa mga estudyante na masagot ang nakaraang tanong.

Tiwala sa Araw ng Paghuhukom

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod:

Isipin kung ano ang nadama mo sa pag-aaral na ito. Nakadarama ka ba ng higit o mas kaunting tiwala at kagalakan tungkol sa Huling Paghuhukom kaysa sa nadama mo bago ang lesson na ito? Bakit ganoon ang nadarama mo? Ano ang ipinapahiwatig ng Espiritu Santo na gawin mo?

Sa iyong study journal, gumawa ng plano na magsimulang maghanda nang mas mabuti para sa Huling Paghuhukom. Pag-isipan at pagpasiyahan ang isang gawain na magagawa mo para matulungan kang makadama ng higit na tiwala at kagalakan habang naghahanda kang tumindig sa harapan ni Cristo. Halimbawa, ang araw-araw at taos-pusong pagsisisi ay isang makapangyarihang paraan para mahanap ang “kaligayahan at kapayapaan ng isipan.” (Tingnan sa Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67.) Mangakong sundin ang iyong plano.