Seminary
Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37: Isinulat para sa Ating Panahon


“Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37: Isinulat para sa Ating Panahon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mormon 8:27–41; 9:1–6, 27–37

Isinulat para sa Ating Panahon

si Moroni na nagsusulat sa mga lamina

Ipagpalagay na nabuhay ka daan-daang taon na ang nakalipas ngunit alam mo kung ano ang pakiramdam ng mabuhay sa ating panahon. Naranasan ito ni Moroni; ipinakita sa kanya ng Panginoon ang ating panahon. Inilarawan ni Moroni ang mga kasalanan at pag-uugali na magiging laganap sa mga huling araw. Inanyayahan niya tayong “bumaling … sa Panginoon” (Mormon 9:6) at nagbigay siya ng iba pang payo na tutulong sa atin na sundin si Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan na ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang tulungan tayo, sa mga huling araw, na bumaling sa Panginoon.

Kilalanin si Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang salita. Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na mas mapalapit kay Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na kilalanin si Jesucristo habang nag-aaral sila. Kapag ginawa nila ito, palalakasin nila ang kanilang ugnayan sa Kanya at matatamasa nila ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng isang banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon na makatutulong sa atin na bumaling kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Sumulat si Moroni sa atin

Magdala ng isang kahon na kumakatawan sa isang time capsule.

Ipagpalagay na nabuhay ka noong unang panahon at hiniling sa iyong sumulat ng mensaheng ilalagay sa isang time capsule na bubuksan sa ating panahon.

Bigyan ang mga estudyante ng maliit na papel para isulat ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na ilagay ang kanilang mga papel sa time capsule, pagkatapos ay basahin ang ilan sa klase.

  • Anong babala, payo, o panghihikayat ang ibibigay mo para tulungan ang isang tao na harapin ang mga hamon ngayon?

Bago namatay si Mormon, ipinagkatiwala niya sa kanyang anak na si Moroni ang mga laminang ginto (tingnan sa Mormon 8:1). Inilarawan ni Moroni ang isang paraan na tinulungan siya ng Panginoon na malaman kung ano ang isusulat sa mga tao sa ating panahon. Basahin ang Mormon 8:34–35; 9:30, at alamin ang mga paraan na pinagpala ng Panginoon si Moroni sa kanyang sagradong responsibilidad.

  • Ano ang ipinakita ng Panginoon kay Moroni?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula rito?

Ang isang katotohanan na natutuhan natin ay binigyang-inspirasyon ni Jesucristo ang mga propeta sa Aklat ni Mormon na magsulat na isinasaisip ang ating panahon.

  • Paano maaaring makaimpluwensya sa paraan ng pagbabasa natin ng Aklat ni Mormon ang kaalamang nakita ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ang ating panahon?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) tungkol sa mga propeta sa Aklat ni Mormon:

Kung nakita nila ang ating panahon, at pinili ang mga bagay na iyon na magiging malaki ang kahalagahan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, “Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?” (Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 6)

Ang pagtatanong ng tulad ng mga iminungkahi ni Pangulong Benson ay isang epektibong kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makatutulong sa mga estudyante na makahanap ng higit na kahulugan at kaugnayan sa kanilang pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Maaaring isulat ng mga estudyante ang mga tanong na ito upang magamit nila sa kanilang pag-aaral ngayon at sa kanilang personal na pag-aaral sa hinaharap.

  • Sa iyong palagay, paano mapahuhusay ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan ng pagtatanong ng mga ito?

Maaari mong hatiin ang klase o pagpartner-partnerin ang mga estudyante, na ang bawat isa ay magbabasa ng isa sa mga sumusunod na passage. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang nalaman nila sa ilalim ng heading na tulad ng Mga Espirituwal na Problema sa Ating Panahon. Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng mga salita sa mga paglalarawan ni Moroni.

Ang pahayag ni Sister Oscarson sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto” ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga talatang ito.

Basahin ang Mormon 8:27–33 o Mormon 8:36–41, at alamin kung paano inilarawan ni Moroni ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa ating panahon.

  • Alin sa mga kalagayang inilarawan ni Moroni ang nakikita mo sa ating lipunan?

  • Paano nakakaapekto ang mga pag-uugali at gawing ito sa ating paniniwala kay Jesucristo?

Mga espirituwal na solusyon sa ating panahon

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang nalaman nila sa mga sumusunod na talata sa ilalim ng heading na tulad ng Mga Espirituwal na Solusyon sa Ating Panahon. Tulungan ang mga estudyante na talakayin kung paano makatutulong sa atin ang partikular na mga solusyon na madaig ang partikular na mga espirituwal na problema. Tiyaking tatalakayin ng mga estudyante kung paano tayo itinuturo ni Moroni kay Jesucristo.

Ang Mormon 9:7–26 ay pag-aaralan sa susunod na lesson.

Basahin ang Mormon 9:6, 27–31, at alamin ang isinulat ni Moroni na binigyang-inspirasyon ng Panginoon para tulungan tayong madaig ang mga negatibong espirituwal na kalagayan.

  • Ano ang itinuro ni Moroni na makatutulong sa atin na madaig ang mga kasalanan at pag-uugali na karaniwan sa ating panahon?

  • Alin sa mga turong ito ang pinakamahusay na makatutulong sa mga kabataan ng henerasyong ito na mas umasa kay Jesucristo?

  • Ang susunod na tanong ay para sa personal na pagninilay-nilay, hindi para talakayin sa klase.

    Sa palagay mo, alin sa mga turong ito ang makatutulong sa iyo nang lubos ngayon? Bakit?

Mga turo sa Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang tulungan tayong maniwala at bumaling kay Jesucristo (tingnan sa 1 Nephi 6:4; Mormon 7:5; Moroni 10:30, 32).

Anyayahan ang maraming estudyante na maghanap at magbahagi ng mga passage sa Aklat ni Mormon na makatutulong sa atin na bumaling kay Jesucristo. Maaaring gamitin ng mga estudyante ang paghahanda nila para sa klase. Maaaring magbahagi ang mga estudyante sa iba’t ibang paraan—halimbawa, sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga scripture reference sa pisara o sa isang papel na ipinasa sa buong klase.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung bakit makabuluhan sa kanila ang mga passage. Maaari mo ring talakayin kung paano makatutulong sa atin ang mga passage na maniwala kay Jesucristo at bumaling sa Kanya (tingnan sa Mormon 9:6).

Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na maglagay ng isang maikling sulat sa time capsule na may banal na kasulatan at mensahe tungkol sa Tagapagligtas. Maaari mong basahin ang mga mensaheng ito sa isang sesyon ng klase sa hinaharap.

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na itanong ang mga bagay na sinabi ni Pangulong Benson na itanong natin.