Seminary
Mormon 7: “Maligayang Kalagayan na Walang Katapusan”


“Mormon 7: ‘Maligayang Kalagayan na Walang Katapusan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mormon 7,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mormon 7

“Maligayang Kalagayan na Walang Katapusan”

Larawan
Mormon

Isipin kung ano ang maaaring nadama ni Mormon nang masaksihan niya ang kalungkutan at pagkawasak na dulot ng mga huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Bago siya masawi sa mga digmaang ito, tinapos ni Mormon ang kanyang mga isinulat sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol kay Jesucristo at sa walang hanggang kaligayahan na naghihintay sa mga sumusunod sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na sundin si Jesucristo at maghandang mamuhay sa piling ng Diyos sa walang hanggang kaligayahan.

Hikayating ugaliin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Ang pagkakaroon ng gawi na pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw ay magpapala sa mga estudyante sa buong buhay nila. Maghanap ng mga paraan upang maituro sa mga estudyante ang tungkol sa mga pagpapala ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa bawat araw.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi kung ano ang nagpapasaya sa kanila. Maaari ding kausapin ng mga estudyante ang isang kapamilya tungkol sa kung ano ang nagpapasaya sa kapamilyang iyon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang nalalaman nila tungkol kay Mormon, maaari mong gamitin ang sumusunod na quiz. Maaaring sumagot ang mga estudyante sa electronic na paraan o itaas ang kanilang kamay kapag nabasa ang tamang sagot. Sa halip na magbigay ng quiz, maaari kang mag-display ng larawan ni Mormon at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanya. Dahil kasama sa mga isinulat ni Mormon (sarili niyang mga salita at pinaikling kasaysayan ng mga Nephita) ang lahat ng bagay mula sa Mga Salita ni Mormon hanggang sa Mormon 7, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na may mga aklat ng banal na kasulatan na buklatin ang mga kabanatang ito upang makita kung ilang pahina sa loob ng Aklat ni Mormon ang pinaikli at isinulat niya.

Mga sagot sa quiz: 1) c; 2) a; 3) b (Mga Salita ni MormonMormon 7 at Moroni 7–9)

Ang buhay ni Mormon

Sagutan ang sumusunod na quiz para malaman kung ano ang naaalala mo tungkol sa propetang si Mormon.

  1. Paano inilarawan si Mormon noong kabataan niya? (Tingnan sa Mormon 1:2.)

    1. Isa siyang tagapagdala ng mga armas sa hukbong Nephita

    2. Siya ay takot

    3. Siya ay mabilis magmasid

  2. Ano ang naranasan ni Mormon sa edad na 15? (Tingnan sa Mormon 1:15.)

    1. Siya ay dinalaw ng Panginoon

    2. Ang kanyang pangangaral ay nagpabalik-loob sa maraming tao

    3. Siya ay nasugatan sa digmaan

  3. Tinatayang ilang bahagi ng Aklat ni Mormon ang isinulat o pinaikli ni Mormon?

    1. 1/2

    2. 2/3

    3. 3/4

Si Mormon ay may responsibilidad na paikliin, isulat, at ingatan ang sagradong banal na kasulatan na kilala natin ngayon bilang Aklat ni Mormon. Sa pagtatapos ng kanyang buhay, sumaksi at nakibahagi si Mormon sa malaking digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Ang digmaang ito kalaunan ang kumitil sa buhay ni Mormon (tingnan sa Mormon 8:3). Bago ipinasa ang mga sagradong talaan sa kanyang anak na si Moroni, isinulat ni Mormon ang kanyang huling mensahe sa mga babasa ng Aklat ni Mormon sa hinaharap.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan at talakayin ang sumusunod na tanong sa maliliit na grupo. Magbibigay ito ng pagkakataon sa mas maraming estudyante na maibahagi ang kanilang mga naisip.

  • Habang pinagninilayan mo ang buhay, karanasan, at patotoo ni Mormon, ano sa palagay mo ang maaari niyang isulat sa kanyang huling mensahe sa mga babasa ng Aklat ni Mormon sa hinaharap? Bakit?

Sa pag-aaral mo ng Mormon 7, tingnan kung paano maaaring maging makabuluhan ang mensahe ni Mormon hindi lamang sa mga tao sa gitna ng digmaan kundi pati sa mga tao sa anumang sitwasyon sa buhay.

Ang nais ni Mormon na malaman natin

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Mormon 7, maaari nilang ihambing ang mga turo ni Mormon sa mga katotohanang inaasahan nilang ituturo niya.

Basahin ang Mormon 7:2–7. Markahan sa iyong mga banal na kasulatan o ilista sa iyong journal ang mga bagay na nais ni Mormon na malaman ng mga mambabasa. Pagtuunan ng pansin lalo na ang itinuro ni Mormon tungkol kay Jesucristo sa talata 5–7.

  • Sa iyong palagay, bakit nadama ni Mormon na ang mga ito ay mahahalagang katotohanan na dapat nating malaman?

  • Alin sa mga turong ito ang personal na pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?

  • Bakit mahalagang malaman “na kayo ay mula sa sambahayan ni Israel” (Mormon 7:2)?

Kung sa palagay mo ay makikinabang ang mga estudyante sa mas malalim na pag-aaral ng talata 2–7, maaari mo silang anyayahang gamitin ang resources sa pag-aaral tulad ng Gospel Library, mga footnote, o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ang nasabing resources ay makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang kahalagahan ng paanyaya ni Mormon na alamin natin. Halimbawa, maaaring pag-aralan ng ilan ang kahalagahan ng pagkaalam na “kayo ay mula sa sambahayan ni Israel” (talata 2). Maaaring hangarin ng iba na maunawaan ang kaugnayan ng “[pagsuko ng] inyong mga sandata ng digmaan” (talata 4).

Maaaring napansin mo na habang si Mormon ay napaliligiran ng kasamaan at digmaan, umasa siya sa Pagkabuhay na Mag-uli at pagtubos ni Jesucristo. Itinuro niya na dahil kay Jesucristo, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan at sa gayon ay handa tayong mamuhay sa piling ng Diyos sa maligayang kalagayan (tingnan sa Mormon 7:7).

  • Ano ang ilang hamon o negatibong impluwensya na nakapaligid sa iyo?

  • Paano nagsilbing pinagmumulan ng pag-asa at lakas sa buhay mo ngayon ang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang potensyal na magkaroon ng walang-hanggang kaligayahan?

Pagkilos ayon sa kaalaman

Ang kaalaman na makapananahanan tayo kasama ng Diyos sa walang hanggang kaligayahan ay makapagbibigay sa atin ng malaking pag-asa. Para matulungan tayong makamit ang kaligayahang ito, hinikayat tayo ni Mormon na kumilos ayon sa nalalaman natin. Ito ay ipinahihiwatig sa pamamagitan ng paggamit niya ng mga salitang “kaya nga” sa talata 8.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong alituntunin. Maaaring magsulat ang mga estudyante ng iba’t ibang paraan na magagamit nila ang mga salita ni Mormon sa talata 8–10 para tapusin ang pahayag.

Sa iyong study journal, isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: “Makakapiling ko ang Diyos sa maligayang kalagayan kapag ako ay …”

Basahin ang Mormon 7:8–10 at kumpletuhin ang pahayag sa pamamagitan ng pagsusulat ng kahit tatlong aksiyon o bagay na iniaanyaya ni Mormon na gawin natin. Tandaan na sa talata 9, ang “ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, at ang “roon” ay tumutukoy sa Banal na Biblia.

Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga aksiyon tulad ng mga sumusunod:

  • … magsisi, at magpabinyag sa pangalan ni Jesus” (Mormon 7:8).

  • … panghawakan ang ebanghelyo ni Cristo [sa mga banal na kasulatan]” (Mormon 7:8).

  • … [sundin] ang halimbawa ng ating Tagapagligtas” (Mormon 7:10).

Maaaring hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at magtalaga sa kanila ng isa sa tatlong aksiyon. Maaari nilang talakayin nang magkakasama ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang ilang paraan na magagawa natin ang mga ito?

  • Paano tayo maihahanda ng mga aksiyong ito na matanggap ang ipinangakong kaligayahan sa pamamagitan ni Jesucristo?

Kung posible, ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na scale. O basahin nang malakas ang mga opsiyon para mapag-isipan ng mga estudyante ang kanilang mga sagot.

Pag-isipan kung gaano mo nasusunod ang payo ni Mormon. Tingnan ang sumusunod na scale at i-rate ang iyong sarili sa bawat kategorya (1 = hindi kailanman; 5 = halos palagi).

Larawan
scale 1 hanggang 5 para sa bawat pahayag

Maaari kang magbahagi ng isang personal na kuwento o patotoo para mailarawan ang kapayapaan na maaaring magmula sa pagsisisi, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo, at pag-asam sa walang hanggang kaligayahan sa piling ng Diyos. Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod sa kanilang study journal.

Pumili ng isa sa mga paanyaya ni Mormon na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo na hangarin ang kaligayahan na matatamo sa pamamagitan ni Jesucristo. Magpasiya kung ano ang magagawa mo para kumilos ayon sa paanyayang iyon at kung paano ito makatutulong sa iyo na magtuon sa Tagapagligtas.

Print