“Eter 1: ‘Magsumamo sa Panginoon,‘” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Eter 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Eter 1
“Magsumamo sa Panginoon”
Paano nagbabago ang pakikipag-ugnayan mo sa Panginoon kapag nahaharap ka sa mga pagsubok? Nang tangkain ng masasamang tao na magtayo ng isang tore upang makarating sa langit, ginulo ng Panginoon ang kanilang wika upang hindi nila maunawaan ang isa’t isa (tingnan sa Genesis 11:1–9). Ang kapatid ni Jared ay nagsumamo sa Panginoon, nagsumamo siya na iligtas Niya ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa kalituhang ito (tingnan sa Eter 1:34–37). Sinagot ng Panginoon ang kanyang taimtim na mga panalangin nang may habag at awa. Ang lesson na ito ay naglalayong bigyan ka ng inspirasyon na manalangin nang mas taimtim at palagian.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Tapat at palagiang pagkilos
Mag-isip ng isang bagay na mabuting gawin, tulad ng pag-aaral, pag-eehersisyo, o paglilingkod sa iba. Gamitin ang gawaing iyon sa mga sumusunod na pahayag, at kumpletuhin ang mga parirala sa angkop na paraan.
-
Kung ang isang tao ay (gawain) paminsan-minsan, .
-
Kung ang isang tao ay (gawain) nang taimtim at palagian sa loob ng mahabang panahon, .
-
Paano mo kukumpletuhin ang dalawang magkaparehong pahayag na ito gamit ang pagdarasal?
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit hindi tayo palaging taimtin o palagiang nananalangin tulad ng ninanais natin?
Maglaan ng ilang sandali na isipin ang iyong sariling panalangin. Ano ang nakatutulong sa iyo para maging taimtim at palagian ang iyong panalangin? Ano ang maaaring makahadlang sa pagiging taimtim at palagian ng iyong panalangin? Bakit gusto mong pagbutihin pa ito?
Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, hanapin ang mga katotohanan na maaaring makatulong sa iyo sa iyong mga panalangin.
Ang aklat ni Eter
Sa bahaging ito ng Aklat ni Mormon, isinama ni Moroni ang aklat ni Eter. Naglalaman ito ng kuwento tungkol sa mga Jaredita. Ito ay isinalin mula sa 24 na laminang ginto na natagpuan ng mga taong ipinadala ni Limhi (tingnan sa Mosias 8:7–11; Eter 1:1–2). Ang aklat na ito ay nagsimula sa salaysay tungkol sa kapatid ni Jared at sa kanyang mga panalangin sa Panginoon. Tingnan ang sumusunod na timeline (tinataya ang mga petsa) para malaman kung kailan siya nabuhay kumpara sa iba pang mga tao na pinag-aralan mo sa Aklat ni Mormon sa taong ito:
Basahin ang Eter 1:33 para makita kung ano ang nangyayari nang magsimula ang kuwento tungkol sa mga Jaredita.
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa “malaking tore” at sa “nilito ng Panginoon ang wika ng mga tao” (Eter 1:33)?
Kung hindi pamilyar sa iyo ang kuwentong ito, maaari mong panoorin ang video na “The Tower of Babel” (0:58), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang Genesis 11:1–9 (tingnan din sa pangalawang talata ng pahina ng pamagat sa Aklat ni Mormon).
-
Ano kaya ang pakiramdam na mabuhay sa panahong ito?
Nagsusumamo sa Diyos nang may pananampalataya
Kung minsan, ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga paulit-ulit na parirala para mas bigyang-diin o bigyang-kahalagahan ang mga pariralang iyon. Ang paghahanap sa mga paulit-ulit na pariralang ito ay makatutulong sa atin na mas maunawaan kung ano ang gustong ituro ng inspiradong may-akda.
Basahin ang Eter 1:34–37 para malaman kung paano hinangad ni Jared at ng kanyang kapatid na lutasin ang kanilang mga problema. Maaari mong markahan ang mga paulit-ulit na parirala na nagpapakita kung paano nanalangin ang kapatid ni Jared at kung paano sumagot ang Panginoon.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga parirala na minarkahan mo?
Ang isang alituntunin na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay kapag nagsumamo tayo sa Diyos nang may pananampalataya, Siya ay mahahabag sa atin.
Isulat kung paano mo ipaliliwanag ang alituntuning ito sa isang tao. Isama ang mga sumusunod na punto sa iyong paliwanag:
-
Ang ibig sabihin para sa iyo ng magsumamo sa Panginoon nang may pananampalataya at kung paano ito maaaring naiiba sa kung paano tayo nagdarasal kung minsan
-
Ang itinuturo sa iyo ng mga tugon ng Panginoon sa kapatid ni Jared tungkol sa Kanya
-
Ilang paraan na maaaring sagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin nang may habag
Para makakita ng makabagong halimbawa ng pagtugon ng Panginoon nang may habag sa taimtim at palagiang panalangin, panoorin ang “Mga Sagot sa Panalangin” mula sa time code na 2:17 hanggang 4:32, na matatagpuan ChurchofJesusChrist.org.
Mahalagang maunawaan na hindi natin alam kung gaano katagal bago natanggap ng kapatid ni Jared ang mga sagot sa kanya. Ibinahagi ni Elder Brook P. Hales ng Pitumpu ang sumusunod:
Alam ng Ama ang nangyayari sa atin, ang ating mga pangangailangan, at lubos tayong tutulungan. Kung minsa’y ibinibigay ang tulong na iyan sa mismong sandali o matapos man lang tayong humingi ng tulong sa Kanya. Kung minsa’y hindi sinasagot ang ating pinakataimtim at nararapat na mga hangarin sa paraang inaasam natin, ngunit nalalaman natin na may mas dakilang mga pagpapalang nakalaan ang Diyos. At kung minsan, hindi ipinagkakaloob sa buhay na ito ang ating matwid na mga hangarin. (Brook P. Hales, “Mga Sagot sa Panalangin,” Liahona, Mayo 2019, 12)
-
Sa palagay mo, bakit mahalaga na matandaan natin ang mga turong ito?
Pagdarasal nang palagian
Basahin ang Eter 1:38–43; 2:5, 13–15, at alamin ang iba pa tungkol sa panalangin at sa mga sagot ng Panginoon.
-
Anong mga parirala sa Eter 1:43 at 2:14 ang nagpapakita ng nadarama ng Panginoon tungkol sa palagian nating pagdarasal? Sa iyong palagay, bakit nais Niya na palagi tayong manalangin sa Kanya?
-
May panahon na hindi gaanong palagian ang pagdarasal ng kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 2:14). Ano ang ilang dahilan kung bakit hindi tayo gaanong palaging nagdarasal sa panahong ito?
Gawing mas mataimtim ang panalangin
Isiping kunwari na ikaw ay nasa isang youth panel discussion tungkol sa kung paano tutulungan ang kabataan na gawing mas taimtim ang kanilang mga panalangin.
-
Ano ang isang bagay na nagawa o magagawa mo para maging mas makabuluhan o taimtim ang iyong mga panalangin?
-
Ano ang ginawa mo na tumulong sa iyo na palaging manalangin? Ano ang iba pang mga bagay na magagawa mo?
-
Paano maaaring makaimpluwensya ang pag-iisip tungkol sa iyong kaugnayan sa Ama sa Langit sa palagian at kataimtiman ng iyong mga panalangin? (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin.”)
Hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo at pag-isipan ang anumang pagbabago na sa palagay mo ay kailangan mong gawin sa iyong mga panalangin. Gumawa ng partikular na mithiin at mangakong gawin ang anumang impresyong natanggap mo.