“Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 24: Unawain at Ipaliwanag,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 24,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery 24
Unawain at Ipaliwanag
Ang doctrinal mastery ay makatutulong sa iyo na maunawaan at maipaliwanag ang doktrina ng Tagapagligtas sa sarili mong mga salita. Ang lesson na ito ay magbibigay sa iyo ng pagkakataong palalimin ang iyong pag-unawa at maipaliwanag ang mga katotohanang matatagpuan sa iba’t ibang doctrinal mastery passage mula sa Aklat ni Mormon.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtatanong
Isipin ang isang taong kilalang-kilala mo.
-
Paano mo siya nakilala?
-
Anong papel ang ginampanan ng pagtatanong sa kakayahan mong makilala siya?
-
Paano maiiba ang inyong ugnayan kung hindi ka kailanman nagtanong?
Tulad ng mahalagang magtanong para makilala nang personal ang isang tao, mahalaga ring magtanong habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan upang mas makilala at maunawaan si Jesucristo sa pamamagitan ng mga ito.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagbibigay ng mahahalagang tanong ay nakatutulong sa pagtamo ng patnubay sa mga banal na kasulatan” (“Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 18).
Ang pagtatanong tungkol sa mga doctrinal mastery passage ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga ito at mas lubos na maanyayahan ang paggabay ng Tagapagligtas sa ating buhay.
Pumili ng isa sa mga doctrinal mastery passage na gusto mong mas maunawaan pa at basahin ito nang mabuti. Tumukoy ng kahit dalawang bagay na maitatanong mo tungkol sa passage para mas maunawaan ito at isulat ang mga ito. Halimbawa, habang binabasa mo ang 3 Nephi 27:20 maaari mong itanong, “Ano ang ibig sabihin ng pabanalin?” O habang binabasa mo ang Moroni 10:3–5 maaari mong itanong, ”Ano ang ibig sabihin ng magtanong ‘na may tunay na layunin’?”
Hanapin ang mga sagot sa mga tanong na naisip mo; gamitin ang mga tool sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Mga Paksa ng Ebanghelyo, o maging ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Maaari mong gamitin ang iba pang mga estratehiya sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na alam mo, tulad ng pag-aaral ng mga talatang nauugnay rito upang mas maunawaan ang konteksto ng scripture passage.
Tandaan, maaaring hindi mo mahanap ang mga sagot sa lahat ng iyong mga tanong habang nag-aaral ka. Ngunit kapag patuloy kang nanampalataya sa Panginoon, tutulungan ka Niya na malaman mo ang katotohanan ng iyong hinahanap.