Seminary
Eter 3: “Labis na Pananampalataya”


“Eter 3: ‘Labis na Pananampalataya,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 3,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 3

“Labis na Pananampalataya”

Larawan
nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon

Napag-isipan mo na ba talaga ang pagbabagong magagawa ng pananampalataya kay Jesucristo sa ating buhay? Ang isang magandang halimbawa ay ang kapatid ni Jared, na dumulog sa Panginoon na may plano na lutasin ang kanyang mga problema at mapagpakumbabang nanalangin nang may “labis na pananampalataya” (Eter 3:9) na “ang tabing ay naalis sa [kanyang] mga mata” (Eter 3:6) at nakita at nakausap niya ang Panginoon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang manampalataya nang may pagpapakumbaba kay Jesucristo.

Magtuon kay Jesucristo habang itinuturo mo ang mga banal na kasulatan. Mag-ukol ng oras na tulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan. Ituro ang mga scripture passage na maaaring magpalakas ng kanilang pananampalataya sa Kanya. Maaari kang magtanong ng mga bagay na mag-aanyaya sa mga estudyante na pag-isipan kung paano sila mapagpapala, mapapalakas, at magagabayan ni Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng tatlong taong hinahangaan nila sa kasaysayan ng Simbahan o sa mga banal na kasulatan at kung paano nagpakita ng pananampalataya kay Jesucristo ang mga taong ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paano mo ipinapakita ang iyong pananampalataya?

Ang sumusunod ay tutulong na maihanda ang mga estudyante na matuto pa tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo. Sa halip na sabihin sa mga estudyante na maglista ng mga halimbawa, maaari mong gamitin ang nasa katapusan ng lesson na ipanood ang isa sa mga video o ikuwento ang tungkol kay Jan Roothoff.

Gumawa ng listahan ng tatlong taong hinahangaan mo sa kasaysayan ng Simbahan o sa mga banal na kasulatan.

  • Ano ang ilang paraan na nagpakita ang mga taong ito ng pananampalataya kay Jesucristo?

  • Paano mo masasabi kung nananampalataya ka kay Jesucristo sa iyong buhay?

  • Bakit mo gustong manampalataya?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa pangalawang tanong. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sagot na ito at suriin ang sarili nilang pananampalataya. Kung makatutulong, idagdag ang ilan o lahat ng sumusunod na mga pahayag tungkol sa pagsusuri sa sarili at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga ito.

Upang matulungan kang mapag-isipan ang sarili mong pananampalataya kay Jesucristo, isulat kung gaano katotoo ang mga sumusunod na pahayag sa scale na 1–5 (1 = hindi kailanman; 2 = kung minsan; 3 = madalas; 4 = halos palagi; 5 = palagi):

  • Naniniwala ako kay Jesucristo at tinatanggap ko Siya bilang aking Tagapagligtas.

  • Sa pagdarasal nang taimtim sa Ama sa Langit, hinihiling ko na tulungan ako ng Diyos at ni Jesucristo sa aking mga problema at nagtitiwala ako sa Kanilang patnubay at tulong.

  • Kumikilos ako at nagtitiwala na tutulungan ako ng Panginoon.

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hangaring matuto pa tungkol sa kung paano ka mapagpakumbabang mananampalataya kay Jesucristo at kung bakit gusto mong gawin ito.

Pagpapakita ng Pananampalataya

Sa nakaraang lesson, nalaman mo na iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na gumawa ng mga gabara at tawirin ang karagatan patungo sa lupang pangako; gayunman, walang ilaw ang mga gabara. Sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared na magmungkahi ng solusyon (tingnan sa Eter 2:23). Nang kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo ang kapatid ni Jared, tumulong ang Panginoon na lutasin ang kanyang problema at pinagpala siya sa mga paraang higit pa sa hiniling niya.

Ibigay ang sumusunod na handout, at sabihin sa mga estudyante na punan ito nang mag-isa o sa maliliit na grupo.

Ang Pananampalataya ng Kapatid ni Jared

Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)—“Eter 3: ‘Labis na Pananampalataya’”

Basahin ang mga talata sa ilalim ng bawat isa sa mga sumusunod na larawan at isulat kung ano ang ginawa o sinabi ng kapatid ni Jared para magpakita ng pananampalataya. (Upang maunawaan ang Eter 3:2–3, mahalagang maunawaan na dahil sa Pagkahulog nina Adan at Eva, nabubuhay tayo sa mundo kung saan pisikal na nahiwalay tayo sa Diyos at lahat tayo ay nagkakasala at espirituwal na inihihiwalay ang ating sarili sa Diyos.)

Eter 3:1

Larawan
ang kapatid ni Jared na umaakyat ng bundok

Eter 3:2–5

Larawan
ang kapatid ni Jared na nananalangin sa isang bundok

Eter 3:6–10

Larawan
nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon

Eter 3:11–16, 19–20

Larawan
ang kapatid ni Jared na nakikipag-usap sa Panginoon
  • Ano ang natutuhan mo mula sa karanasan ng kapatid ni Jared?

Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot. Isulat sa pisara ang mga totoong alituntuning sasabihin nila.

Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay kapag mapagpakumbaba tayong sumampalataya sa Panginoon, mas mapapalapit tayo sa Kanya.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pananampalataya ng kapatid ni Jared, maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo para gawin ang sumusunod na apat na aktibidad. Bilang alternatibo, sabihin sa mga estudyante na maggrupu-grupo na may tig-aapat na miyembro, kung saan gagawin ng bawat estudyante ang isa sa mga aktibidad. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang natutuhan nila sa kanilang grupo at, kung makatutulong, magbahagi ng mga mahalagang natalakay sa klase.

  1. Ang kapatid ni Jared ay “tumunaw mula sa isang malaking bato ng labing-anim na maliliit na bato,” dinala ang mga ito sa “itaas ng bundok, at muling nagsumamo sa Panginoon” (Eter 3:1). Isulat kung bakit sa palagay mo ay mahalagang bahagi ng ating pananampalataya sa Panginoon ang pagiging handa mong kumilos at gawin ang ating makakaya para malutas ang problema.

  2. Habang nananalangin ang kapatid ni Jared, binanggit niya ang “kanyang kahinaan sa harapan [ng Diyos]” (Eter 3:2) at mapagpakumbabang humingi ng tulong. Isulat kung paano makakaapekto sa ating mga panalangin at pananampalataya sa Kanya ang pag-unawa sa ating sariling kahinaan at lubos na pag-asa sa Panginoon.

  3. Nang hilingin ng kapatid ni Jared sa Panginoon na hipuin ang mga bato upang kuminang ang mga ito, pinatotohanan niya, “Nalalaman ko, O Panginoon, na taglay ninyo ang lahat ng kapangyarihan, at magagawa ang anumang naisin ninyo para sa kapakanan ng tao” (Eter 3:4). Isulat kung paano mo nalaman o maaaring malaman na may kapangyarihan ang Panginoon na tulungan tayo sa ating mga problema. Maaari mong isama kung paano makakaapekto ang kaalamang iyan sa ating pananampalataya sa Kanya.

  4. Nangako ang kapatid ni Jared na maniniwala siya sa mga salitang sasabihin ng Panginoon sa hinaharap (tingnan sa Eter 3:11–12). Isulat kung bakit sa palagay mo ay napakalaki ng tiwala ng kapatid ni Jared sa Panginoon kaya pumayag siya rito.

Paglapit sa Panginoon

  • Ano ang iba’t ibang paraan na pinagpala ng Panginoon ang kapatid ni Jared dahil sa kanyang pananampalataya?

  • Sa paanong paraan mas napalapit ang kapatid ni Jared sa Panginoon sa pamamagitan ng karanasang ito?

Makatutulong na markahan ang mga salita ng Panginoon sa kapatid ni Jared: “Natubos ka na sa pagkahulog; anupa’t naibalik ka sa aking harapan” (Eter 3:13). Kapag sumasampalataya tayo sa Panginoon sa kabila ng ating mga problema, matatanggap din natin ang Kanyang tulong sa ating walang-hanggang mithiin na madaig ang ating pagkawalay sa Kanya at makabalik sa piling Niya.

Panoorin o basahin ang isa sa mga sumusunod na halimbawa ng mga kabataan na sumasampalataya.

  • Panoorin ang “Faith and the Goal” (4:40). Ikinuwento ng isang batang propesyonal na soccer player kung paano siya sumasampalataya sa Panginoon.

  • Panoorin ang “Rebuilding My Faith When I Felt Lost” (6:25). Matapos bumalik nang maaga mula sa misyon, muling pinatatag ng isang binata ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo.

  • Basahin ang salaysay tungkol kay Jan Roothoff, isang batang lalaki sa Netherlands na humiling sa propetang si Joseph F. Smith na pagalingin ang kanyang sakit sa mata (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 [2022], 151–54).

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa video o kuwento.

  • Ano ang mga naranasan mo o ng kakilala mo na nakapagpalakas sa iyong pananampalataya kay Jesucristo?

Tapusin ang klase sa pagsulat ng isang paraan na gusto mong mas sumampalataya kay Jesucristo at bakit. Ang sumusunod ay ilang pangkalahatang ideya na makatutulong sa iyo na makumpleto ang aktibidad na ito. Kakailanganin mong magdagdag ng mga detalye na naaangkop sa iyo.

  • Gawin ang isang partikular na bagay para lutasin ang isang problema at hingin ang tulong ng Panginoon.

  • Gawing layunin ang manalangin nang mas mapagkumbaba at magtiwala sa Panginoon.

  • Aktibong gumawa ng isang bagay para mas mapalapit ka sa Panginoon.

Maghanap ng mga paraan na mas maglalapit sa iyo sa Panginoon habang kumikilos ka nang may pananampalataya.

Magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi kung paano sila sumasampalataya at ano ang naging resulta nito sa susunod na assessment lesson (“I-assess ang Iyong Pagkatuto 9”).

Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsampalataya sa Kanya.

Print