Seminary
Eter 4–5: “Paglalahad sa Kanila ng Lahat ng Aking Paghahayag”


“Eter 4–5: ‘Paglalahad sa Kanila ng Lahat ng Aking Paghahayag,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 4–5,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 4–5

“Paglalahad sa Kanila ng Lahat ng Aking Paghahayag”

ang mga laminang ginto

Pakiramdam mo ba ay handa ka nang matuto pa mula sa Panginoon? Kung hindi pa, ano ang puwede mong gawin? Iniutos ng Panginoon kay Moroni na mahigpit na isara ang isinulat na pangitain ng kapatid ni Jared at ipinaliwanag na ang mga nakasulat na ito ay ihahayag kapag nagkaroon ng pananampalataya ang mga tao na kasinglakas ng pananampalataya ng kapatid ni Jared. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maunawaan kung ano ang magagawa mo para magkaroon ng karagdagang paghahayag.

Tulungan ang mga estudyante na makahanap ng personal na kahulugan sa mga banal na kasulatan. Hikayatin ang mga estudyante na gumamit ng iba’t ibang kasanayan sa pag-aaral upang mapagbuti ang kanilang pag-unawa sa mga banal na kasulatan. Ang mga estudyante ay maaaring maghanap ng mga detalye sa kuwento, gumawa ng mga pagkukumpara at koneksyon sa mga salaysay at sa sarili nilang buhay, at magpasiya kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan nila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 4 bilang bahagi ng kanilang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na makatanggap ng karagdagang paghahayag mula sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kapag handa na tayo

Mag-isip ng isang bagay na napakahalaga sa iyo o sa iyong pamilya.

Bilang halimbawa, maaari kang magpakita o maglarawan ng isang bagay na mahalaga sa iyo.

  • Bagama’t maaaring gustung-gusto mong ibahagi ang bagay na ito sa iba, bakit kaya napakaingat mo sa pagtutulot sa isang maliit na bata na hawakan ito?

  • Ano ang kailangang matutuhan o gawin ng isang bata bago mo siya pagkatiwalaang hawakan o gamitin ang bagay na iyon?

Gayundin, gustung-gusto ng Panginoon na ihayag ang mga katotohanan sa atin, ngunit naghihintay Siya hanggang sa maging handa tayong tanggapin ang mga ito (tingnan sa Alma 12:9–11).

Ang bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara

Ang isang halimbawa ng paghihintay ng Panginoon na ihayag ang katotohanan hanggang sa maging handa na tayo ay ang bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara. Iniutos kay Joseph Smith na huwag buksan o isalin ang bahaging iyon (tingnan sa Eter 5:1). Naglalaman ito ng tala ng pangitaing ibinigay sa kapatid ni Jared.

Upang matulungan kang malaman ang tungkol sa bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara, gamitin ang mga banal na kasulatan na nakalista sa panaklong para masagot ang sumusunod na mga tanong ng tama o mali.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito na sasagutin ng tama o mali sa maliliit na grupo. Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na basahin ang mga pahayag at hulaan ang mga sagot, pagkatapos ay basahin ang mga talata para malaman kung tama sila.

Ang unang tatlong sagot ay tama, samantalang ang huling dalawa ay mali.

  1. Ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa kapatid ni Jared at nagministeryo sa kanya (Eter 3:20).

  2. Ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang lahat ng naninirahan sa mundo, noon at sa hinaharap, at hindi ipinagkait ang anumang bagay sa kanya (Eter 3:25; 4:4).

  3. Iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang natutuhan niya at tatakan o mahigpit na isara ang talaan. Ito ay isinulat sa wikang nilito ng Panginoon at hindi mababasa kung walang mga sagradong pansalin (Eter 3:21–22, 24, 27; 4:1).

  4. Ibinigay ng Panginoon sa kapatid ni Jared ang tatlong bato na magagamit sa pagsasalin ng talaan (Eter 3:23–24, 28).

  5. Walang nakabasa sa isinulat ng kapatid ni Jared (Eter 4:2–5).

Pagkakaroon ng karagdagang paghahayag

Sa pamamagitan ni Moroni, inihayag ng Panginoon kung ano ang dapat nating gawin upang makalapit sa Kanya, tumanggap ng paghahayag, at maihanda ang ating sarili na matanggap ang karagdagang paghahayag na nakapaloob sa bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara.

Isulat sa pisara ang hindi kumpletong alituntunin na nakalista sa ibaba.

Basahing mabuti ang Eter 4:5–15, at maghanap ng mga paraan para makumpleto ang sumusunod na katotohanan. Ang pariralang “ang mga bagay na ito” sa talata 8 at 11 ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon. Ang tabing, tulad sa halimbawang ibinigay sa talata 15, ay isang kurtina o tela na ginagamit para takpan o itago ang isang bagay.

  • Bibiyayaan tayo ng Panginoon ng karagdagang paghahayag kapag …

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa pisara ang mga parirala mula sa mga banal na kasulatan na maaaring tumpak na kukumpleto sa alituntuning ito. Maaari din nilang isama ang mga talata kung saan nila nakita ang mga pariralang iyon. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa:

  • “magsisi … at maging malinis sa harapan ng Panginoon” (Eter 4:6)

  • “manampalataya” (Eter 4:7)

  • “[maniwala] sa mga bagay na ito” (tumutukoy sa inihayag na ng Panginoon, lalo ang Aklat ni Mormon) (Eter 4:8, 11)

  • “magsilapit [sa Tagapagligtas]” (Eter 4:13–15)

  • manalangin “nang may bagbag na puso’t nagsisising espiritu” (Eter 4:15)

Maaari mong itanong kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa mga pariralang ito. Kung mayroon, gawin ang sumusunod na aktibidad:

Kung makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang alinman sa mga pariralang ito, hanapin ang mahahalagang salita sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, Mga Paksa ng Ebanghelyo, o sa Gospel Library App. Halimbawa, maaaring makatulong na hanapin ang “bagbag na puso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga gawaing ito, sabihin sa kanila na gawin ang kahit isa sa mga sumusunod:

  1. Mag-isip ng isang halimbawa sa banal na kasulatan o sa makabagong panahon ng isang tao na gumagawa ng isa o mahigit pa sa mga gawaing ito. Isulat kung paano humantong ang mga gawaing ito sa pagtulong at paghahayag mula sa Panginoon.

  2. Isipin ang isang pagkakataon kung saan ang paggawa ng isa o mahigit pa sa mga gawaing ito ay humantong sa sagot o patnubay ng Panginoon sa iyong buhay. (Maaaring ang isang halimbawa ay ang pagnilayan ang natutuhan at pinaniwalaan mo sa iyong pag-aaral sa Aklat ni Mormon at kung paano ito humantong sa paghahayag sa iyong buhay.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga halimbawa at karanasan.

  • Sa iyong palagay, bakit tayo bibiyayaan ng Panginoon ng mas maraming paghahayag kapag namumuhay tayo nang ayon sa inilarawan Niya sa talata 5–15?

  • Bakit ang pagkabigong maging ang uri ng mga taong inilarawan ng Panginoon ay maaaring maging dahilan para hindi tayo maging handa para sa karagdagang paghahayag?

  • Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Panginoon at sa uri ng mga tao na nais Niya na kahinatnan natin?

Ipahahayag ng Panginoon ang bahagi ng Aklat ni Mormon na mahigpit na isinara sa Kanyang “sariling takdang panahon” (2 Nephi 27:21) kapag nanampalataya tayo nang tulad ng sa kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 4:7). Gayundin, maaaring may karagdagang paghahayag na nakalaan ang Panginoon para ibigay sa iyo. Para tapusin ang lesson na ito, gawin ang mga sumusunod:

  • Rebyuhin ang paglalarawan sa mga talatang ito ng mga taong sumasampalataya at pinabanal, pag-isipan kung paano ka natutulad sa kanila at ano ang kinakailangan mong gawin para mas bumuti pa.

  • Magnilay at manalangin upang malaman kung ano ang nais ng Panginoon na gawin mo para makatanggap ng karagdagang paghahayag mula sa Kanya. Isulat sa iyong study journal ang mga naiisip at nadarama mo.

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga naiisip at nadarama nila tungkol sa natutuhan nila ngayong araw, kung hindi masyadong personal ang mga ito. Ibahagi rin ang iyong mga naisip at patotoo.