Doktrina at mga Tipan 2021
Hunyo 27. Paano Ako Makapaghahanda Ngayon na Magtatag ng Isang Tahanang Nakasentro kay Cristo? Doktrina at mga Tipan 67–70


“Hunyo 27. Paano Ako Makapaghahanda Ngayon na Magtatag ng Isang Tahanang Nakasentro kay Cristo? Doktrina at mga Tipan 67–70,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)

“Hunyo 27. Paano Ako Makapaghahanda Ngayon na Magtatag ng Isang Tahanang Nakasentro kay Cristo?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021

Jesucristo

Ang Panginoong Jesucristo, ni Del Parson.

Hunyo 27

Paano Ako Makapaghahanda Ngayon na Magtatag ng Isang Tahanang Nakasentro kay Cristo?

Doktrina at mga Tipan 67–70

icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng mga sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):

  • Ang ating korum o klase. Sino ang bago sa ating ward, at paano natin maipadarama sa kanila na sila ay tanggap? Ano ang ginagawa natin para maging makabuluhan ang ating oras sa mga miting ng korum o klase?

  • Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Ano ang ilang tungkulin at responsibilidad natin bilang mga kabataang lalaki at kabataang babae? Paano natin magagampanan nang mas mahusay ang mga ito?

  • Ang ating buhay. Ano ang ginagawa natin para maging higit na katulad ni Jesucristo at matanggap ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay? Ano ang ginagawa natin upang matulungan ang ating mga pamilya na lumapit sa Kanya?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Kabilang sa Doktrina at mga Tipan 68 ang payo sa mga magulang na tila hindi kaagad nauugnay sa mga miyembro ng korum o klase (tingnan sa mga talata 25–28). Gayunman, dahil maaaring magkaroon ng mabisang impluwensya ang mga ito sa kanilang pamilya sa kasalukuyan at sa hinaharap, makatutulong sa kanila ang payong ito ngayon. Ang pinakamainam na paraan para makapaghanda silang magkaroon ng isang tahanang nakasentro kay Cristo sa hinaharap ay “magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” ngayon (talata 28).

Anong mga pagpapala na ang dumating sa iyong pamilya dahil nasunod mo ang mga turo ng Tagapagligtas? Paano matutulungan ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang pamilya na magtatag ng isang tahanang nakasentro kay Cristo? Para makapaghandang magturo, maaari mong rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon” (Liahona, Mayo 2019, 22–25) at “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org).

dalagitang tumutugtog ng piyano

Madarama natin ang higit na pagmamahalan sa ating pamilya kapag nakasentro ang ating tahanan kay Cristo.

Magkakasamang Matuto

Para maipakita sa mga miyembro ng iyong korum o klase kung paano naaangkop ang Doktrina at mga Tipan 68:25–28 sa kanila, maaari mong hilingin sa kanila na sumulat ng maikling deskripsyon ng buhay-pamilyang gusto nila sa hinaharap. Maaari mong hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang isinulat kung gusto nila. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang Doktrina at mga Tipan 68:25–28 at hanapin ang mga turo at alituntunin ng ebanghelyo na makatutulong sa kanila na magbuo ng matwid na mga pamilya ngayon at sa hinaharap. Ang mga aktibidad sa ibaba ay magpapaunawa sa kanila kung paano gawing sentro ng kanilang pamilya si Cristo.

  • Ang ikapitong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay naglalaman ng mga katotohanan na makatutulong sa mga miyembro ng korum o klase na isentro ang kanilang tahanan sa Tagapagligtas. Anyayahan silang basahin ang talatang ito at tukuyin ang mga turo at alituntunin na tutulong sa isang pamilya na lumigaya. Maaari mong isulat ang mga ito sa pisara at hilingin sa mga tinuturuan mo na talakayin kung bakit makatutulong ang bawat isa na lumigaya ang isang pamilya. Maaaring gustong ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase kung paano nila nakitang ipinamuhay ang mga turo at alituntuning ito sa pamilya nila o ng iba. Hikayatin silang pagnilayan kung paano nila maipamumuhay ang kahit isa lang sa mga alituntuning ito ngayon. Muling tiyakin sa kanila na maaari nilang gawing sentro ng kanilang buhay si Jesucristo, anuman ang sitwasyon ng kanilang pamilya.

  • Maaaring talakayin ng mga miyembro ng korum o klase ang mga bagay na nagpapanatili sa Tagapagligtas na sentro ng ating tahanan at ang mga bagay na humahadlang sa Kanya na maging sentro ng ating tahanan. Maaari mong hilingin sa mga indibiduwal o sa maliliit na grupo na rebyuhin ang isa sa mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon” (Liahona, Mayo 2019, 22–25) upang mahanap ang mga alituntuning makatutulong na mas maisentro ang ating tahanan kay Cristo. Anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang kanilang natutuhan at pumili ng isang bagay na gagawin nila sa susunod na linggo upang mas maituon ang kanilang tahanan kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.

  • Marahil ay maaari mong hilingin sa isa o mahigit pang miyembro ng korum o klase na kantahin o basahin ang isang awitin tungkol sa tahanan at pamilya, tulad ng “Tahana’y Isang Langit” (Mga Himno, blg. 186) o “Dito ay May Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102). Maaaring pakinggan ng iba kung ano ang itinuturo ng awitin tungkol sa pagiging masayang lugar ng tahanan. Anyayahan silang magbahagi ng karanasan kung kailan naging masaya sila dahil pinakitaan sila ng pagmamahal o nang tumulong sila na maragdagan ang pagmamahalan sa kanilang tahanan.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng paglilingkod. Ang mga tao ay nagbalik-loob at nagbago ang buhay sa pamamagitan ng Kanyang mabubuting gawa. Paano mo matutularan ang katangiang ito bilang isang lider? Paano mo matutulungan ang mga kabataan na hangaring sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod sa sarili nilang pamilya?