“Setyembre 12. Paano Natin Maaaring Harapin ang Paghihirap nang May Pananampalataya? Doktrina at mga Tipan 98–101,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Setyembre 12. Paano Natin Maaaring Harapin ang Paghihirap nang May Pananampalataya?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Setyembre 12
Paano Natin Maaaring Harapin ang Paghihirap nang May Pananampalataya?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng mga sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga panalangin? Ano ang magagawa natin para matulungan sila? Sino ang dapat nating anyayahan sa isang paparating na aktibidad?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Anong mga tungkulin na ang nagampanan natin? Anong mga tungkulin ang kailangan nating gawin? Paano natin naanyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at paano natin maaanyayahan ang iba ngayon?
-
Ang ating buhay. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo? Ano ang nangyayari sa ating buhay, at paano natin masusuportahan ang isa’t isa?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Ang mga salita ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan 98 at 101 ay nagbigay ng kapanatagan sa mga Banal na naharap sa matitinding pagsubok sa Missouri noong 1830s. Bagama’t maaaring naiiba ang ating mga pagsubok kaysa sa mga naunang miyembro ng Simbahan, lahat tayo ay nahaharap sa mga pagsubok sa buhay na ito, at ang matapat na pagtugon sa paghihirap ay makatutulong sa atin na espirituwal na lumago at maging mas katulad ni Jesucristo.
Paano nagpalakas sa iyo at nakabuti sa iyong kaugnayan kay Jesucristo ang pagbaling sa Panginoon sa mga oras ng paghihirap? Anong mga hamon at pagsubok ang nararanasan ng mga miyembro ng iyong korum o klase, at paano mo sila matutulungang makahanap ng lakas sa Tagapagligtas? Para matulungan kang maghanda sa pagtuturo tungkol sa paghihirap, maaari mong rebyuhin ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Sugatan” (Liahona, Nob. 2018, 83–86) at “Paghihirap” sa Tapat sa Pananampalataya ([2004], 130–34).
Magkakasamang Matuto
Bawat isa sa mga miyembro ng iyong korum o klase ay nahihirapan sa kani-kanyang mga hamon. Sa palagay mo, anong kapanatagan ang mahahanap nila sa Doktrina at mga Tipan 98:1–3? Maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa mga aktibidad sa ibaba para maipaunawa sa kanila kung paano magtiis ng paghihirap nang may pananampalataya sa Panginoon.
-
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga taong buong katapatang nagtiis ng mga pagsubok. Maaaring matutuhan ng mga miyembro ng korum o klase kung paano buong katapatang magtiis ng paghihirap sa pamamagitan ng pag-aaral ng ilan sa mga halimbawang ito (tingnan ang ilan sa “Suportang Resources”). Bawat isa sa kanila ay maaaring pumili ng isa sa mga sipi sa banal na kasulatan at ibuod ang karanasan ng taong iyon para sa korum o klase. Anong mga kaalaman ang makukuha natin tungkol sa kung bakit tayo may paghihirap? Ano ang matututuhan natin kung paano matapat na magtiis ng paghihirap? Anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na sumulat ng isang pagsubok na nararanasan nila o ng mahal nila sa buhay at pagnilayan kung paano sila makahuhugot ng lakas sa kapangyarihan ng Tagapagligtas para tulungan sila sa mga pagsubok na ito.
-
Para malaman ang ilan sa mga sanhi ng paghihirap at kung ano ang matututuhan natin mula sa ating mga pagsubok, maaari ninyong sama-samang basahin ang unang dalawang talata sa ilalim ng “Paghihirap” sa Tapat sa Pananampalataya (pahina 130–34). Hilingin sa mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang kanilang natutuhan. Pagkatapos ay maaaring rebyuhin ng bawat isa ang isa sa natitirang tatlong bahagi sa ilalim ng “Paghihirap” at maghandang ituro sa iba ang natututuhan nila, pati na kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas sa mga panahon ng pagsubok. Hikayatin silang magbahagi ng personal na karanasan na may kaugnayan sa nabasa nila kung komportable silang gawin ito.
-
Ang isang paraan para maghikayat ng isang talakayan tungkol sa paghihirap ay gumuhit ng isang linya sa gitna ng pisara at isulat ang Bakit tayo may paghihirap? sa isang panig at Paano natin maaaring matapat na harapin ang paghihirap? sa kabilang panig. Maaaring basahin ng bawat miyembro ng iyong korum o klase ang isa sa mga bahagi mula sa mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Sugatan,” na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong sa pisara. Ano ang natutuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mensahe ni Elder Andersen?
-
Ginamit ni Elder Stanley G. Ellis ang mga halimbawa ng mga sisiw at paru-paro para magturo tungkol sa paghihirap sa kanyang mensaheng “Nagtitiwala ba Tayo sa Kanya? Ang Mahirap ay Mabuti,” (Liahona, Nob. 2017, 112–14). Maaari kang magpakita ng larawan ng isang sisiw na napipisa o isang paruparong lumalabas mula sa isang cocoon at talakayin ang itinuro ni Elder Ellis. Pagkatapos ay maaaring magtulungan nang magkakapares ang mga tinuturuan mo sa pagrebyu sa mensahe ni Elder Ellis. Maaaring ilista ng bawat pares ang lahat ng makikita nila na itinuro niya kung bakit tayo may paghihirap at kung paano tayo dapat tumugon dito. Paano nakatulong ang pagtitiis nang matapat sa mga panahon ng paghihirap para mas mapalapit tayo sa Tagapagligtas?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
I Samuel 1; I Mga Hari 17; Lucas 23:33–34; 1 Nephi 5:1–9; Mosias 24:8–17; 3 Nephi 1:4–21; Moroni 1; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ruth” at “Ester,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org (Mga halimbawa ng mga taong naharap sa paghihirap)
-
Juan 14:18; Mga Taga Roma 8:28, 35–39; Alma 36:3 (Matutulungan tayo ng Tagapagligtas sa oras ng paghihirap)