Oktubre 24 Paano Ko Matatanggap ang ‘mga Kapangyarihan ng Langit’ sa Aking Buhay? Doktrina at mga Tipan 121–123,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Oktubre 24. Paano Ko Matatanggap ang ‘mga Kapangyarihan ng Langit’ sa Aking Buhay?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Oktubre 24
Paano Ko Matatanggap ang “mga Kapangyarihan ng Langit” sa Aking Buhay?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng mga sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang bago sa ating ward, at paano natin maipadarama sa kanila na sila ay tanggap? Ano ang ginagawa natin para maging makabuluhan ang ating oras sa mga miting sa korum o klase?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Ano ang ilan sa ating mga tungkulin at responsibilidad bilang mga kabataang lalaki at kabataang babae? Paano natin magagampanan nang mas mahusay ang mga ito?
-
Ang ating buhay. Ano ang ginagawa natin para maging higit na katulad ni Jesucristo at matanggap ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay? Ano ang ginagawa natin upang matulungan ang ating mga pamilya na lumapit sa Kanya?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Magkaiba ang awtoridad at kapangyarihan ng priesthood. Ang isang tao ay maaaring tumanggap ng awtoridad ng priesthood sa pagpapatong ng mga kamay—ang kalalakihan ay maaaring iorden sa isang katungkulan ng priesthood, at ang kalalakihan at kababaihan ay kapwa maaaring italaga sa isang tungkulin. Ngunit ang kapangyarihan ng priesthood—ang kapangyarihan ng Diyos, o “ang mga kapangyarihan ng langit”—ay magagamit lamang “sa mga alituntunin ng kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 121:36), at magagamit kapwa ng kalalakihan at ng kababaihan ang kapangyarihang ito. Kung gusto nating maging mabisa at magpabago ng buhay ang ating paglilingkod sa iba, kailangan ay karapat-dapat tayong manawagan sa mga kapangyarihan ng langit.
Alam ba ng mga miyembro ng iyong korum o klase kung paano magamit ang kapangyarihan ng priesthood? Paano maaaring maiba ang kanilang buhay at paglilingkod kung may ganoon silang pagkaunawa? Pagnilayan ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 121. Makabubuti ring pag-aralan ang dalawang mensahe mula kay Pangulong Russell M. Nelson. Ang isa ay para sa mga mayhawak ng priesthood—“Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood” (Liahona, Mayo 2016, 66–69). Ang isa naman ay para sa kababaihan—“Mga Espirituwal na Kayamanan” (Liahona, Nob. 2019, 76–79).
Magkakasamang Matuto
Para makapagsimula ng isang talakayan tungkol sa kapangyarihan ng priesthood, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa kapangyarihang ito mula sa kanilang pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan 121 sa linggong ito. Kung makatutulong, maaari mong imungkahi na pasadahan nila ang mga talata 34–46 para makita ang bawat lugar na ginamitan ng salitang kapangyarihan at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang natutuhan. Maaari mong gamitin ang sumusunod na mga aktibidad para mas maipaunawa sa mga miyembro ng iyong korum o klase kung paano nila magagamit ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa kanilang buhay.
-
Maaaring makatulong na ikumpara kung paano pinananatili ang “kapangyarihan” at “impluwensya” sa mundo sa itinuro ng Panginoon sa bahagi 121 kung paano pinananatili ang kapangyarihan ng priesthood. Maaari kang gumawa ng isang tsart na may dalawang column sa pisara na may mga heading na Makamundong Kapangyarihan at Mga Kapangyarihan ng Langit. Maaaring punan ng mga miyembro ng korum o klase ang tsart ng mga salita at parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46. Paano maaapektuhan ng pagkaunawa sa mga talatang ito ang paraan ng paghahangad nating maimpluwensyahan ang iba para sa kabutihan, kabilang na ang ating mga kaibigan, kapamilya, at ang mga pinagsisilbihan at pinaglilingkuran natin? Ayon sa mga talatang ito, paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo na maimpluwensyahan nang matwid ang iba?
-
Para matulungan ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood na matutuhan kung paano magkakaroon ng kapangyarihan ang kanilang paglilingkod sa priesthood, maaari kang magpakita ng iba’t ibang bagay at pahulaan mo sa mga miyembro ng korum kung magkano ang bawat isa. Bakit mas mahal ang ilang bagay kaysa sa iba? Anong mga bagay ang pinakamahalaga sa ating buhay, at ano ang halagang kailangan nating “ibayad” para sa mga ito? Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng korum ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” na hinahanap ang halagang sinabi niya na kailangan nating ibayad para matanggap ang kapangyarihan ng priesthood. Paano naaapektuhan ang buhay natin at ng iba kapag naglilingkod tayo nang may higit na kapangyarihan ng Tagapagligtas?
-
Para maipaunawa sa mga kabataang babae kung paano nila magagamit ang kapangyarihan ng priesthood, maaari mong itanong sa kanila ang mga pagkakataon na nadama nila ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang buhay. Ipaliwanag na ang kapangyarihan ng priesthood ay kapangyarihan ng Diyos. Maaari nilang saliksikin sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Mga Espirituwal na Kayamanan” ang mga katotohanan tungkol sa kababaihan at sa kapangyarihan ng priesthood. Ano ang hiniling ni Pangulong Nelson na gawin ng kababaihan ng Simbahan upang “magamit nang sagana ang kapangyarihan ng Tagapagligtas”? (pahina 77; tingnan lalo na ang apat na talata simula sa “Bawat babae at bawat lalaki”). Kailan tayo humugot ng kapangyarihang ito upang pagpalain ang buhay natin at ng iba? Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 121:39–43 kung paano kumilos nang may kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 39–42
-
David A. Bednar, “Ang mga Kapangyarihan ng Langit,” Liahona, Mayo 2012, 48–51