“Nobyembre 14. Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan? Doktrina at mga Tipan 129–132,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Nobyembre 14. Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Nobyembre 14
Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga panalangin? Ano ang magagawa natin para matulungan sila? Sino ang dapat nating anyayahan sa isang paparating na aktibidad?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Anong mga tungkulin na ang nagampanan natin? Anong mga tungkulin ang kailangan nating gawin? Paano natin naanyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at paano natin maaanyayahan ang iba ngayon?
-
Ang ating buhay. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo? Ano ang nangyayari sa ating buhay, at paano natin masusuportahan ang isa’t isa?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Kapag ang mga miyembro ng iyong korum o klase ay nagkaroon ng patotoo tungkol sa kasal sa templo habang bata pa sila, mas malamang na naisin at paghandaan nila ang dakilang pagpapalang ito. Sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit, ang walang-hanggang tipan ng kasal ay mahalaga sa kadakilaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4). Ngunit ang kasal sa templo ay hindi lamang tungkol sa matatanggap natin sa kabilang-buhay—magdudulot din ito ng malalaking pagpapala sa buhay na ito. Halimbawa, ang mga sagradong pakikipagtipan sa Diyos ay maaaring makaimpluwensya sa pananaw ng isang mag-asawa sa kanilang relasyon sa isa’t isa. At ang isang lalaki at isang babae na ibinuklod sa isa’t isa sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan ay may katiyakan na dahil kay Jesucristo, magpapatuloy ang kanilang ugnayan magpakailanman kung sila ay tapat sa kanilang mga tipan.
Paano mo maipadarama sa mga miyembro ng iyong korum o klase ang mas malaking hangaring mabuklod sa templo? Para maihanda ang iyong sarili sa pagtuturo tungkol sa kasal sa templo, maaari mong basahin ang “Kasal” sa Tapat sa Pananampalataya ([2004], 66–70).
Magkakasamang Matuto
Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng korum o klase na ibahagi ang kanilang napag-aralan sa mga banal na kasulatan sa linggong ito, maaari mong isulat sa pisara ang isang tanong na tulad ng Bakit mahalaga ang kasal na walang-hanggan sa templo ng Diyos? Pagkatapos ay maaaring hanapin ng mga miyembro ng korum o klase ang reperensya sa isang talatang nabasa nila sa Doktrina at mga Tipan 129–32 na maaaring makatulong na masagot ang tanong at isulat ang reperensya sa tabi ng tanong. (Kung makatutulong, maaari mong ituro sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4; 132:13–19.) Sama-samang basahin ang ilan sa mga reperensya, at talakayin ang itinuturo nito. Maaari mong gamitin ang alinman sa sumusunod na mga aktibidad para mas maipaunawa sa mga kabataan ang kahalagahan ng kasal sa templo.
-
Dahil natatangi ang walang-hanggang kasal sa ipinanumbalik na ebanghelyo, maaaring magkaroon ng mga pagkakataon ang mga tinuturuan mo na ipaliwanag ito sa mga taong hindi pamilyar dito. Para matulungan ang mga miyembro ng korum o klase na magawa ito, maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari ay may kaibigan silang nagtataka kung bakit naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na napakahalaga ng makasal sa templo. Ipabasa sa kanila ang mga talata sa banal na kasulatan sa “Suportang Resources,” ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org), o ang mga pahina 66–67 sa Tapat sa Pananampalataya. Maaari silang maghanap ng mga salita, parirala, at ideya na maaaring isama sa isang liham sa kanilang kaibigan na nagpapaliwanag sa kahalagahan ng kasal sa templo. Maaari rin nilang panoorin ang “Bakit Sagrado ang Kasal sa Ama sa Langit?” mula sa “Face to Face Kasama sina Elder at Sister Renlund” ([pandaigdigang brodkast para sa kabataan, Ago. 5, 2017], FacetoFace.ChurchofJesusChrist.org). Maaari mo silang bigyan ng oras na sumulat ng isang liham at pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi ang isinulat nila.
-
Ang makakita ng halimbawa ng matapat na pagsasama ng mag-asawa ay makahihikayat sa mga tinuturuan mo na hangarin ang pagpapalang ito para sa kanila mismo. Ang isang paraan para magawa ito ay rebyuhin ang mga bahagi ng mensahe ni Elder L. Whitney Clayton na “Mag-asawa: Magmasid at Matuto” (Liahona, Mayo 2013, 83–85). Ano ang matututuhan ng mga miyembro ng korum o klase mula sa mensaheng ito kung paano bumuo ng isang masaya at walang-hanggang kasal? Maaari ding rebyuhin ng mga miyembro ng korum o klase ang mga ideya sa “Pagiging Maligaya sa Pag-aasawa” sa Tapat sa Pananampalataya (mga pahina 69–70). Maaari rin nilang panoorin ang “Paano Nagkakilala sina Elder at Sister Bednar?” mula sa “Face to Face Kasama sina Elder at Sister Bednar” ([pandaigdigang brodkast para sa mga kabataan, Mayo 12, 2015], FacetoFace.ChurchofJesusChrist.org).
-
Hilingin sa mga miyembro ng korum o klase na mag-isip ng ilang bagay na maaaring humadlang sa kanila na mabuklod sa templo. Ano ang magagawa natin ngayon para madaig ang mga bagay na ito? Pagkatapos ay maaari nilang rebyuhin ang “Walang Hanggang Kasal” sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ([2019], 94–95) upang mahanap ang mga alituntunin at gawi na humahantong sa masayang pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya. Maaari nilang ilista ang ilan sa mga bagay na magagawa nila ngayon upang maghanda para sa isang walang-hanggang kasal. Ano ang papel ng Tagapagligtas sa pagtulong sa atin na maghanda para sa at magkaroon ng walang-hanggang kasal?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
Doktrina at mga Tipan 49:16–17; 131:1–4; 132:13–19 (Ang walang-hanggang kasal ay mahalaga sa plano ng Diyos)
-
Gospel Topics, “Marriage,” topics.ChurchofJesusChrist.org
-
“What Is a Temple Wedding Like?” (video), temples.ChurchofJesusChrist.org
-
Sabi ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong walang pagkakataong makamtan ito. … Maraming kabutihan, maraming mahahalagang bagay—kahit kung minsa’y kailangang lahat iyan ngayon—ang makakamit hindi man perpekto ang sitwasyon. … Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya” (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52).