Doktrina at mga Tipan 2021
Oktubre 10. Paano Ako Magiging Mas Lubos na Nagbalik-loob sa Panginoon? Doktrina at mga Tipan 111–114


Oktubre 10. Paano Ako Magiging Mas Lubos na Nagbalik-loob sa Panginoon? Doktrina at mga Tipan 111–114,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)

“Oktubre 10. Paano Ako Magiging Mas Lubos na Nagbalik-loob sa Panginoon?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021

mga dalagitang nakangiti

Oktubre 10

Paano Ako Magiging Mas Lubos na Nagbalik-loob sa Panginoon?

Doktrina at mga Tipan 111–114

icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos, bilang karagdagan sa pagpapayuhan tungkol sa mga bagay na partikular na may kinalaman sa korum o klase, maaari mong talakayin ang mga impresyon at tema mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tanong.

  • Anong mga tema o mensahe ang namukod-tangi sa atin?

  • Ano ang nahiwatigan nating gawin dahil sa ating natutuhan o nadama?

  • Ano ang kailangan nating gawin bilang isang korum o klase upang masunod ang payong narinig natin sa pangkalahatang kumperensya?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Para maging mas lubos na nagbalik-loob kay Jesucristo, dapat tayong magtiwala sa Kanya at sundin ang Kanyang mga utos—kahit na sinusubukan ng mahihirap na hamon ang ating pagbabalik-loob. Noong 1837, ilang miyembro ng Simbahan, kabilang na ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang nawalan ng kanilang mga patotoo at kinalaban si Propetang Joseph Smith. Si Thomas B. Marsh sa panahong ito ang Pangulo ng Korum ng Labindalawa. Habang binabasa mo at ng pamilya mo ang Doktrina at mga Tipan 112 sa linggong ito, maaaring mapansin mo ang payo na ibinigay ng Panginoon upang tulungan si Thomas B. Marsh na palakasin ang kanyang conversion o pagbabalik-loob (tingnan lalo na ang mga talata 10–26). Ano ang itinuturo sa iyo ng payong ito tungkol sa pagiging mas lubos na nagbalik-loob sa Tagapagligtas?

Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng korum o klase na matanggap ang pangako ng Tagapagligtas na “sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin”? (Doktrina at mga Tipan 112:13). Anong mga karanasan ang maibabahagi mo? Habang pinagninilayan mo ang mga tanong na ito, maaari mong rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Bonnie H. Cordon na “Tumiwala Ka sa Panginoon at Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Kaunawaan” (Liahona, Mayo 2017, 6–9) at “Pagbabalik-loob” sa Tapat sa Pananampalataya ([2004], 107–111).

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ang mga banal na kasulatan ay isang malaking kalakasan habang hinahangad nating maging mas lubos na nagbalik-loob.

Magkakasamang Matuto

Alam ba ng mga miyembro ng iyong korum o klase kung ano ang ibig sabihin ng magbalik-loob kay Jesucristo? Alam ba nila kung paano maging mas lubos na nagbalik-loob? Anyayahan silang pagnilayan ang mga tanong na ito habang nirerebyu nila ang Doktrina at mga Tipan 112:10–26. Paano tayo mananatiling nagbalik-loob kay Jesucristo kahit sa mahihirap na sitwasyon? Maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga aktibidad para tulungan ang inyong korum o klase na mapalakas ang kanilang pagbabalik-loob sa Tagapagligtas.

  • Ang Alma 32:27–43 ay makatutulong sa mga tinuturuan mo na maunawaan kung paano palakasin ang kanilang pananampalataya at maging mas lubos na nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari mo sigurong hatiin ang mga miyembro ng korum o klase sa mga grupo at hilingin sa bawat grupo na basahin ang mga talatang ito at talakayin kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa pananampalataya at pagbabalik-loob. Hilingin sa bawat grupo na ibahagi ang natutuhan nila. Maaari kang maghikayat ng talakayan sa pagtatanong ng ganito: Bakit magandang paglalarawan ng pagbabalik-loob ang isang binhing nagiging puno? Ano ang ibig sabihin ng “subukin ang mga salita [ng Diyos]”? (talata 27). Ano ang ibig sabihin ng “alagaan ang punungkahoy”? (talata 41). Paano natin masasabi na ang binhi ng pagbabalik-loob “ay lumalaki at sumisibol, at nagsisimulang tumubo” sa ating kalooban? (talata 30). Bigyan ng panahon ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan kung ano ang kailangan nilang gawin para mapangalagaan ang sarili nilang pagbabalik-loob kay Jesucristo.

  • Maraming puwersa sa mundo na tutol sa ating pagbabalik-loob kay Jesucristo. Ang pagbasa sa Helaman 5:12 ay maaaring ituro sa mga miyembro ng korum o klase kung paano manatiling matatag sa kabila ng oposisyon. Ano ang ibig sabihin ng “ itayo ang inyong saligan” sa bato ni Jesucristo? Maaari mong atasan ang bawat tao ng isang bahagi ng mensahe ni Elder Quentin L. Cook na “Mga Saligan ng Pananampalataya” (Liahona, Mayo 2017, 127–31) at hilingin sa kanila na maghanap ng mga halimbawa at payo na tutulong sa kanila na maitayo ang kanilang saligan sa Tagapagligtas.

  • May maiisip ba kayong malikhaing paraan para maipamalas ang alituntuning itinuro ni Pangulong Bonnie H. Cordon sa kanyang mensahe na “Tumiwala Ka sa Panginoon at Huwag Umasa sa Iyong Kaunawaan”? Halimbawa, maaari mong hatiin ang iyong korum o klase sa mga grupo at hamunin ang bawat grupo na bumuo ng pinakamataas na istruktura sa ibabaw ng isang nakahilis na patungan gamit ang mga block o iba pang mga bagay. Pagkatapos ay talakayin kung paano ito nauugnay sa mensahe ni Pangulong Cordon. Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng korum o klase ang mensahe para sa mga mungkahi kung paano panatilihing nakasentro ang ating buhay kay Jesucristo. Anong mga karanasan ang maibabahagi natin kapag umasa tayo sa ating sariling kaunawaan o kapag nagtiwala tayo sa Tagapagligtas?

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Sabi ng Tagapagligtas, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin” (Juan 7:16). Itinuro Niya ang doktrinang natutuhan Niya mula sa Kanyang Ama. Paano mo matitiyak na nagtuturo ka ng totoong doktrina? (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2016], 20–21.)