“Nobyembre 18–24: ‘Upang ang Kasamaan ay Mawakasan.’ Eter 6–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Nobyembre 18–24. Eter 6–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Nobyembre 18–24: “Upang ang Kasamaan ay Mawakasan”
Eter 6–11
Daan-daang taon matapos malipol ang mga Jaredita, natuklasan ng mga Nephita ang mga guho ng kanilang sinaunang sibilisasyon. Kabilang sa mga guhong ito ang isang mahiwagang talaan—ang mga laminang “lantay na ginto” na “puno ng mga ukit,” at “ninais [ng mga Nephita] nang hindi masusukat” na mabasa iyon (Mosias 8:9; 28:12). Ngayo’y may pinaikling kopya ka na ng talaang ito, at ang tawag dito ay aklat ni Eter. Nang mabasa ito ng mga Nephita, “napuspos sila ng kalungkutan” nang malaman nila ang kalunus-lunos na pagbagsak ng mga Jaredita. “Gayon pa man nakapagbigay ito sa kanila ng maraming kaalaman, na kung saan sila ay nagalak” (Mosias 28:18). Kayo man ay maaaring makahanap ng malulungkot na sandali sa aklat na ito. Ngunit maaari din kayong magalak sa kaloob na kaalamang ito. Tulad ng isinulat ni Moroni, “karunungan sa Diyos na ang mga bagay na ito ay ipaalam sa inyo … upang ang kasamaan ay mawakasan, at upang dumating ang panahon na si Satanas ay mawalan ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao” (Eter 8:23, 26).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Gagabayan ako ng Panginoon sa aking paglalakbay sa buhay.
Maaari kang makakita ng mga espirituwal na kabatiran kung ikukumpara mo ang paglalakbay ng mga Jaredita patawid ng karagatan sa iyong paglalakbay sa buhay. Halimbawa, ano ang inilaan ng Panginoon na tumatanglaw sa iyong daan na tulad ng mga bato sa mga gabara ng mga Jaredita? Ano ang maaaring katawanin ng mga gabara, o ng mga hangin na “[umiihip] patungo sa lupang pangako”? (Eter 6:8). Ano ang natututuhan mo mula sa mga ginawa ng mga Jaredita bago maglayag, habang naglalayag, at matapos maglayag? Paano ka inaakay ng Panginoon patungo sa iyong lupang pangako?
Eter 6:5–18, 30; 9:28–35; 10:1–2
“Lumakad nang mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon.”
Bagama’t mukhang kapalaluan at kasamaan ang nangingibabaw sa kasaysayan ng mga Jaredita, may mga halimbawa rin ng pagpapakumbaba sa mga kabanatang ito—lalo na sa Eter 6:5–18, 30; 9:28–35; at 10:1–2. Ang pagninilay sa sumusunod na mga tanong ay makakatulong sa iyo na matuto mula sa mga halimbawang ito: Bakit nagpakumbaba ang mga Jaredita sa mga sitwasyong ito? Paano nila ipinakita ang kanilang pagpapakumbaba? Paano sila pinagpala ng Diyos dahil dito? Isipin kung ano ang magagawa mo para maging handang “lumakad nang mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon” (Eter 6:17) sa halip na mapilitang magpakumbaba (tingnan sa Mosias 4:11–12; Alma 32:14–18).
Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Gumawa nang Makatarungan, Umibig sa Kaawaan, at Lumakad nang May Kapakumbabaan na Kasama ng Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 109–12.
Maaari akong maging isang pinunong katulad ni Cristo.
Ang mga kabanata 7–11 ng Eter ay sumasaklaw sa di-kukulangin sa 28 henerasyon. Bagama’t maliit na detalye ang maibibigay sa gayon kaliit na espasyo, mabilis na lumilitaw ang isang huwaran tungkol sa mga bunga ng matwid at ng masamang pamumuno. Ano ang natututuhan mo tungkol sa pamumuno mula sa mga halimbawa—negatibo at positibo—ng mga haring nakalista sa ibaba?
-
Shul—Eter 7:23–27
-
Jared—Eter 8:1–7, 11–15
-
Emer at Coriantum—Eter 9:21–23
-
Het—Eter 9:26–30
-
Shez—Eter 10:1–2
-
Riplakis—Eter 10:5–8
-
Morianton (Eter 10:9–11)
-
Lib—Eter 10:19–28
-
Etem—Eter 11:11–13
-
Jesucristo—Mateo 18:1–4; 20:20–28; 23:11
Nagbigay ng payo si Elder Dieter F. Uchtdorf tungkol sa pamumuno sa kanyang mensaheng “Ang Pinakadakila sa Inyo” (Liahona, Mayo 2017, 78–81). Isiping pag-aralan ang mensaheng ito—lalo na ang mga kuwentong isinasalaysay niya—na hinahanap ang mga alituntunin o huwaran ng pamumunong katulad ng kay Cristo. Kailan ninyo nakita ang mga alituntunin o huwarang ito sa mga taong namumuno?
Habang pinagninilayan mo ang natutuhan mo, pag-isipan ang mga oportunidad na kailangan mong pamunuan o impluwensyahan ang iba sa inyong tahanan, komunidad, calling sa Simbahan, at iba pa. Paano ka magkakaroon ng mga katangian ng pagiging pinunong katulad ni Cristo, kahit wala kang partikular na tungkulin sa pamumuno?
Tingnan din sa “Mga Alituntunin ng Pamumuno sa Simbahan,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 4.2, Gospel Library.
Ang Panginoon ay hindi gumagawa nang palihim.
Kapag nagsabwatan ang mga tao para ilihim ang kanilang masasamang gawa, sangkot sila sa isang lihim na pakikipagsabwatan. Bukod pa sa lihim na pakikipagsabwatang inilarawan sa Eter 8:7–18, may iba pang mga halimbawang matatagpuan sa Helaman 1:9–12; 2:2–11; 6:16–30, Moises 5:29–33. Isiping ikumpara ang mga talatang ito sa 2 Nephi 26:22–24, kung saan inilarawan ni Nephi kung paano ginagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain. Sa palagay mo, bakit inutusan si Moroni na isulat ang isinulat niya tungkol sa mga lihim na pagsasabwatan?
Ano ang natutuhan natin mula sa aklat ni Eter na makakatulong sa iyo na matamo ang mga pagpapalang inilarawan sa Eter 8:26?
Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari akong magtiwala sa Ama sa Langit na aaliwin Niya ako kapag natatakot ako.
-
Lahat ay may mahihirap na araw—kahit ang maliliit na bata. Marahil ay matutulungan mo ang iyong mga anak na maghanap ng mga salita at parirala sa Eter 6:1–12 na nagpapakita kung paano nagtiwala sa Diyos ang mga Jaredita sa ilang tunay na mahihirap at nakakatakot na araw. Isiping ibahagi sa isa’t isa ang ilang karanasan nang tulungan ka ng Diyos sa mahihirap na panahon sa iyong buhay.
Ang pag-alaala sa mga nagawa ng Panginoon ay naghahatid ng pasasalamat at kapayapaan.
-
Matapos makarating nang ligtas sa lupang pangako, lubos na nagpasalamat ang mga Jaredita kaya sila ay “napaluha sa kagalakan” (Eter 6:12). Baka mahikayat mo ang iyong mga anak na magpasalamat para sa mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maghanap ng mga parirala mula sa Eter 6:9, 12 na nagpapakita kung paano nagpasalamat ang mga Jaredita sa Diyos. Maaari silang masiyahan sa pagkanta ng isang awitin na nagpapahayag ng pasasalamat, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16) gaya ng ginawa ng mga Jaredita. Hilingin sa iyong mga anak na sabihin sa iyo ang ilang bagay na ipinagpapasalamat nila.
-
Marahil ay maaaring basahin ng iyong mga anak ang Eter 6:30; 7:27; at 10:2 at alamin kung ano ang naalaala ng butihing mga haring ito. Paano nito naapektuhan ang paraan ng pamumuno nila sa kanilang mga tao? Maaari ninyong talakayin ng iyong mga anak ang mga paraan para maipaalala sa inyong sarili kung ano ang nagawa ng Diyos para sa inyo. Halimbawa, maaari siguro silang magsulat tungkol dito o magdrowing ng mga larawan. Maaari mong imungkahi na ugaliin nilang isulat ang mga pagpapalang napapansin nila mula sa Panginoon.
Ako ay pinagpapala kapag sinusunod ko ang propeta ng Diyos.
-
Marahil ay masisiyahan kayo ng iyong mga anak na isadula ang ilang bagay na itinuro sa atin ng propeta na gawin natin. Maaari pa nga ninyong gawing laro ito kung saan huhulaan ninyo kung ano ang kinakatawan ng mga kilos. Maaari nitong ihanda ang iyong mga anak na talakayin kung bakit mahalagang sundin ang propeta ng Diyos. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Eter 7:24–27 para malaman kung ano ang nangyari nang sundin ng mga tao ang propeta ng Diyos. Paano tayo napagpapala ng pagsunod sa propeta ngayon?
Ang Panginoon ay maawain kapag nagsisisi ako.
-
Ang pagtukoy sa mga huwaran ay isang mahalagang kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang aklat ni Eter ay naglalaman ng paulit-ulit na huwaran na nagbibigay-diin sa awa ng Panginoon. Para matulungan ang inyong mga anak na makita ang huwarang ito, anyayahan silang basahin ang Eter 9:28–35 at Eter 11:5–8, at alamin ang mga pagkakatulad sa pagitan ng dalawang salaysay. Ano ang matututuhan natin mula sa mga kuwentong ito? Marahil ay maaari silang maghanap ng mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ng ibang tao sa mga banal na kasulatan na nagsisi at napatawad.