Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 21–27: “Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”: Doktrina at mga Tipan 37–40


“Abril 21–27: ‘Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin’: Doktrina at mga Tipan 37–40,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 37–40,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

mga Banal na naghahandang lumipat

Detalye mula sa Lumipat ang mga Banal sa Kirtland, ni Sam Lawlor

Abril 21–27: “Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”

Doktrina at mga Tipan 37–40

Sa mga naunang Banal, ang Simbahan ay hindi lamang isang lugar para makinig sa ilang pangangaral tuwing Linggo. Ang mga paghahayag ay gumamit ng mga salitang tulad ng adhikain, kaharian, Sion, at, kadalasan, gawain. Maaaring bahagi iyan ng nakaakit sa mga tao sa ipinanumbalik na Simbahan. Dahil gustung-gusto nila ang doktrina, marami rin ang nagnais ng isang bagay na banal na maaari nilang paglaanan ng kanilang buhay. Gayunpaman, ang pagsunod sa utos ng Panginoon noong 1830 na magtipon sa Ohio ay hindi naging madali. Para sa marami, nangahulugan iyon ng paglisan sa mga komportableng tahanan para sa isang di-pamilyar na lugar (tingnan sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Pagtitipon sa Ohio”). Malinaw nating nakikita ngayon ang nakita ng mga Banal na iyon nang may pananampalataya: may malalaking pagpapala ang Panginoon na naghihintay sa kanila sa Ohio.

Matagal nang lumipas ang pangangailangang magtipon sa Ohio, ngunit nagkakaisa pa rin ang mga Banal ngayon sa iisang adhikain: ang “[madala] nang pasulong [ang] Sion” (Doktrina at mga Tipan 39:13). Tulad ng mga naunang Banal na iyon, inaanyayahan tayong talikuran “ang mga alalahanin ng sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 40:2) at magtiwala sa pangako ng Panginoon: “Iyong tatanggapin ang … isang dakilang pagpapala na hindi mo pa nalalaman” (Doktrina at mga Tipan 39:10).

Tingnan din sa Mga Banal, 1:124–27.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 37–38

Tinitipon tayo ng Diyos para pagpalain tayo.

Kinailangang gumawa ng mahihirap na sakripisyo ang mga miyembro ng Simbahan sa Fayette, New York, para lumipat sa Ohio (mahigit 250 milya ang layo) noong taglamig ng 1831. Habang nagbabasa ka tungkol sa utos ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 37:3–4, maaari mong isipin ang mga sakripisyong ipinagagawa sa iyo ng Panginoon. Pagkatapos, habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 38:1–33, maghanap ng mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na nagbibigay sa iyo ng pananampalataya na sundin ang Kanyang payo. Ano ang natutuhan mo sa mga talata 11–33 tungkol sa mga pagpapala ng pagtitipon bilang mga alagad ni Jesucristo?

Doktrina at mga Tipan 38:22

“Makinig sa aking tinig at sumunod sa akin.”

Paano mo magagawang “tagabigay ng batas” si Jesucristo? Paano ka ginagawang “malayang tao” ng pagsunod sa Kanyang mga batas?

Tingnan din sa 2 Nephi 10:26–27.

Doktrina at mga Tipan 38:30

Kung ako ay handa, hindi ako kailangang matakot.

Kailan mo naranasan ang alituntuning inihayag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 38:30: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot”? Habang pinag-aaralan mo ang bahagi 38, pansinin kung paano inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga Banal upang maharap nila ang kinabukasan nang may tapang. Paano ang ninanais Niyang gawin mong paghahanda para sa mga hamon upang hindi ka kailangang matakot?

Tingnan din sa David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 8–11.

Doktrina at mga Tipan 38:24–27

icon ng seminary
Nais ng Diyos na “maging isa” tayo.

Ang mga Banal na nagtipon sa Ohio ay nagmula sa iba’t ibang sitwasyon. Malamang na ganito ang mga tao sa inyong ward. Pero inuutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na “maging isa” (talata 27). Paano natin maisasagawa ang ganitong uri ng pagkakaisa? Anong mga ideya ang naiisip mo habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 38:24–27? Bakit tayo kailangang magkaisa upang maging mga tao ng Diyos?

Ang pagbabasa ng mga talatang ito ay maaari ding maghikayat sa iyo na pag-isipan ang iyong mga relasyon—halimbawa, sa mga miyembro ng pamilya, miyembro ng ward, at miyembro ng korum o klase. Ano ang maaaring pumigil sa inyo na magkaisa kay Cristo? Paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na “maging isa”? Ang mga video na “A Friend to All” o “Love in Our Hearts” (Gospel Library) ay makakatulong sa iyo na masagot ang mga tanong na ito. Maaari ka ring makahanap ng mga ideya sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Winawakasan ng Kapayapaan ni Cristo ang Pagkapoot,” Liahona, Nob. 2021, 83–85.

4:0

A Friend to All

3:14

Love in Our Hearts

Paano mo matutulungan ang mga grupong ito na higit na magkaisa? Halimbawa, isiping magpadala o magtext ng isang maikling liham sa mga miyembro ng iyong korum, klase, o pamilya. Sino sa pakiramdam mo ang nahihikayat kang tulungan?

Ano ang nakahihikayat sa iyo tungkol sa halimbawa ng Tagapagligtas sa Efeso 2:14, 18–22; 2 Nephi 26:24–28?

Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Mga Pusong Magkakasama sa Kabutihan at Pagkakaisa,” Liahona, Nob. 2020, 18–21; “Mahalin ang Bawat Isa,” Mga Himno, blg. 196; Mga Paksa at Tanong, “Belonging in the Church of Jesus Christ [Pagiging Kabilang sa Simbahan ni Jesucristo],” Gospel Library.

mga kabataang lalaki sa Africa

Doktrina at mga Tipan 38:3939–40

Nais ng Ama sa Langit na ibigay sa atin ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan.

Sa iyong palagay, ano ang pagkakaiba ng “mga kayamanan ng mundo” at ng “mga kayamanan ng [kawalang-hanggan]”? (Doktrina at mga Tipan 38:39). Anong mga karanasan ang nagturo sa iyo na pahalagahan ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan?

Isaisip ito habang binabasa mo ang tungkol kay James Covel sa mga bahagi 39–40 (kabilang na ang historical background sa mga section heading). Isipin kung paano maaaring umangkop sa iyo ang kanyang karanasan. Halimbawa, mag-isip ng mga pagkakataon na ang iyong “puso … ay matwid sa harapan [ng Diyos]” (Doktrina at mga Tipan 40:1). Paano ka napagpala sa iyong katapatan? Isipin din kung ano ang “mga alalahanin ng sanlibutan” na kinakaharap mo. Paano ka mahahadlangan ng mga ito sa pagtanggap ng salita ng Diyos “nang may kagalakan”? (Doktrina at mga Tipan 39:9; 40:2). Ano ang nakikita mo sa mga bahaging ito na naghihikayat sa iyo na maging mas masunurin palagi sa Diyos?

Tingnan din sa Mateo 13:3–23.

Pag-aangkop ng mga banal na kasulatan sa iyong buhay. “Ang isang paraan na matutulungan mo ang mga mag-aaral na makita ang kahalagahan ng [mga banal na kasulatan] ay sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad nito, ‘Paano ito makatutulong sa nararanasan mo ngayon?’ ‘Bakit mahalagang malaman mo ito?’ ‘Ano ang kaibhang magagawa nito sa iyong buhay?’” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 23). Ang mga tanong sa aktibidad na ito tungkol sa Doktrina at mga Tipan 39–40 ay iba pang mga halimbawa ng mga tanong na makakatulong sa atin na maiangkop ang mga paghahayag na ito sa ating buhay.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 3738:31–33

Tinitipon tayo ng Diyos para pagpalain tayo.

  • Ang mapa at ang pahina ng aktibidad sa dulo ng outline na ito ay magpapaunawa sa iyong mga anak kung ano ang iniutos ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan 37:3. Maaari mo siguro silang tulungang hanapin ang mga lugar na binanggit sa mga paghahayag na ito. Maaari mo rin silang tulungang makahanap ng isang parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 38:31–33 na naglalarawan kung bakit nais ng Diyos na magtipon ang Kanyang mga tao.

Doktrina at mga Tipan 38:24–27

Nais ng Diyos na “maging isa” tayo.

  • Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 38:24–25 kasama ang iyong mga anak, pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng pahalagahan ang iyong kapatid tulad ng iyong sarili (tingnan din sa Mateo 7:12). Tulungan silang ulitin ang talata, na pinapalitan ng pangalan ng isa’t isa ang “kanyang kapatid.”

  • Para maituro sa iyong mga anak ang kahulugan ng “maging isa” (Doktrina at mga Tipan 38:27), maaari mo silang tulungang magsulat ng malaking bilang 1 at dekorasyunan ito ng mga pangalan at drowing o ng mga larawan ng bawat tao sa inyong pamilya o klase. Sa tabi ng 1, maaari mong isulat ang mga bagay na gagawin ninyo para mas magkaisa.

  • Isiping magpakita ng isang object lesson na naglalarawan kung paano maaaring pagsamahin o pagkaisahin ang mga bagay-bagay para maging isa, tulad ng mga piraso ng tela na nagagawang isang quilt o mga sangkap na nagagawang isang buong tinapay. Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito tungkol sa pagiging isa bilang mga tao ng Diyos?

Doktrina at mga Tipan 38:30

Kung ako ay handa, hindi ako kailangang matakot.

  • Habang sama-sama ninyong binabasa ang Doktrina at mga Tipan 38:30, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga karanasan kamakailan na kinailangang paghandaan ninyo. Pagkatapos ay maaari kang magtanong sa iyong mga anak tungkol sa mga bagay na nais ng Ama sa Langit na paghandaan natin. Ibahagi sa iyong mga anak ang isang karanasan kung saan nakatulong sa iyo ang pagiging handa na huwag matakot. Maaari din ninyong sama-samang panoorin ang video na “Men’s Hearts Shall Fail Them [Manlulupaypay ang Puso ng mga Tao]” (Gospel Library).

3:26

Ang Puso ng mga Tao ay Magsisipanlupaypay

Doktrina at mga Tipan 39:6, 23

Natanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo noong ako ay nakumpirma.

  • Isiping ipakita ang larawan ng isang taong kinukumpirma. Hilingin sa iyong mga anak na ilarawan kung ano ang nangyayari sa larawan. Maaari mo rin silang anyayahang ituro ang larawan tuwing maririnig nila ang mga salitang Espiritu Santo sa Doktrina at mga Tipan 39:6, 23 (o sa isang awiting tulad ng “Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo napagpala ng kaloob na Espiritu Santo.

dalagitang kinukumpirma

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.