Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 14–20: “Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang”: Pasko ng Pagkabuhay


“Abril 14–20: ‘Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang’: Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

estatwa ng Christus

Abril 14–20: “Ako ang Siyang Nabuhay, Ako ang Siyang Pinaslang”

Pasko ng Pagkabuhay

Linggo ng Pagkabuhay noong Abril 3, 1836. Matapos tumulong na pangasiwaan ang sakramento sa mga Banal sa bagong inilaan na Kirtland Temple, nakahanap ng tahimik na lugar sina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa likod ng isang tabing sa templo at yumuko upang manalangin nang tahimik. Pagkatapos, sa sagradong araw na ito kung kailan ipinagdiriwang ng mga Kristiyano sa lahat ng dako ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, nagpakita ang nagbangong Tagapagligtas mismo sa Kanyang templo, at nagpahayag na, “Ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang” (Doktrina at mga Tipan 110:4).

Ano ang ibig sabihin ng si Jesucristo ang “siyang nabuhay”? Hindi lamang ito nangangahulugan na siya ay nagbangon mula sa libingan at nagpakita sa Kanyang mga disipulo sa Galilea. Nangangahulugan ito na Siya ay buhay ngayon. Nangungusap Siya sa pamamagitan ng mga propeta ngayon. Pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon. Pinagagaling Niya ang mga sugatang kaluluwa at pusong sawi ngayon. Kaya maaari nating ulitin ang mga salita ng malakas na patotoo ni Joseph Smith: “Matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo … na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay! (Doktrina at mga Tipan 76:22). Maririnig natin ang Kanyang tinig sa mga paghahayag na ito, masasaksihan ang Kanyang impluwensya sa ating buhay, at madarama “ang kagalakang ibinibigay ng pangungusap na ito: ‘Buhay ang aking Manunubos!’” (Mga Himno, blg. 78).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

icon ng seminary
Si Jesucristo ay buhay.

Hindi pa nakita ng karamihan sa atin si Jesucristo nang tulad ni Joseph Smith. Ngunit malalaman natin, tulad niya, na ang Tagapagligtas ay buhay, na alam Niya ang ating mga tagumpay at paghihirap, at na tutulungan Niya tayo sa oras ng pangangailangan. Isipin ang sarili mong patotoo tungkol sa buhay na Cristo habang pinagninilayan mo ang mga tanong sa ibaba at pinag-aaralan ang nakalakip na resources.

Ang kapangyarihan ay nagmumula sa pagsasaulo. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott: “Malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasaulo ng isang talata ay pagbubuo ng [bagong] pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2011, 6). Kung may makita kang talata tungkol sa Tagapagligtas na talagang makabuluhan sa iyo—marahil ay iyong makapagbibigay sa iyo ng kapanatagan sa oras ng pangangailangan—isiping isaulo iyon.

Sa video na “My Spiritual Goal,” nagpasiya ang isang dalagita na isaulo ang “Ang Buhay na Cristo” (Gospel Library). Ano ang hinahangaan mo tungkol sa kanyang karanasan? Ano ang nahihikayat kang gawin para matanggap ang mga katotohanan sa “Ang Buhay na Cristo” sa iyong puso’t isipan?

2:5

Let Your Goals Be Guided by the Spirit

Para malaman ang iba pa kung paano tayo pinagpapala ng Tagapagligtas ngayon, maaari ninyong pag-aralan, pakinggan, o kantahin ang “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Maaaring nakahihikayat na hanapin ang mga katotohanan sa himnong ito na itinuro din sa Doktrina at mga Tipan 6:34; 84:77; 98:18; 138:23.

Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Jesucristo,” Gospel Library.

Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.

Alam ni Joseph Smith kung ano ang pakiramdam ng magdalamhati sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay, kabilang na ang kanyang ama at dalawa sa kanyang mga kapatid. Namatayan sina Joseph at Emma ng anim na anak, at bawat isa ay wala pang dalawang taong gulang. Mula sa mga paghahayag na ibinigay ng Diyos, nagkaroon ng walang-hanggang pananaw sina Joseph at Emma.

Maghanap ng mga katotohanan tungkol sa kamatayan at sa walang-hanggang plano ng Diyos sa Doktrina at mga Tipan 29:26–27; 42:45–46; 63:49; 88:14–17, 27–31; 93:33–34. Paano naaapektuhan ng mga katotohanang ito ang pananaw mo tungkol sa kamatayan? Paano nito naaapektuhan ang paraan ng iyong pamumuhay?

Tingnan din sa 1 Corinto 15; Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 202–205; Easter.ChurchofJesusChrist.org.

Nagsakatuparan si Jesucristo ng isang “ganap na pagbabayad-sala” para sa akin.

Ang isang paraan para makapagtuon sa Tagapagligtas sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay ang pag-aralan ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan na nagtuturo tungkol sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang ilan ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19; 45:3–5; 76:69–70. Isiping ilista ang mga katotohanang makikita mo sa mga talatang ito. Para mapalalim ang iyong pag-aaral, maaari kang magdagdag sa iyong listahan sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Lucas 22:39–44; 1 Juan 1:7; 2 Nephi 2:6–9; Mosias 3:5–13, 17–18; Moroni 10:32–33.

Narito ang ilang tanong na maaaring gumabay sa iyong pag-aaral:

  • Ano ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  • Bakit pinili ni Jesucristo na magdusa at mamatay para sa atin?

  • Ano ang kailangan kong gawin para matanggap ang mga pagpapala ng Kanyang sakripisyo?

  • Ano ang nadarama ko tungkol kay Jesucristo matapos kong basahin ang mga talatang ito?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabayad-sala,” Gospel Library; “The Savior Suffers in Gethsemane” (video), Gospel Library.

8:42

Nagdusa ang Tagapagligtas sa Getsemane

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.

  • Para maituro sa iyong mga anak ang pagkabuhay na mag-uli, maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga larawan ng pagkamatay at ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Hayaan ang iyong mga anak na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga kaganapang ito. Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin na tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45).

  • Mag-isip ng isang object lesson na magpapaunawa sa iyong mga anak kung ano ang nangyayari kapag tayo ay namatay (naghihiwalay ang ating espiritu at katawan) at kapag tayo ay nabuhay na mag-uli (muling nagsasama ang ating espiritu at katawan, at perpekto at imortal ang ating katawan). Halimbawa, ano ang mangyayari kapag inalis natin ang baterya sa isang flashlight o ang lagayan ng tinta sa isang bolpen? Ano ang nangyayari kapag muling nagkasama ang mga ito? (Tingnan sa Alma 11:44–45.)

  • May kilala ba ang iyong mga anak na isang taong pumanaw? Hayaan silang magbahagi nang kaunti tungkol sa mga indibiduwal na ito, at pagkatapos ay sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:17. Kausapin ang isa’t isa kung ano ang pakiramdam ng malaman na ang ating mga mahal sa buhay ay mabubuhay na mag-uli at magkakaroong muli ng katawan.

  • Kung mayroon kang nakatatandang mga anak, maaari mo silang anyayahang maghanap ng mga pariralang naglalarawan sa mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay sa mga sumusunod na talata: Doktrina at mga Tipan 63:49; 88:14–17, 27; 138:11, 14–17. Magagawa rin nila ito sa video na “Because He Lives [Dahil Siya’y Buhay]” (Gospel Library). Paano natin maibabahagi ang mensaheng ito sa iba?

libing at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo

Nakita ni Propetang Joseph Smith si Jesucristo.

  • Maaaring interesado kayo ng iyong mga anak na magbasa tungkol sa tatlong magkakaibang pagkakataon na nagpakita si Jesucristo kay Joseph Smith at sa iba, tulad ng nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17; Doktrina at mga Tipan 76:11–24; 110:1–10. Maaari ding tingnan ng iyong mga anak ang mga larawan ng mga kaganapang ito sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Ano ang natutuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa bawat isa sa mga karanasang ito? Bakit isang pagpapala ang malaman na nakita ni Joseph Smith at ng iba pa ang nagbangong Tagapagligtas?

Dahil kay Jesucristo, maaari akong mapatawad sa aking mga kasalanan.

  • Ang mga katotohanang natutuhan ni Joseph Smith tungkol sa kapatawaran sa pamamagitan ni Cristo ay maaaring magbigay ng pag-asa sa iyong mga anak na mapapatawad sila sa kanilang mga pagkakamali at kasalanan. Isiping anyayahan ang iyong mga anak na gumawa ng isang table na may mga heading na tulad nito: Ang ginawa ng Tagapagligtas para sa akin at Ang dapat kong gawin para matanggap ang Kanyang kapatawaran. Tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang mga sumusunod na sipi para mahanap ang mga bagay na nabibilang sa ilalim ng mga heading na ito: Doktrina at mga Tipan 18:10–13; 19:16–19; 45:3–5; 58:42–43. Ibahagi sa isa’t isa ang iyong kagalakan at pasasalamat sa ginawa ng Tagapagligtas para sa atin.

  • Maaari din ninyong panoorin ng iyong mga anak ang video na “The Shiny Bicycle” (Gospel Library) at ibahagi ang inyong mga karanasan kung kailan nadama ninyo ang kapatawaran ng Tagapagligtas nang magsisi kayo.

3:4

The Shiny Bicycle

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ang nagbangong Cristo na nagpapakita kay Maria

Sina Cristo at Maria sa Libingan, ni Joseph Brickey

pahina ng aktibidad para sa mga bata