“Hunyo 9–15: ‘Ako ay Nasa Matatapat Tuwina’: Doktrina at mga Tipan 60–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 60–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Hunyo 9–15: “Ako ay Nasa Matatapat Tuwina”
Doktrina at mga Tipan 60–63
Noong unang bahagi ng Agosto 1831, naghandang bumalik sa Kirtland si Joseph Smith at ang iba pang mga elder ng Simbahan matapos ang maikling pagbisita sa “lupain ng Sion” (Doktrina at mga Tipan 59:3). Nais ng Panginoon na ipangaral nila ang ebanghelyo sa kanilang paglalakbay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:10), at masigasig itong ginawa ng ilan sa kanila. Pero nag-alangan ang iba. “Kanilang itinatago ang talino na aking ibinigay sa kanila,” sabi ng Panginoon, “dahil sa takot sa tao” (Doktrina at mga Tipan 60:2). Alam ng marami sa atin kung ano ang nadama ng mga elder na ito. Kahit mahal natin ang ebanghelyo, maaaring makahadlang sa atin ang takot at pagdududa sa pagbabahagi nito. Pero maawain ang Panginoon. Siya ang “nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano [tayo] masasaklolohan” (Doktrina at mga Tipan 62:1). Nakakalat sa lahat ng paghahayag na ito sa mga naunang missionary ang mga katiyakang makakatulong sa atin na madaig ang ating mga takot at pagkukulang: “Magagawa ko kayong banal.” “Lahat ng laman ay nasa aking kamay.” “Ako ay nasa matatapat tuwina.” At “Siya na matapat at nagtitiis ay mananaig sa sanlibutan.” (Doktrina at mga Tipan 60:7; 61:6; 62:9; 63:47.)
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Maibabahagi ko ang aking pagmamahal at patotoo kay Jesucristo.
Paano katulad ng isang “talino,” o isang kayamanan mula sa Diyos ang iyong patotoo sa ebanghelyo? Sa anong mga paraan natin “itinatago ang [ating] talino” kung minsan? (Doktrina at mga Tipan 60:2; tingnan din sa Mateo 25:14–30).
Anong nakahihikayat na mga mensahe mula sa Panginoon ang nakita mo sa mga bahagi 60 at 62? Paano pinalalakas ng mga mensaheng ito ang iyong tiwala sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Habang pinagninilayan mo ang mga tanong na ito, isiping kantahin o basahin ang mga salita sa “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90). Ano ang natutuhan mo mula sa pambatang awiting ito tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
Tingnan din ang koleksyong “Pagbabahagi ng Ebanghelyo” sa Gospel Library.
Doktrina at mga Tipan 60:2–4; 61:1–2, 20, 36–38; 62:1, 6
Ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo tungkol kay Jesucristo.
Nang turuan Niya ang Kanyang mga missionary, inihayag ng Panginoon ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang sarili. Hanapin ang mga katotohanang ito sa Doktrina at mga Tipan 60:2–4; 61:1–2, 20, 36–38; 62:1, 6. Anong mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan ang naglalarawan sa mga tungkulin at katangian ng Tagapagligtas na natagpuan mo? (tingnan, halimbawa, sa Juan 8:1–11; Eter 2:14–15).
Dapat balansehin ng mga desisyon ko ang “paghatol at patnubay ng Espiritu.”
Ang Panginoon ay nagbibigay ng patnubay tungkol sa mga walang-hanggang katotohanan at alituntunin, pero kadalasa’y ipinababahala Niya sa atin ang pagtukoy sa mga partikular na detalye kung paano kumilos ayon sa mga alituntuning ito. Ano ang tingin mo sa alituntuning ito na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 62? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 60:5; 61:22). Paano mo nakita ang paggamit ng alituntuning ito sa iyong buhay? Bakit makabubuti na tayo ang gumawa ng ilang desisyon nang hindi umaasa na sasabihin sa atin ng Diyos ang mismong gagawin natin?
Tingnan din sa Eter 2:18–25; Doktrina at mga Tipan 58:27–28.
Dumarating ang mga tanda dahil sa pananampalataya at kalooban ng Diyos.
Sa dulo ng outline na ito, nakalarawan ang isang himala na lubhang nagpahanga kay Ezra Booth: mahimalang gumaling ang braso ni Elsa Johnson. Matapos makita iyon, sabik na nabinyagan si Ezra. Magkagayunman, sa loob lamang ng ilang buwan, naglaho ang pananampalataya ni Ezra at binatikos ang Propeta. Paano nangyari ito, samantalang nakasaksi siya ng himala?
Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 63:7–12. Anong mga katotohanan ang natutuhan mo tungkol sa mga tanda at pananampalataya?
Tingnan din sa Mateo 16:1–4; Juan 12:37; Mormon 9:10–21; Eter 12:12, 18.
Maaari akong maging malinis sa aking mga iniisip at ikinikilos.
Sa Doktrina at mga Tipan 63:16, muling pinagtibay ng Tagapagligtas ang Kanyang itinuro sa Bagong Tipan—na ang batas ng kalinisang-puri ay dapat pamahalaan hindi lamang ang ating mga kilos kundi maging ang ating mga iniisip (tingnan din sa Mateo 5:27–28). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 63:16, isulat ang mga babalang ibinibigay ng Tagapagligtas tungkol sa pagnanasa. Maaari mo ring pagnilayan ang kabaligtaran ng bawat babala. Halimbawa, ano ang ilang salita o parirala na kabaligtaran ng takot? Anong iba pang mga pagpapala ang nagmumula sa pagkakaroon ng malilinis na kaisipan at kilos?
Maraming taong nag-iisip na ang mga pamantayan ng Panginoon sa kalinisan ng isipan at kilos ay makaluma o malupit pa nga. Anong kaibhan ang mangyayari kung nagsisikap ang lahat ng anak ng Diyos na ipamuhay ang batas na ito? Maaari mong hanapin ang mga sagot sa tanong na ito sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis” (Liahona, Mayo 2013, 41–44) o “Ang inyong katawan ay sagrado” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 23–26). Anong mga mensahe ng pag-asa ang natagpuan mo?
Kahit alam natin ang mga pagpapala ng pagiging malinis sa ating mga iniisip at ikinikilos, hindi iyan nangangahulugan na madali ito. Maaari kang mag-ukol ng kaunting oras para pagnilayan kung ano ang nagpapahirap sa iyo na sundin ang pamantayan ng kalinisang-puri ng Tagapagligtas—at kung ano ang nagpapadali rito. Anong mga tip ang maaari mong ibahagi sa iba kung ano ang gagawin mo kapag natutukso kang mag-isip ng mga di-mabuting mga ideya?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:45; Mga Paksa at Tanong, “Virtue ,” Gospel Library; “Standards: Sexual Purity and Modesty—True Confidence” (video), Gospel Library; AddressingPornography.ChurchofJesusChrist.org.
Doktrina at mga Tipan 63:58–64
Ang mga sagradong bagay ay dapat pagpitaganan.
Ang mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 63:58–64 ay higit pa sa paggamit ng pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Anong iba pang mga sagradong bagay ang “mula sa kaitaasan,” o mula sa Diyos? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng sambitin ang mga bagay na ito “nang may pag-iingat”?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 60:4; 61:1–2, 36; 62:1
Ang mga banal na kasulatan ay nagtuturo tungkol kay Jesucristo
-
Marahil ay maaari mong isulat ang ilan sa mga pahayag tungkol sa Tagapagligtas na nasa Doktrina at mga Tipan 60–62 sa maliliit na piraso ng papel. Pagkatapos ay maaaring itugma ng iyong mga anak ang mga pahayag na ito sa mga larawan ni Jesus mula sa Kanyang ministeryo sa lupa (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 34–61) na nagpapamalas ng mga katangiang ito. Paano Niya ipinakikilala ang Kanyang sarili sa atin ngayon?
Doktrina at mga Tipan 60:7; 61:1–2; 62:1
Patatawarin ako ng Panginoon kung ako ay magsisisi.
-
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 60:7; 61:2 kasama ang iyong mga anak, tulungan silang maghanap ng mga salitang magkakatulad sa mga talatang ito. Ipaalala sa kanila na ibinigay ang mga paghahayag na ito kay Joseph Smith at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan. Ano ang nais ng Panginoon na malaman nila? Maaari din ninyong pag-usapan kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa atin kapag nagkakamali tayo at kung ano ang ibig sabihin ng magsisi. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 62:1, paano makakatulong si Jesus kapag natutukso tayo?
Nais ni Jesucristo na ibahagi ko ang Kanyang ebanghelyo.
-
Maaari mong tanungin ang iyong mga anak kung ano ang sasabihin nila kapag may nagtanong sa kanila kung ano ang gustung-gusto nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Ang sama-samang pagkanta ng isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90), ay maaaring magbigay sa kanila ng mga ideya. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 62:3 at hilingin sa iyong mga anak na pakinggan kung ano ang mangyayari kapag nagbahagi tayo ng ating mga patotoo. Paano makakatulong ang pangako sa talata 9 kapag kinakabahan tayo?
Maaari akong maging mapitagan.
-
Para mapasimulan ang Doktrina at mga Tipan 63:64, maaari ninyong kantahin ng iyong mga anak ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang iba’t ibang paraan para magpakita ng pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Maipauunawa mo sa iyong mga anak kung ano ang pagpipitagan sa pamamagitan ng pagkausap sa kanila tungkol sa isang item na espesyal sa kanila, tulad ng isang paboritong laruan, aklat, o kumot. Tanungin sila kung paano nila inaalagaan at pinoprotektahan ang mga bagay na espesyal sa kanila. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:64. Anong mga bagay ang espesyal—o sagrado—sa Ama sa Langit? (tingnan, halimbawa, sa talata 61 at sa pahina ng aktibidad sa linggong ito). Paano natin dapat tratuhin ang mga bagay na ito—sa ating mga salita at kilos?