Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 26–Hunyo 1: “Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”: Doktrina at mga Tipan 51–57


“Mayo 26–Hunyo 1: ‘Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala’: Doktrina at mga Tipan 51–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 51–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

lalaking nag-aararo sa bukid

First Furrow [Unang Pag-araro], ni James Taylor Harwood

Mayo 26–Hunyo 1: “Isang Matapat, Makatarungan, at Matalinong Katiwala”

Doktrina at mga Tipan 51–57

Para sa mga miyembro ng Simbahan noong 1830s, ang pagtitipon sa mga Banal at pagtatayo ng lungsod ng Sion ay kapwa espirituwal at temporal na mga gawain, kalakip ang maraming praktikal na bagay na dapat ayusin: Kinailangang may bumili ng lupain na maaaring tirhan ng mga Banal. Kinailangang may maglimbag ng mga aklat at iba pang mga lathalain. At kinailangang may magpatakbo ng isang tindahan para maglaan ng mga produkto para sa mga tao sa Sion. Sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 51–57, itinalaga at pinagbilinan ng Panginoon ang mga tao na pangasiwaan ang mga gawaing ito.

Pero kahit kailangan sa Sion ang mga kasanayan sa gayong mga bagay, itinuturo din sa mga paghahayag na ito na hangad ng Panginoon na maging espirituwal na karapat-dapat na tawagin ang Kanyang mga Banal na mga tao ng Sion—ang Kanyang mga tao. Nananawagan Siya sa bawat isa sa atin na maging “isang matapat, makatarungan, at matalinong katiwala,” na may nagsisising espiritu, “matatag” sa mga responsibilidad na itinalaga sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 51:19; 52:15; 54:2). Kung magagawa natin iyan—anuman ang ating mga temporal na kasanayan—magagamit tayo ng Panginoon para itatag ang Sion.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 51

Nais ng Panginoon na ako ay maging isang matapat, makatarungan, at matalinong katiwala.

Kung miyembro ka ng Simbahan noong 1831, maaaring naanyayahan kang ipamuhay ang batas ng paglalaan sa pamamagitan ng pagpapaubaya ng iyong mga ari-arian sa Simbahan sa pamamagitan ng bishop. Pagkatapos ay ibabalik niya sa iyo, kadalasan, ang donasyon mo, na may sobra pa kung minsan. Pero hindi na ito basta pag-aari mo—ito ang iyong pinangangasiwaan.

Iba na ngayon ang mga pamamaraan, pero mahalaga pa rin ang mga alituntunin sa gawain ng Panginoon. Habang binabasa mo ang bahagi 51, pag-isipan kung ano ang ipinagkatiwala na ng Diyos sa iyo. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang “katiwala” (talata 19) at “inilaan” (talata 5) tungkol sa mga inaasahan ng Diyos sa iyo?

Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Sa Simbahan ang pangangasiwa ay isang sagradong espirituwal o temporal na pagtitiwala na may kaakibat na pananagutan. Dahil lahat ng bagay ay pag-aari ng Panginoon, tayo ay mga katiwala sa ating katawan, isipan, pamilya, at ari-arian. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 104:11–15.) Ang matapat na katiwala ay isang taong gumagamit ng matwid na pamamahala, nangangalaga sa sarili niyang ari-arian, at nagmamalasakit sa maralita at nangangailangan” (“Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78).

Tingnan din sa “The Law of Consecration” (video), Gospel Library.

5:1

The Law of Consecration

Doktrina at mga Tipan 52:9–11, 22–27

Maaari kong anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo saanman ako magpunta.

Nang isugo ng Panginoon ang ilang pinuno ng Simbahan sa Missouri, sinabi Niya sa kanila na gamitin ang oras na ginugol sa paglalakbay at “mangaral [habang] daan” (mga talata 25–27). Paano mo maibabahagi ang ebanghelyo “[habang] daan,” o sa mga normal na kaganapan sa iyong buhay?

Doktrina at mga Tipan 52:14–19

icon ng seminary
Tinutulungan ako ng Panginoon na maiwasang malinlang.

Dahil maraming tao ang nagsabi na nagkaroon sila ng mga espirituwal na manipestasyon, nag-alala ang mga naunang Banal na baka malinlang sila. Anong babala ang ibinigay sa kanila ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 52:14? Ano ang Kanyang naging solusyon? (tingnan sa mga talata 14–19).

Ang huwaran ay isang bagay na umuulit-ulit sa regular at mahuhulaang paraan. Kabilang sa mga halimbawa ang pagbilang ng mga even number o sa pagsikat at paglubog ng araw bawat araw. Anong iba pang mga halimbawa ang naiisip mo? Habang sinasaliksik mo ang Doktrina at mga Tipan 52:14–19, tukuyin ang huwaran ng Panginoon sa pag-iwas sa panlilinlang. Maaaring makatulong na pansinin na ang “nagsisisi” ay nagpapahiwatig ng pagpapakumbaba at pagsisisi; ang “kaamuan” ay nagpapahiwatig ng kahinahunan at pagpipigil sa sarili; at ang ibig sabihin ng “patibayin” ay turuan, paghusayin, o patatagin. Sa palagay mo, bakit kabilang sa huwaran ng Panginoon ang mga katangiang ito, gayundin ang pagsunod? Paano mo maaaring sundin ang huwarang ito para maiwasang malinlang?

Bigyang-kahulugan ang mahihirap na salita. Sa Gospel Library app, maaari mong i-tap at i-hold ang isang salita at pagkatapos ay piliin ang “Define.” Sa gayon ay dadalhin ka sa kahulugan ng salitang iyon. Subukan ito kapag may nabasa kang mga di-pamilyar na salita—o mga salitang tila pamilyar na gusto mong mas maunawaan.

Ano ang ilang halimbawa ng mga panlilinlang sa ating panahon? Paano natin malalaman kapag nililinlang tayo?

Halimbawa, maaari mong suriin ang iyong mga pagpili ng mga pelikula, musika, at social media batay sa mga pamantayan sa “Lumakad sa Liwanag ng Diyos” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 16–21.

Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Huwag Mo Akong Linlangin,” Liahona, Nob. 2019, 93–96; “Guide Me to Thee,” Hymns, blg. 101; Mga Paksa at Tanong, “Seeking Truth and Avoiding Deception [Paghahanap ng Katotohanan at Pag-iwas sa Panlilinlang],” Gospel Library.

Doktrina at mga Tipan 54

Maaari akong bumaling sa Panginoon kapag nasaktan ako dahil sa mga pasiya ng ibang tao.

Nakaranas ka na ba ng kabiguan nang hindi tuparin ng isang taong inasahan mo ang kanyang mga pangako? Nangyari ito sa mga Banal mula sa Colesville, New York, na umasang makapaninirahan sa lupain ni Leman Copley sa Ohio. Para matuto mula sa karanasang ito, isiping rebyuhin ang heading ng bahagi 54 (tingnan din sa Mga Banal, 1:143–47; “A Bishop unto the Church,” Revelations in Context, 78–79). Kung mayroon kang kaibigan sa mga Banal sa Colesville, anong payo ang mahahanap mo sa bahagi 54 na ibabahagi mo sa kanila?

sakahan ni Leman Copley

sakahan ni Leman Copley

Doktrina at mga Tipan 56:14–20

Mapapalad ang mga dalisay ang puso.

Sa mga talatang ito, nagsalita ang Panginoon kapwa sa mayayaman at sa mga maralita; maaaring nakakawiling pagkumparahin ang payo Niya sa dalawang grupong ito. Ano sa mga talatang ito ang parang personal na nauugnay sa iyo?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 51:9

Kaya kong maging matapat.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na malaman ang kahulugan ng maging matapat, maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 51:9 at magbahagi ka ng mga kuwento tungkol sa mga batang nahaharap sa mga desisyon tungkol sa pagiging matapat. Maaari kang gumamit ng mga larawan, puppet na medyas, o manikang papel para maging mas kawili-wili ang mga kuwento. Paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag nagsisikap tayong maging matapat?

  • Isiping makipaglaro sa iyong mga anak. Pagkatapos, talakayin kung paano sana naiba ang laro kung mayroong nandaya. Bakit mahalagang “makitungo nang tapat” sa isa’t isa?

Doktrina at mga Tipan 52:10; 53:3; 55:1

Natatanggap ko ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

  • Ang pagtanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ay binanggit nang ilang ulit sa Doktrina at mga Tipan 51–57. Maaaring maging magandang oportunidad ito para turuan ang iyong mga anak tungkol sa ordenansang ito. Halimbawa, maaari nilang tingnan ang larawan ng isang batang kinukumpirma at ipaliwanag kung ano ang nangyayari sa larawan. Hilingin sa kanila na pumalakpak kapag narinig nila ang “pagpapatong ng mga kamay” habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 52:10; 53:3; 55:1.

  • Maaari mo ring kantahin ang “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56) o isang awiting katulad nito. Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng mga salita at parirala sa awitin na nagtuturo tungkol sa kaloob na Espiritu Santo.

    binatilyong kinukumpirma

Doktrina at mga Tipan 52:14–19

May isang huwaran ang Diyos para tulungan akong hindi malinlang.

  • Para maituro ang huwaran ng Panginoon sa pag-iwas sa panlilinlang, maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagtulong sa mga bata na makahanap ng mga halimbawa ng mga huwaran—sa kalikasan, sa makukulay na kumot o damit, o sa pang-araw-araw na buhay. Tulungan silang mahanap ang huwarang ibinigay ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 52:14–15. Tiyaking nauunawaan nila ang anumang di-pamilyar na mga salita sa mga talatang ito. Paano natin magagamit ang huwarang ito para makilala ang katotohanan?

Doktrina at mga Tipan 54:4–6

Dapat kong tuparin palagi ang aking mga tipan.

  • Sa sarili mong mga salita, ikuwento sa iyong mga anak ang nangyari sa mga Banal na nanirahan sa lupain ni Leman Copley (tingnan ang heading ng bahagi 54). Maaaring magkunwaring miyembro ng Simbahan ang iyong mga anak na nakarating sa Ohio. Ano kaya ang nadama nila nang hindi tuparin ni Leman ang kanyang tipan? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa pagtupad sa ating mga tipan o pangako? Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 54:6 para tuklasin ang mga pagpapala sa mga taong tumutupad sa kanilang mga tipan.

Doktrina at mga Tipan 55:1–4

Maaari kong gamitin ang mga pagpapalang ibinigay sa akin ng Diyos para pagpalain ang iba.

  • Para mapasimulan ang bahagi 55, maaari mong ipaliwanag na si William W. Phelps ay isang tagalathala ng pahayagan na nakaalam tungkol sa ebanghelyo at sumapi sa Simbahan. Basahin ninyo ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 55:1–4, at tulungan silang tuklasin kung ano ang nais ipagawa ng Diyos kay William. Paano Niya ipinlanong gamitin ang mga talento ni William? Maaari itong humantong sa isang talakayan kung paano tayo maaaring anyayahan ng Diyos na gamitin ang ating mga talento para pagpalain ang Kanyang mga anak.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Mga Banal na naglalaan ng kanilang mga ari-arian

Bishop Partridge Receives Consecration [Tinatanggap ni Bishop Partridge ang Paglalaan], ni Albin Veselka

pahina ng aktibidad para sa mga bata