“Hunyo 16–22: ‘Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan’: Doktrina at mga Tipan 64–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 64–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Hunyo 16–22: “Hinihingi ng Panginoon ang Puso at May Pagkukusang Isipan”
Doktrina at mga Tipan 64–66
Sa miserableng init noong Agosto 1831, naglakbay ang ilang elder pabalik sa Kirtland mula sa lupain ng Sion sa Missouri. Pawis at pagod ang mga naglalakbay, at hindi nagtagal ay nauwi sa pag-aaway ang mga tensyon. Tila matatagalan ang pagtatayo ng Sion, na isang lungsod na may pagmamahal, pagkakaisa, at kapayapaan.
Mabuti na lang, ang pagtatayo ng Sion—sa Missouri noong 1831 o sa ating puso, pamilya, at ward ngayon—ay hindi hinihingi na maging perpekto tayo. Sa halip, “kayo ay kinakailangang magpatawad,” sabi ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 64:10). Hinihingi Niya “ang puso at may pagkukusang isipan” (talata 34). At ang hinihingi Niya ay pagtitiyaga at pagsisikap, sapagkat nakatayo ang Sion sa pundasyon ng “maliliit na bagay,” na nagawa ng mga taong hindi “[napa]pagod sa paggawa ng mabuti” (talata 33).
Tingnan din sa Mga Banal, 1:152–53, 156–57.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
“Patawarin ang isa’t isa.”
Isipin ang sumusunod habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 64:1–11:
-
Mag-isip ng isang pangyayari kung kailan pinatawad ka ng Panginoon. Ano ang naramdaman mo?
-
Mayroon bang tao na kailangan mong patawarin? Bakit napakahirap patawarin ang iba? Ano ang nakakatulong sa iyo na madaig ang mga paghihirap na ito?
-
Anong mga katotohanan tungkol sa pagpapatawad sa Doktrina at mga Tipan 64:1–11 ang tila mahalaga sa iyo? Sa palagay mo, bakit tayo inuutusan ng Panginoon na “magpatawad sa lahat ng tao”? (talata 10).
Kung nahihirapan kang magpatawad, isiping pag-aralan ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo” (Liahona, Nob. 2018, 77–79) o ang mensahe ni Kristin M. Yee na “Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad” (Liahona, Nob. 2022, 36–38). Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga paraan na matutulungan ka ni Cristo na magpatawad?
Ang mga relasyon sa pamilya ay maaaring magbigay ng maraming oportunidad na magpatawad. Isipin ang mga miyembro ng inyong pamilya. Sino ang kailangan ninyong patawarin? Paano tayo “pina[hi]hirapan” (talata 8) kapag hindi natin pinatatawad ang ibang tao? Paano maaapektuhan ng pagpapatawad ang mga relasyon ninyo sa pamilya?
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Kapatawaran, Pagpapatawad,” Gospel Library; “Forgiveness: My Burden Was Made Light” (video), Gospel Library.
Doktrina at mga Tipan 64:31–34
Hinihiling ng Panginoon ang ating “puso at may pagkukusang isipan.”
“[Na]pagod” ka na ba sa lahat ng “paggawa ng mabuti” na sinisikap mong isakatuparan? Hanapin ang mensahe ng Panginoon sa iyo sa Doktrina at mga Tipan 64:31–34. Ano ang nais ng Ama sa Langit na gawin mo para maisakatuparan ang Kanyang “dakilang gawain”?
Mag-isip ng isang object lesson na maglalarawan sa talata 33—isang bagay na malaki na binubuo ng maliliit na bagay, tulad ng isang mosaic o gusaling yari sa bricks. Anong “maliliit na bagay” ang magagawa mo araw-araw para “[mailatag ang] saligan” ng dakilang gawain ng Diyos? Ano ang ilang halimbawa ng “dakilang gawain” na ibinigay sa iyo ng Panginoon?
Doktrina at mga Tipan 64:31–34
“Ang puso at may pagkukusang isipan”
Iminungkahi ni Elder Donald L. Hallstrom ang posibleng kahulugang ito para sa pariralang “puso at may pagkukusang isipan”:
“Ang puso ay simbolo ng pagmamahal at katapatan. Nagsasakripisyo tayo at nagdadala ng mga pasanin para sa mga mahal natin sa buhay na hindi natin titiisin sa iba pang kadahilanan. Kung walang pagmamahal, nababawasan ang ating katapatan. …
“Ang pagkakaroon ng ‘may pagkukusang isipan’ ay nagpapahiwatig na ginagawa natin ang lahat at iniisip natin ang pinakamaganda at hinahangad natin ang karunungan ng Diyos. Nagpapahiwatig ito na ang dapat nating pag-aralan nang husto habambuhay ay ang mga bagay na pangwalang-hanggan. Ibig sabihin ay kailangang may di-mapaghihiwalay na kaugnayan sa pagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos at pagsunod dito” (“The Heart and a Willing Mind,” Ensign, Hunyo 2011, 31–32).
Doktrina at mga Tipan 64:41–43
Ang Sion ay magiging “sagisag sa mga tao.”
Ang sagisag ay “isang watawat o bandila kung saan ang mga tao ay nagtitipon sa pagkakaisa ng layunin o pagkakakilanlan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sagisag,” Gospel Library). Paano naging parang isang sagisag ang Sion—o ang Simbahan ng Panginoon—sa iyo? Isipin ang iba pang halimbawa ng mga bagay na itinataas, tulad ng isang sagisag, para pagpalain ang mga tao: Mga Bilang 21:6–9; Mateo 5:14–16; Alma 46:11–20. Hanapin ang iba pang mga paraan ng paglalarawan ng Panginoon sa Sion sa Doktrina at mga Tipan 64:41–43.
Tingnan din sa “Let Zion in Her Beauty Rise,” Hymns, blg. 41.
Inihahanda ng kaharian ng Diyos sa lupa ang mundo para sa pagbalik ng Tagapagligtas.
Ang Doktrina at mga Tipan 65 ay nagbibigay ng nakasisiglang paglalarawan ng misyon ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw. Isiping magsaliksik sa bahaging ito, na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Ano ang nais ng Panginoon na isakatuparan ng Kanyang kaharian sa lupa? Ano ang nais Niyang gawin ko para makatulong?
Tingnan din sa “Prepare Today for the Second Coming” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Batid ng Panginoon ang mga nilalaman ng puso ko.
Hindi nagtagal matapos sumapi sa Simbahan, hiniling ni William E. McLellin kay Joseph Smith na ihayag ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Hindi ito alam ni Joseph, ngunit si William ay may limang personal na mga tanong na inasahan niyang sasagutin ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Propeta. Hindi natin alam kung ano ang mga tanong ni William, pero sinagot sa paghahayag na para sa kanya, na ngayon ay ang Doktrina at mga Tipan 66, ang bawat tanong sa “lubos at ganap na kasiyahan” ni William (“William McLellin’s Five Questions,” sa Revelations in Context, 138).
Habang binabasa mo ang bahagi 66, pag-isipan kung ano ang alam ng Panginoon tungkol kay William McLellin at sa mga alalahanin at layunin ng kanyang puso. Paano naipakita sa iyo ng Panginoon na kilala ka Niya? Kung mayroon kang patriarchal blessing, isiping pag-aralan ito. Habang ginagawa mo ito, ano ang ipinauunawa sa iyo ng Espiritu Santo tungkol sa kalooban ng Diyos para sa iyo?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Nais ni Jesucristo na patawarin ko ang lahat ng tao.
Paunawa: Habang tinuturuan mo ang iyong mga anak tungkol sa utos ng Panginoon na “magpatawad sa lahat ng tao,” maaari mong linawin na ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na hayaan ang mga tao na saktan tayo. Hikayatin silang sabihin sa isang mapagkakatiwalaang adult kung may isang taong nanakit o nanghipo sa kanila sa hindi angkop na paraan.
-
Matapos ninyong basahin ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 64:10, kausapin sila kung ano ang kahulugan ng patawarin ang isang tao. Maaari kang magbahagi ng ilang simpleng halimbawa. Marahil ay maaari nilang isadula ang mga halimbawang ito para magsanay silang magpatawad.
-
Maaari mong hilingin sa iyong mga anak na magplano kung paano nila tuturuan ang isang tao—tulad ng isang nakababatang kapatid—tungkol sa pagpapatawad sa iba. Tulungan silang maghanap ng mga parirala sa Doktrina at mga Tipan 64:7–10 na magagamit nila habang nagtuturo sila.
-
Kumanta ng isang awitin tungkol sa pagpapatawad, tulad ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Ano ang itinuturo sa atin ng awit na ito tungkol sa pagpapatawad sa iba?
Ang “dakilang gawain” ng Diyos ay nakatatag sa “maliliit na bagay.”
-
Maaari kang magpakita sa iyong mga anak ng ilang bagay na binubuo ng maliliit na bahagi, tulad ng puzzle o isang door mat. Pagkatapos maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:33. Ano ang “dakilang gawain” ng Diyos? Ano ang “maliliit na bagay” na magagawa natin na makakatulong?
Makasusunod ako kay Jesus nang buong puso’t isipan.
-
Habang nagbabasa ka sa iyong mga anak mula sa Doktrina at mga Tipan 64:34, maaari mong ituro ang iyong puso at ulo habang binabasa mo ang “puso” at “isipan,” at anyayahan ang mga anak mo na gawin ito kasabay mo. Paano natin maaaring ibigay ang ating puso (mga hangarin) at isipan (mga ideya) sa Tagapagligtas?
Kilala at mahal ako ng Panginoon.
-
Ipaunawa sa iyong mga anak na may limang tanong si William E. McLellin para sa Panginoon. Natanggap ni Joseph Smith ang mga sagot sa mga tanong na ito kahit hindi niya alam kung ano ang mga tanong ni William. Ikuwento sa iyong mga anak ang isang pagkakataon na ipinakita sa iyo ng Panginoon kung ano ang nais Niyang ipagawa sa iyo, at banggitin ang mga pagpapalang nagmula sa pagsunod sa Kanyang patnubay. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 66:4 at anyayahan ang iyong mga anak na maghanap ng mga oportunidad na maunawaan kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nila.
Maaari akong tumulong na ihanda ang mundo sa pagtanggap kay Jesucristo.
-
Habang tinitingnan ng iyong mga anak ang isang larawan ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, hilingin sa kanila na ilarawan kung ano ang nakikita nila o ang nalalaman nila tungkol sa kaganapang ito. Maaari mo ring bigyan ang iyong mga anak ng mga salita at parirala tungkol sa Ikalawang Pagparito na hahanapin sa Doktrina at mga Tipan 65. Ano ang itinuturo sa atin ng mga salita at pariralang ito? Paano tayo maaaring maghanda para sa pagbabalik ng Tagapagligtas?