Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 19–25: “Yaong sa Diyos ay Liwanag”: Doktrina at mga Tipan 49–50


“Mayo 19–25: ‘Yaong sa Diyos ay Liwanag’: Doktrina at mga Tipan 49–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 49–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

pagsikat ng araw

Mayo 19–25: “Yaong sa Diyos ay Liwanag”

Doktrina at mga Tipan 49–50

Ang Tagapagligtas ang ating “mabuting pastol” (Doktrina at mga Tipan 50:44). Alam Niya na kung minsa’y gumagala ang mga tupa at maraming panganib sa ilang. Kaya mapagmahal Niya tayong inaakay tungo sa kaligtasan na hatid ng Kanyang doktrina. Inaakay Niya tayo palayo sa mga panganib na tulad ng “mga mapanlinlang na espiritu, na humayo sa mundo, na nanlilinlang sa sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 50:2). Kadalasan, ang ibig sabihin ng pagsunod sa Kanya ay pagtalikod sa mga maling ideya o tradisyon. Totoo ito para kay Leman Copley at sa iba pa sa Ohio. Natanggap na nila ang ipinanumbalik na ebanghelyo pero pinanghawakan pa rin nila ang ilang maling paniniwala. Sa Doktrina at mga Tipan 49, ipinahayag ng Panginoon ang mga katotohanan na nagtuwid sa dating mga paniniwala ni Leman tungkol sa mga paksang tulad ng kasal at ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. At nang ang mga convert sa Ohio ay “[makatanggap] ng mga espiritu na hindi [nila] nauunawaan,” itinuro sa kanila ng Panginoon kung paano makikilala ang mga tunay na paghahayag ng Espiritu (Doktrina at mga Tipan 50:15). Matiyaga ang Mabuting Pastol sa atin, na Kanyang “maliliit na [anak]” na “kailangan[g] lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan” (Doktrina at mga Tipan 50:40).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 49; 50:24

Nais ni Jesucristo na tanggapin ko ang mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo.

Bago sumapi sa Simbahan, naging bahagi si Leman Copley ng isang relihiyosong grupo na kilala bilang United Society of Believers in Christ’s Second Appearing, na kilala rin bilang Shakers. Matapos makausap si Leman, humingi ng paglilinaw si Joseph Smith mula sa Panginoon tungkol sa ilan sa mga turo ng Shakers. Tumugon ang Panginoon sa paghahayag na nasa bahagi 49. Binanggit sa section heading ang ilan sa mga paniniwala ng Shakers.

Ano ang itinuro ng Panginoon sa bahagi 49 para ituwid ang mga paniniwala ng Shakers? Anong katibayan ang nakikita mo sa paghahayag na ito tungkol sa Kanyang pagmamahal at malasakit sa mga taong hindi taglay ang kabuuan ng Kanyang katotohanan? Paano mo sila matutulungan nang may pagmamahal at malasakit?

Ano ang tumatak sa iyong isipan tungkol sa obserbasyon ng Panginoon sa talata 2? Maaari mo itong ikumpara sa mangyayari kung bahagi lamang ng isang pelikula ang napanood mo, kung isang piraso lamang ng puzzle ang nakita mo, o isang panig lamang ng pagtatalo ang narinig mo. Paano nauugnay ang babala ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 50:24? Isipin kung ano ang ginagawa mo para makatanggap ng dagdag na liwanag mula sa Panginoon.

Tingnan din sa “Leman Copley and the Shakers,” sa Revelations in Context, 117–21.

Doktrina at mga Tipan 49:15–17

icon ng seminary
Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa plano ng Diyos.

Sa pagsisikap na sirain ang plano ng Ama sa Langit, hangad ni Satanas na lumikha ng kalituhan tungkol sa kasal. Ang Panginoon, sa kabilang dako, ay patuloy na naghahayag ng katotohanan tungkol sa kasal sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Matatagpuan mo ang ilan sa katotohanang ito sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17; Genesis 2:20–24; 1 Corinto 11:11; at sa “Ang Mag-anak: Isang Paghahayag sa Mundo.” Ilista ang mga katotohanang makikita mo. Bakit napakahalaga ng kasal sa plano ng Diyos?

Itinuro ni Elder Ulisses Soares na “ipinahahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang alituntunin ng lubos na pagiging magkatuwang ng babae at lalaki, kapwa sa mortal na buhay at sa kawalang-hanggan” (“Katuwang ang Panginoon,” Liahona, Nob. 2022, 42). Maaari mong pag-aralan ang kanyang mensahe, na hinahanap ang mga alituntunin “na nagpapalakas ng pagiging magkatuwang ng lalaki at babae.” Paano mo maisasabuhay ang mga alituntuning ito? Kung tatanungin ka ng isang tao na iba ang relihiyon kung bakit mahalaga ang kasal, paano ka sasagot? Bakit mo pinasasalamatan ang pagkaunawang ito?

Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Kasal,” “Pamilya,” Gospel Library; David A. Bednar, “Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona, Hunyo 2006, 50–54; “Renaissance of Marriage” (video), Gospel Library.

2:3

Renaissance of Marriage

Maging sensitibo sa sitwasyon ng bawat tao. Bagama’t masayang pagsasama ng mag-asawa at buhay-pamilya ang huwaran sa ebanghelyo ni Jesucristo, hindi natin nagagawang lahat na tamasahin ang mga pagpapalang ito sa buhay na ito. Sa pagtalakay sa paksang ito, maging sensitibo sa iba’t ibang sitwasyon ng indibiduwal at pamilya, lalo na sa mga tao na “matiyagang naghihintay sa Panginoon” para matupad ang mga walang-hanggang pangako (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 98:1–3).

pamilya sa labas ng templo

Doktrina at mga Tipan 50

Maaari akong protektahan ng mga turo ng Panginoon laban sa mga panlilinlang ni Satanas.

Nasabik ang mga bagong miyembro ng Simbahan sa Ohio na matanggap ang mga espirituwal na paghahayag na ipinangako sa mga banal na kasulatan. Gayunman, masigasig si Satanas na linlangin sila. Kung hinilingan kang ipaunawa sa mga miyembrong ito kung paano mapapansin ang mga tunay na paghahayag ng Espiritu Santo, anong mga alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 50 ang ibabahagi mo? (tingnan lalo na sa mga talata 22–25, 29–34, 40–46). Paano ka natulungan ng Tagapagligtas na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at ng kamalian?

Tingnan din sa 1 Corinto 14:1–28; 2 Timoteo 3:13–17.

Doktrina at mga Tipan 50:13–24

Magkasamang pinalalakas ng Espiritu ang mga guro at mag-aaral.

Ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay ng maraming oportunidad na maging mga guro at mag-aaral, kapwa sa tahanan at sa Simbahan. Ang isang paraan na maaari mong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 50:13–24 ay ang magdrowing ng isang guro at isang mag-aaral. Sa tabi ng bawat isa, ilista ang mga salita at parirala mula sa mga talatang ito na nagtuturo sa iyo ng isang bagay tungkol sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo. Kailan ka nagkaroon ng mga karanasan na nagturo sa iyo ng kahalagahan ng Espiritu sa pagtuturo at pag-aaral? Isipin kung ano ang magagawa mo para maragdagan ang iyong mga pagsisikap bilang mag-aaral at guro ng ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 50:23–25

“Yaong sa Diyos ay liwanag.”

Habang pinagninilayan mo ang mga salita ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 50:23–25, pag-isipan kung paano mo natatanggap ang liwanag ng Diyos sa iyong buhay at kung paano mo “[itataboy] ang kadiliman.” Halimbawa, paano ginagabayan ng mga talatang ito ang iyong mga pagpapasiya kung paano gugugulin ang iyong oras? anong libangan o media ang panonoorin? aling mga pag-uusap ang sasalihan? Sa anong iba pang mga desisyon ka matutulungan ng mga talatang ito? Ang isang himnong tulad ng “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49) ay maaaring magbigay-inspirasyon sa mga karagdagang ideya.

Tingnan din sa “Lumakad sa Liwanag ng Diyos,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 16–21.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 49:12–14

Masusundan ko si Jesucristo.

  • Para maituro sa iyong mga anak ang mga alituntunin sa mga talatang ito, maaari kang maghanda ng apat na binakat na paa sa papel at apat na larawang kumakatawan sa pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag, at pagtanggap sa Espiritu Santo (tingnan ang mga larawan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Maaaring ilagay ng iyong mga anak ang mga binakat na paa sa sahig sa tabi ng mga larawan. Pagkatapos ay maaari silang maghalinhinan sa paglakad sa mga binakat na paa habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 49:12–14. Ipaunawa sa kanila na kapag ginagawa natin ang mga bagay na nasa mga larawang ito, sinusundan natin si Jesucristo.

  • Maaari mo ring anyayahan ang iyong mga anak na ikumpara ang Doktrina at mga Tipan 49:12–14 sa Mga Gawa 2:38 at sa ikaapat na saligan ng pananampalataya. Anong mga pagkakatulad ang nakikita nila? Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito?

Doktrina at mga Tipan 49:15–17

Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa plano ng Diyos.

  • Para masimulan ang mga talatang ito, maaari mong ipaliwanag na ang Shakers ay isang relihiyosong grupo na naniwala na hindi dapat mag-asawa ang mga tao (tingnan ang section heading sa Doktrina at mga Tipan 49). Anyayahan ang iyong mga anak na hanapin ang mga bagay na itinuro ng Panginoon tungkol sa kasal sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17. Ano ang ibig sabihin ng “ang kasal ay inorden ng Diyos”? Maaari siguro ninyong sama-samang basahin ang unang tatlong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Pagkatapos ay pag-usapan kung bakit mahalaga ang kasal at pamilya sa Ama sa Langit.

Doktrina at mga Tipan 50:23–25

“Yaong sa Diyos ay liwanag.”

  • Para masimulan ang Doktrina at mga Tipan 50:23–25, pag-usapan ninyo ng iyong mga anak ang tungkol sa pagkakaiba ng liwanag at dilim. Bakit natin kailangan ng ilaw? Maaari ninyong sama-samang basahin ang unang talata ng “Lumakad sa liwanag ng Diyos” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (pahina 17) gayundin ang Doktrina at mga Tipan 50:23–25. Pag-usapan ang mga paraan na natatanggap natin ang liwanag ng Diyos at ang mga paraan na maitataboy natin ang kadiliman. Pagkatapos ay sama-sama ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa kanilang espirituwal na liwanag, tulad ng “Magliwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 96).

Doktrina at mga Tipan 50:40–46

Si Jesucristo ang aking Mabuting Pastol.

  • Matapos sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:40–46, maaari mong ipakita ang larawan ng Tagapagligtas na nasa dulo ng outline na ito at itanong ang mga ito: Ano ang nadarama ng isang pastol para sa Kanyang mga tupa? Sa paanong paraan nagiging isang pastol sa atin ang Tagapagligtas?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ang Mabuting Pastol

Gentle Shepherd [Magiliw na Pastol], ni Yongsung Kim

pahina ng aktibidad para sa mga bata