Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 28–Mayo 4: “Ang Batas Ko Upang Pamahalaan ang Aking Simbahan”: Doktrina at mga Tipan 41–44


“Abril 28–Mayo 4: ‘Ang Batas Ko Upang Pamahalaan ang Aking Simbahan’: Doktrina at mga Tipan 41–44,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 41–44,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

Jesucristo

Abril 28–Mayo 4: “Ang Batas Ko Upang Pamahalaan ang Aking Simbahan”

Doktrina at mga Tipan 41–44

Mabilis na lumago ang Simbahan noong 1830 at 1831, lalo na sa pagdagsa ng mga bagong miyembro sa Kirtland, Ohio. Naging kapana-panabik at nakahihikayat ang paglagong ito sa mga Banal, ngunit nagdulot din itong ilang hamon. Paano mo pagkakaisahin ang mabilis na lumalaganap na grupo ng mga mananampalataya? Partikular na tanong dito ay kung ano ang gagawin mo kapag nagdala sila ng doktrina at mga gawi mula sa dati nilang relihiyon? Halimbawa, nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland noong mga unang araw ng Pebrero 1831, nakakita siya ng mga bagong miyembro na pinaghahatian ang isang ari-arian sa tapat na pagsisikap na tularan ang mga Kristiyano sa Bagong Tipan (tingnan sa Mga Gawa 4:32–37). Gumawa ng ilang mahalagang pagwawasto at paglilinaw ang Panginoon tungkol dito at sa iba pang mga paksa. Ginawa Niya ito higit sa lahat sa pamamagitan ng isang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42 na tinawag Niyang “batas ko upang pamahalaan ang aking simbahan” (talata 59). Sa paghahayag na ito, nalaman natin ang mga katotohanan na mahalaga sa pagtatatag ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw. At nalaman natin na marami pa tayong dapat matutuhan: “Kung kayo ay hihingi,” pangako ng Panginoon, “kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 42:61).

Tingnan din sa Mga Banal, kabanata 1:130–36.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 41

“Siya na tumatanggap ng aking batas at ginagawa ito, siya ay aking [disipulo].”

Noong unang bahagi ng 1831, nagsimula nang magtipon ang mga Banal sa Ohio. Sabik silang matanggap ang batas na ipinangako ng Diyos na ihahayag doon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32). Ngunit bago ito, itinuro Niya kung paano dapat maghanda ang Kanyang mga disipulo na matanggap ang Kanyang batas. Anong mga alituntunin ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 41:1–6 na makakatulong sana sa mga Banal na matanggap ang batas ng Diyos? Paano makakatulong sa iyo ang mga alituntuning ito na makatanggap ng tagubilin mula sa Kanya?

Tingnan din sa “A Bishop unto the Church [Isang Bishop sa Simbahan],” sa Revelations in Context, 77–83.

Doktrina at mga Tipan 42

Binibigyan ako ng Panginoon ng mga kautusan dahil mahal Niya ako.

Itinuring ng mga Banal ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72 na isa sa mga pinakamahalagang natanggap ng Propeta. Isa ito sa mga unang paghahayag na inilathala. Sa loob ng maraming taon, tinawag ito ng mga Banal na “ang batas.” Bagama’t hindi kasama sa bahagi ang lahat ng utos o batas ng Panginoon, mahalagang pagnilayan kung bakit mahalaga ang mga alituntuning ito para sa bago pa lamang na naipanunumbalik na Simbahan. Bakit mahalaga ang mga ito sa atin ngayon?

Dahil ang bahagi 42 ay medyo mahaba, maaari mong isiping pag-aralan ito sa mas maliliit na bahagi, tulad ng mga sumusunod. Tukuyin ang mga alituntuning itinuro sa bawat isa, at isipin kung paano naging tanda ng pagmamahal ng Panginoon sa Kanyang mga tao ang mga batas na ito.

Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga batas at kautusan? Sa anong mga paraan ka napagpala dahil sa pagkaalam at pagsunod mo sa mga kautusan?

Doktrina at mga Tipan 42:30–42

“Alalahanin ang mga maralita.”

Bilang bahagi ng batas na inihayag sa bahagi 42, tinuruan ng Panginoon ang Kanyang mga Banal kung paano nila magagawa, tulad ng mga alagad ni Cristo noong araw, na magkaroon ng “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay” (Mga Gawa 2:44; 4 Nephi 1:3), na “walang maralita sa kanila” (Moises 7:18). Ano ang natutuhan mo mula sa Doktrina at mga Tipan 42:30–42 kung paano ipinamuhay ng mga Banal ang batas ng paglalaan? (Ang ibig sabihin ng ilaan ay isantabi ang isang bagay para sa isang sagradong layunin.)

Bagama’t wala tayong “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay” ngayon, sa mga templo ay nakikipagtipan ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipamuhay ang batas ng paglalaan. Paano mo mailalaan ang ibinigay sa iyo ng Diyos para pagpalain ang mga taong nangangailangan? Marahil ay maaaring magbigay sa iyo ng mga ideya ang pagkanta ng isang awiting tulad ng “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami” (Mga Himno, blg. 133).

Tingnan din sa Sharon Eubank, “Dalangin Ko na Gamitin Niya Tayo,” Liahona, Nob. 2021, 53–56; “The Law [Ang Batas],” sa Revelations in Context, 93–95.

si Cristo at ang mayamang binatang pinuno

Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann

Doktrina at mga Tipan 42:61, 65–68; 43:1–16

icon ng seminary
Ang Diyos ay nagbibigay ng paghahayag para gabayan ang Kanyang Simbahan—at gabayan ako.

Kunwari ay nakikipag-usap ka sa isang bagong miyembro ng Simbahan na sabik na malaman na ginagabayan ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag. Paano mo maaaring gamitin ang Doktrina at mga Tipan 43:1–16 para maipaliwanag sa kanya ang huwaran ng Panginoon sa paggabay sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang propeta? Paano mo maaaring gamitin ang Doktrina at mga Tipan 42:61, 65–68 para maituro ang tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag?

Ano ang ilan sa “mga mapayapang bagay” at masasayang bagay na natanggap mo mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu?

Para malaman kung paano narinig ng mga leader ng Simbahan ang tinig ng Panginoon, maaari mong panoorin ang isa sa mga video sa koleksyon na “Pakinggan Siya” sa Gospel Library. Isiping gumawa ng sarili mong video, na ipinaliliwanag kung paano nakikipag-ugnayan sa iyo ang Panginoon.

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96; “All Things Must Be Done in Order [Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan],” sa Revelations in Context, 50–53.

Gumamit ng mga object lesson. Ang mga object lesson o visual aid ay makakatulong sa mga taong tinuturuan mo na mas maunawaan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at matandaan ang mga iyon nang mas matagal. Halimbawa, maaari kang gumamit ng puzzle, na binuo nang paisa-isa, para magturo tungkol sa pagtanggap ng “paghahayag sa paghahayag, kaalaman sa kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 42:61).

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 41:5

Ang disipulo ay isang taong tumatanggap ng mga batas ng Diyos at sinusunod ang mga ito.

  • Para maipaalam sa iyong mga anak kung ano ang kahulugan ng maging disipulo ni Jesucristo, maaari mong isulat ang Doktrina at mga Tipan 41:5 sa isang papel, at mag-iwan ng mga patlang kung saan dapat ilagay ang salitang disipulo. Pagkatapos ay maaari nilang hanapin sa talata 5 ang nawawalang salita. Ayon sa talatang ito, ano ang kahulugan ng maging disipulo ni Jesucristo? Paano tayo nagsisikap na maging mas mabubuting disipulo ni Cristo?

Doktrina at mga Tipan 42:2

Masaya ako kapag sinusunod ko ang Panginoon.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa paglalaro ng isang game kung saan kailangan silang makinig na mabuti at sumunod sa mga tagubilin. Maaari mong gamitin ang game na ito para pag-usapan kung ano ang kahulugan ng “[pakinggan] at dinggin at sundin” ang Panginoon (Doktrina at mga Tipan 42:2). Anong mga tagubilin ang ibinigay Niya sa atin? Paano tayo pinagpapala sa pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan?

  • Maaari ninyong kumpletuhin ng iyong mga anak ang pahina ng aktibidad sa linggong ito. Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tungkol sa pagsunod sa mga batas ng Diyos, tulad ng “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo” (Aklat ng Awit Pambata, 72). Isiping ibahagi sa isa’t isa kung paano naghatid ng kaligayahan sa inyo ang pagsunod sa mga batas ng Diyos.

    klase sa Primary

Doktrina at mga Tipan 42:38

Naglilingkod ako kay Jesucristo kapag naglilingkod ako sa iba.

  • Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 42:38, tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan para mapaglingkuran nila si Jesus sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Makakakita sila ng ilang ideya mula sa video na “Pass It On” (ChurchofJesusChrist.org). Maaari din nilang tingnan ang mga larawan ng Tagapagligtas na tumutulong sa iba, nagpapagaling ng maysakit, o mabait sa mga bata (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 42, 47).

    2:3

    Pass It On

    Jesus Christ (at the pools of Bethesda) lifting a blanket under which a crippled man lies. Christ is looking compassionately at the man and extending His hand toward him. Other people are gathered around the pools and around Christ.
  • Maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang isang Tithing and Other Offerings slip at pag-usapan kung paano ito gamitin para ibigay kung ano ang mayroon tayo para mapagpala ang iba.

Doktrina at mga Tipan 43:1–7

Tanging ang propeta ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.

  • Anyayahan ang iyong mga anak na isipin na kunwari’y may isang taong tumayo sa testimony meeting at sinabi sa ward na nakatanggap siya ng paghahayag para sa buong Simbahan (halimbawa, isang paghahayag na hindi na tayo dapat kumain ng carrots o na dapat nating hugasan ng gatas ang ating mga kamay sa halip na tubig). Sinasabi niya na dapat tayong makinig sa sinasabi niya sa halip na sa propeta. Ano ang mali roon? Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 43:1–7 para alamin kung paano nagbibigay ng mga kautusan ang Panginoon sa Kanyang Simbahan.

  • Maaari ka ring magpakita ng isang larawan ng buhay na propeta, at anyayahan ang iyong mga anak na magbahagi ng isang bagay na itinuro niya kamakailan. Kung kailangan nila ng tulong, magbahagi ng isang video clip o sipi mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan. Bakit isang pagpapala ang magkaroon ng buhay na propeta ngayon?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Joseph Smith habang nagtuturo

Joseph Smith Preaching [Si Joseph Smith Habang Nangangaral], ni Sam Lawlor

pahina ng aktibidad para sa mga bata