Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mayo 5–11: “Ang mga Pangako … ay Matutupad”: Doktrina at mga Tipan 45


“Mayo 5–11: ‘Ang mga Pangako … ay Matutupad’: Doktrina at mga Tipan 45,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 45,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

pamilya sa templo

Mayo 5–11: “Ang mga Pangako … ay Matutupad”

Doktrina at mga Tipan 45

Ang paghahayag sa bahagi 45 ay natanggap “sa kagalakan ng mga Banal,” ayon sa section heading. At maraming dapat ikagalak sa paghahayag na ito. Dito ibinigay ng Tagapagligtas ang Kanyang magiliw na pangakong magsusumamo Siya para sa atin sa harapan ng Ama (tingnan sa mga talata 3–5). Binanggit Niya ang paglaganap ng Kanyang walang-hanggang tipan sa buong mundo, tulad ng “sugo sa harapan [Niya] … upang ihanda ang daan” (talata 9). At ipinropesiya Niya ang Kanyang maluwalhating Ikalawang Pagparito. Ginawa ng Tagapagligtas ang lahat ng ito habang kinikilala rin na nakababagabag ang mga panahong ito (tingnan sa talata 34), dahil sa mga panganib na mangyayari bago Siya pumarito. Pero ang panganib na iyon, ang kadilimang iyon ay hindi sapat para pawiin ang liwanag ng pag-asa. “Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo,” sabi ng Panginoon, “na ako … ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman” (talata 7). Sapat nang dahilan iyan para matanggap ang paghahayag na ito—at ang anumang payo at mga babala at katotohanang gusto Niyang ibigay—nang may kagalakan.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 45:1–5

icon ng seminary
Si Jesucristo ang aking Tagapamagitan sa Ama.

Kapag pakiramdam natin ay hindi tayo sapat o hindi karapat-dapat sa harapan ng Diyos, magkakakaroon tayo ng katiyakan mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan 45:1–5. Habang sinasaliksik mo ang mga talatang ito, isipin ang mga tanong na tulad nito:

  • Sa pakiramdam mo, aling mga salita o parirala sa mga talatang ito ang makabuluhan lalo na sa iyo?

  • Ang tagapamagitan ay isang tao na hayagang sumusuporta o nagrerekomenda sa isang tao o adhikain. Ayon sa mga talatang ito, paano ito ginagawa ni Jesucristo para sa iyo? Ano ang dahilan kung bakit kwalipikado Siya na gawin ito?

  • Ano ang natanim sa isipan mo tungkol sa mga salita ng Tagapagligtas sa Ama? (mga talata 4–5).

Maaari mo ring pag-aralan ang itinuro ni Elder Dale G. Renlund tungkol kay Jesucristo, na ating Tagapamagitan, sa, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito” (Liahona, Nob. 2018, 104–5). Ayon kay Elder Renlund, paano maikukumpara ang layunin ng Tagapagligtas sa layunin ni Lucifer?

Maaaring makaragdag ang sumusunod na mga sipi sa pagkaunawa mo sa papel ng Tagapagligtas bilang Tagapamagitan. Habang pinag-aaralan mo ang mga ito, isiping isulat ang mga parirala o katotohanang maaari mong ibahagi sa iba: 2 Nephi 2:8–9; Mosias 15:7–9; Moroni 7:27–28; Doktrina at mga Tipan 29:5; 62:1. Bakit makabuluhan ang mga pariralang ito sa iyo?

Tingnan din sa “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115; Mga Paksa at Tanong, “Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Gospel Library; “The Mediator” (video), Gospel Library.

10:47

The Mediator

Doktrina at mga Tipan 45:9–10

Ang ebanghelyo ay isang sagisag sa mga bansa.

Noong unang panahon, ang sagisag ay isang bandilang dinadala sa digmaan na ginagamit para magtulungan at magkaisa ang mga kawal. Ang sagisag ay isa ring halimbawa o tuntunin na maaaring maging sukatan ng iba pang mga bagay. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 45:9–10, pagnilayan kung paano naging sagisag para sa iyo ang iyong mga tipan sa Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 45:11–75

Babalik si Jesucristo nang may kaluwalhatian.

Ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon ay nailarawan na kapwa “dakila” at “kakilakilabot” (Malakias 4:5). Sa Doktrina at mga Tipan 45, tila parehong akma ang dalawang paglalarawan. Ang paghahayag na ito ay kinapapalooban kapwa ng seryosong babala at mga pangakong puno ng pag-asa tungkol sa pagparito ng Panginoon. Habang pinag-aaralan mo ang mga talata 11–75, pagnilayan kung paano ka maaaring maghanda para sa Ikalawang Pagparito nang may pananampalataya sa halip na takot kay Cristo. Itala ang makikita mo sa isang table na katulad nito:

Propesiya o pangako

Ang magagawa ko

Propesiya o pangako

Isang liwanag (ang ebanghelyo) ang darating sa mga nakaupo sa kadiliman (talata 28)

Ang magagawa ko

Tanggapin ang liwanag—at ibahagi ito (talata 29)

Propesiya o pangako

Ang magagawa ko

Propesiya o pangako

Ang magagawa ko

Propesiya o pangako

Ang magagawa ko

Sa video na “Men’s Hearts Shall Fail Them” (Gospel Library), anong payo ang ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson para tulungan tayong harapin nang payapa ang nakakatakot na mga sitwasyon?

3:26

Ang Puso ng mga Tao ay Magsisipanlupaypay

Doktrina at mga Tipan 45:31–32, 56–57

Maaari akong “tumayo sa mga banal na lugar” at hindi matinag.

Ano ang natutuhan mo sa Doktrina at mga Tipan 45:31–32, 56–57 tungkol sa paghahanda para sa pagparito ng Panginoon? Ano ang iyong “mga banal na lugar”? Ano ang ibig sabihin ng “hindi matitinag”? Paano mo magagawang mas banal ang kinaroroonan mo?

Pansinin na tinukoy ng Panginoon ang talinghaga ng sampung dalaga, na ikinukumpara ang langis sa talinghaga sa katotohanan at sa Banal na Espiritu. Isiping basahin ang talinghaga sa Mateo 25:1–13 na nasasaisip iyan. Anong mga kabatiran ang iyong natamo?

Tingnan din sa David A. Bednar, “Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Liahona, Nob. 2016, 102–5.

limang matatalinong birhen o dalaga

Talinghaga ng Sampung Dalaga, ni Dan Burr

Doktrina at mga Tipan 45:11–15, 66–71

Ang Sion ay isang lugar ng kaligtasan para sa mga Banal ng Diyos.

Ang mga Banal noong panahon ni Joseph Smith ay sabik na maitayo ang Sion, ang Bagong Jerusalem (tingnan sa Eter 13:2–9; Moises 7:18, 62–64). Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion—kapwa sa sinaunang lungsod noong panahon ni Enoc at sa lungsod sa mga huling araw—mula sa Doktrina at mga Tipan 45:11–15, 66–71? Ang utos ngayon na itatag ang Sion ay tumutukoy sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos saanman tayo nakatira. Ano ang maaari mong gawin para makatulong sa pagtatayo ng Sion saan ka man nakatira?

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 45:3–5

Si Jesucristo ang aking Tagapamagitan sa Ama.

  • Maaari mong ipaunawa sa iyong mga anak na ang tagapamagitan ay isang taong sumusuporta sa isa pang tao. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang mga halimbawa ng pagiging tagapamagitan na maaaring pamilyar sa kanila (tulad ng pagtatanggol sa isang kaibigan). Habang sama-sama ninyong binabasa ang Doktrina at mga Tipan 45:3–5, tulungan ang iyong mga anak na matuklasan kung sino ang ating Tagapamagitan at kung paano Niya tayo tinutulungan.

Doktrina at mga Tipan 45:32

“[Makatatayo ako] sa mga banal na lugar.”

  • Maaaring masayang maglagay ng mga larawan ng tahanan, gusali ng Simbahan, at templo sa paligid ng silid. Pagkatapos ay maaari mong bigyan ng mga clue ang iyong mga anak na naglalarawan sa mga lugar na ito at anyayahan silang tumayo malapit sa larawang inilalarawan mo. Patayuin sila nang hindi gumagalaw habang binabasa mo ang unang linya mula sa Doktrina at mga Tipan 45:32. Ano ang ilang banal na lugar na ibinibigay sa atin ng Diyos? Ipaunawa sa iyong mga anak na ang ibig sabihin ng “[tumayo] sa mga banal na lugar, at hindi [matinag]” ay piliin ang tama sa lahat ng oras, anuman ang nangyayari. Paano natin magagawang mas banal na lugar ang ating tahanan?

Doktrina at mga Tipan 45:9

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang sagisag sa sanlibutan.

  • Maaari mong ipaliwanag sa iyong mga anak na noong unang panahon, ang sagisag ay isang bandila o watawat na dinadala sa digmaan. Nakatulong ito para malaman ng mga kawal kung saan magtitipon at ano ang gagawin. Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:9, at talakayin ang mga paraan kung paano nagiging isang sagisag ang ebanghelyo. Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa paggawa ng sarili nilang sagisag o watawat, pati na ng mga larawan o salitang nagpapahayag ng kanilang damdamin tungkol sa Tagapagligtas.

pagtataas ng isang sagisag

Ang ebanghelyo ay parang isang sagisag, o bandila o watawat.

Doktrina at mga Tipan 45:44–45

Si Jesucristo ay muling paparito.

  • Maaaring matakot ang mga bata sa pagkawasak na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito. Makakatulong na ituro sila kay Jesucristo para umasam sila nang may pananampalataya! Isiping anyayahan silang pag-isipan kung ano ang nadarama nila kapag may isang espesyal na taong bumibisita, tulad ng isang lolo o lola o kaibigan. Paano sila naghahanda para sa pagbisita? Pagkatapos ay maaari mong ipakita ang isang larawan ng Tagapagligtas at basahin ang Doktrina at mga Tipan 45:44–45. Ibahagi sa isa’t isa kung ano ang nadarama ninyo tungkol sa pagparito ng Tagapagligtas.

  • Para masabik ang iyong mga anak sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, maaari mong isulat sa mga piraso ng papel ang ilan sa mga pangakong puno ng pag-asa mula sa bahagi 45 (tingnan, halimbawa, sa mga talata 44–45, 51–52, 55, 58–59, 66–71). Ibigay ang mga papel sa iyong mga anak at hilingin sa kanila na magtaas ng kamay kapag nabanggit ang pangakong nasa papel nila habang binabasa mo ang mga talata. Talakayin ang kahulugan ng mga pangakong ito. Maaari din ninyong kantahin ng iyong mga anak ang isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47).

Tulungan ang mga bata na makilala ang Espiritu. Habang tinuturuan mo ang iyong mga anak, sabihin sa kanila kapag nadarama mo ang Espiritu Santo. Ibahagi kung paano mo nadarama ang Kanyang impluwensya. Halimbawa, maaari kang makadama ng kapayapaan o kagalakan habang kumakanta ng isang awitin tungkol sa Tagapagligtas.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

The Second Coming [Ang Ikalawang Pagparito], ni Harry Anderson

pahina ng aktibidad para sa mga bata