“Mayo 12–18: ‘Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob’: Doktrina at mga Tipan 46–48,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 46–48,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mayo 12–18: “Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob”
Doktrina at mga Tipan 46–48
Nang lisanin nina Parley P. Pratt, Oliver Cowdery, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. ang Kirtland at patuloy na nangaral ng ebanghelyo, naiwan nila ang mahigit 100 na mga bagong miyembro ng Simbahan na lubhang masigasig pero walang gaanong karanasan o patnubay. Wala silang mga hanbuk ng mga tagubilin, walang mga leadership training meeting, walang mga brodkast ng pangkalahatang kumperensya—sa katunayan, ni wala pa nga silang magamit na sapat na kopya ng Aklat ni Mormon. Naakit ang marami sa mga bagong mananampalatayang ito sa ipinanumbalik na ebanghelyo dahil sa pangakong kagila-gilalas na mga paghahayag ng Espiritu, lalo na ang mga inilarawan sa Bagong Tipan (tingnan, halimbawa, sa 1 Corinto 12:1–11). Pero marami ang nahirapang tukuyin ang mga tunay na paghahayag ng Espiritu. Sa nakitang kalituhan, humingi ng tulong si Joseph Smith sa panalangin. Ang sagot ng Panginoon ay mahalaga ngayon, kung kailan tinatanggihan o binabalewala kadalasan ng mga tao ang mga bagay na ukol sa Espiritu. Muli niyang pinagtibay na ang mga espirituwal na pagpapakita ay totoo. Nilinaw rin Niya kung ano ang mga iyon: mga kaloob mula sa mapagmahal na Ama sa Langit, “na ibinigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa [Kanya] at sumusunod sa lahat ng [Kanyang] kautusan, at [sa kanya na] naghahangad na gumawa nito” (Doktrina at mga Tipan 46:9).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Tinatanggap ng Tagapagligtas ang lahat ng gustong sumamba sa Kanyang Simbahan.
Pakiramdam mo ba ay nadarama ng mga kaibigan mo at ng mga tao sa paligid mo na malugod silang tinatanggap sa mga pagsamba sa inyong ward? Ano ang ginagawa mo para gawing mga lugar na gustong balikan ng mga tao ang inyong mga miting sa Simbahan? Pagnilayan kung paano mo maipamumuhay ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 46:1–7 (tingnan din sa 2 Nephi 26:24–28; 3 Nephi 18:22–23).
Maaari mo ring pag-isipan ang isang pagkakataon na dumalo ka sa mga serbisyo sa Simbahan—o sa isang miting ng isa pang grupo—sa unang pagkakataon. Ano ang ginawa ng mga tao para ipadama sa iyo na malugod kang tinatanggap?
Tingnan din sa Moroni 6:5–9; “Awit ang Papuri sa Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 105; “Welcome” (video), Gospel Library.
Binibigyan ako ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang iba.
Naniwala ang naunang mga Banal sa mga espirituwal na kaloob pero kinailangan nila ng kaunting tulong para makilala ang mga iyon at maunawaan ang layunin ng mga iyon. Habang pinag-aaralan mo ang mga kaloob ng Espiritu sa Doktrina at mga Tipan 46:7–33, pagnilayan ang layunin “kung para saan ibinigay ang mga ito” (talata 8). Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos—ang tagapagbigay ng mga kaloob na ito?
Makakaisip ka ba ng mga halimbawa na nakita mong ginagamit ng mga tao ang mga ito o ang iba pang mga espirituwal na kaloob? Paano “[na]pakinabangan ng mga anak ng Diyos” ang mga ito? (talata 26). Maaari mo ring tingnan kung matutukoy mo ang mga halimbawa ng iba’t ibang espirituwal na kaloob sa mga banal na kasulatan tulad ng mga ito: 1 Mga Hari 3:5–15; Daniel 2:26–30; Mga Gawa 3:1–8; Helaman 5:17–19; Mormon 1:1–5; Eter 3:1–15; Doktrina at mga Tipan 6:10–12; Moises 7:13.
Ang pag-aaral mo ng mga espirituwal na kaloob ay maaaring umakay sa iyo na pagnilayan kung anong mga kaloob ang naibigay sa iyo ng Diyos. Paano mo magagamit ang mga kaloob na ito para pagpalain ang Kanyang mga anak? Kung mayroon kang patriarchal blessing, malamang na tinutukoy doon ang mga kaloob na naibigay sa iyo. Ang pagbasa sa mensahe ni Elder John C. Pingree Jr. na “Ako ay May Gawain para sa Iyo” ay maaari ding magbukas sa iyong isipan tungkol sa mga kaloob na hindi mo pa naiisip (Liahona, Nob. 2017, 32–35).
Kung gusto mong malaman kung paano magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, maaaring makatulong ang analohiya sa simula ng mensahe ni Elder Juan Pablo Villar na “Paggamit ng Ating mga Espirituwal na Kalamnan” (Liahona, Mayo 2019, 95). Anong “mga paggamit” ang makakatulong sa iyo para mapaunlad ang iyong mga espirituwal na kaloob?
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Espiritu Santo,” Gospel Library.
Nais ng Panginoon na maisulat ang kasaysayan ng Kanyang Simbahan.
Ang calling ni John Whitmer na isulat ang kasaysayan ng Simbahan ay nagpatuloy sa mahabang tradisyon ng mga tagapag-ingat ng talaan sa mga tao ng Diyos. Sa palagay mo, bakit napakahalaga sa Panginoon na maisulat ang kasaysayan? Pagnilayan ito habang binabasa mo ang bahagi 47 gayundin ang kaparehong mga tagubilin sa 2 Nephi 29:11–12; Moises 6:5; Abraham 1:28, 31. Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na itala mo tungkol sa iyong buhay?
Sa FamilySearch, maaari mong itala ang mga alaala at karanasan mula sa iyong buhay—at sa buhay ng iyong mga ninuno (tingnan sa FamilySearch.org).
Tingnan sa Henry B. Eyring, “O Tandaan, Tandaan,” Liahona, Nob. 2007, 66–69.
Maaari akong patnubayan ng Espiritu Santo habang ginagampanan ko ang aking calling.
Maaari ka sigurong makaugnay sa nadama ni John Whitmer nang naisin niyang matiyak na muli na ang kanyang calling ay nagmula sa Diyos. Ano ang sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 47 kay John Whitmer—at sa iyo—para maghikayat ng tiwala sa pagtupad sa mga calling na ibinibigay Niya?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maipadarama ko sa iba na malugod silang tinatanggap sa simbahan.
-
Matapos ninyong basahin ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 46:5, pag-usapan kung ano ang gusto ng Tagapagligtas na madama ng mga tao kapag nagpupunta sila sa Kanyang Simbahan. Anyayahan ang iyong mga anak na isipin na kunwari ay may nakita silang isang tao sa simbahan sa unang pagkakataon. Tulungan silang magpraktis ng mga paraan para maipadama sa taong ito na malugod siyang tinatanggap.
Binibigyan ako ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob para mapagpala ang iba.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na matuto tungkol sa mga espirituwal na kaloob na inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan 46:13–26, isipin ang ideyang ito. Maaari mong isulat ang mga kaloob sa mga papel at itago ang mga iyon sa paligid ng silid. Habang hinahanap ng iyong mga anak ang bawat papel, tulungan silang mahanap kung saan binabanggit ang kaloob na iyon sa bahagi 46. Para sa bawat kaloob, pag-usapan ninyo kung paano ito ginagamit para pagpalain ang iba (maaaring makatulong ang mga paglalarawan sa “Kabanata 20: Ang mga Kaloob ng Espiritu,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 77–80).
-
Sabihin sa iyong mga anak ang mga kaloob na sa pakiramdam mo ay naibigay sa kanila ng Ama sa Langit, at ipabahagi sa kanila ang mga kaloob na napapansin nila sa isa’t isa. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 46:8–9, 26, bakit tayo binibigyan ng Ama sa Langit ng mga espirituwal na kaloob? Paano natin magagamit ang ating mga kaloob para matulungan ang iba?
Maaari kong itala ang aking kasaysayan.
-
Hayaang tuklasin ng iyong mga anak kung ano ang nais ng Panginoon na gawin ni John Whitmer sa Doktrina at mga Tipan 47:1, 3. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga paboritong kuwento mula sa mga banal na kasulatan. Ipaliwanag na alam natin ang mga kuwentong ito dahil may nagtala ng mga ito.
-
Isipin kung paano mo maaaring hikayatin ang iyong mga anak na itala ang kanilang mga personal na kasaysayan. Maaari mong ibahagi ang ilan sa mga entry mula sa iyong personal journal o ang isang kuwento tungkol sa isang ninuno (tingnan sa FamilySearch.org o sa Memories app). Maaari kang magbigay ng ilang pahiwatig sa journal, tulad ng “Ano ang nangyari sa linggong ito na gusto mong malaman ng iyong mga apo?” o “Paano mo nakita ang impluwensya ng Panginoon sa iyong buhay sa linggong ito?” Maaaring idrowing ng maliliit na bata ang kanilang mga karanasan, o maaari mo silang irekord habang nagkukuwento sila. Anong mga pagpapala ang nagmumula sa pag-iingat ng isang “maayos na kasaysayan”? (Doktrina at mga Tipan 47:1).
Matutulungan ko ang iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga ipinagkaloob sa akin.
-
Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 48:2–3, maaaring kailangan mong ipaliwanag na nagpunta ang mga tao sa Ohio mula sa Silangan, at wala silang matirhan. Ano ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal para makatulong? Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga bagay na ibinigay sa kanila ng Diyos na maaari nilang ibahagi sa iba. Maaari mo ring kantahin na kasama sila ang isang awiting tulad ng “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 116).