Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 22–28: “Ang Walang-Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos”: Pasko


“Disyembre 22–28: ‘Ang Walang-Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

si Maria at ang sanggol na si Jesus

Detalye mula sa Nativity in Copper and Umber, ni J. Kirk Richards

Disyembre 22–28: Ang Walang-Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos

Pasko

Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2011], 58). Mahigit 160 taon kalaunan, ang pahayag na ito ay nagbigay-inspirasyon sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol na ilathala ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” bilang parangal sa ika-2,000 anibersaryo ng pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40).

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nagagalak tayo sa mga pagpapala ng patuloy na paghahayag sa pamamagitan ng mga makabagong propeta at apostol. Nagpapasalamat tayo sa kanilang mga inspiradong salita ng payo, babala, at panghihikayat. Ngunit higit sa lahat, tayo ay pinagpapala sa pamamagitan ng kanilang malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo—sa Kapaskuhan at sa buong taon. Hindi lamang ito nakaaantig na mga salita ng mahuhusay na manunulat o tagapagsalita sa publiko o ideya mula sa mga eksperto sa banal na kasulatan. Ito ang mga salita ng pinili, tinawag, at binigyan ng karapatan ng Diyos na “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

“Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensya.”

Ano ang sasabihin mo para suportahan ang pahayag na “walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensya [na tulad ni Jesucristo] sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo”? Hanapin ang mga sipi sa “Ang Buhay na Cristo” na nagpapatotoo sa malaking impluwensya ng Tagapagligtas. Paano ka Niya naimpluwensyahan?

Kunwari ay may isang taong hindi pamilyar sa Kristiyanismo na nagtanong sa iyo kung bakit mo ipinagdiriwang ang Pasko. Paano ka sasagot? Rebyuhin ang “Ang Buhay na Cristo” na nasasaisip ang tanong na ito, at isiping isulat ang anumang mga ideya o impresyong maisip mo.

Tingnan din sa “Why We Need a Savior” (video), Gospel Library.

2:15

Why We Need a Savior

“Nagbangon siya [mula] sa libingan.”

Sa “Ang Buhay na Cristo,” nagpapatotoo ang mga Apostol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, na binabanggit ang tatlong pagpapakita ng nagbangong Panginoon (tingnan sa talata 5). Isiping basahin ang ilang salaysay tungkol sa mga pagbisitang ito sa Juan 20; 3 Nephi 11; at Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–20. Ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga salita at kilos sa mga pagpapakitang ito?

Magtuon sa Tagapagligtas. “Ang pagbabasa ng ‘Ang Buhay na Cristo’ nang may panalangin ay parang pagbabasa ng mga patotoo nina Mateo, Marcos, Lucas, Juan, at ng mga propeta ng Aklat ni Mormon. Palalakasin nito ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas at tutulungan kayong manatiling nakatuon sa Kanya” (M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 65).

“Ang Kanyang pagkasaserdote at Kanyang Simbahan ay ipinanumbalik na.”

Sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan ngayong taon, nagkaroon ka ng pagkakataong malaman ang iba pa kung paano naipanumbalik ang “pagkasaserdote ng Tagapagligtas at ang Kanyang Simbahan.” Aling ipinanumbalik na mga katotohanan o alituntunin ang naging lalong makabuluhan sa iyo? Isiping rebyuhin ang ilan sa sumusunod na mga talata na nagtuturo tungkol sa Pagpapanumbalik: Doktrina at mga Tipan 1:17–23; 13; 20:1–12; 65; 110; 112:30–32; 124:39–42; 128:19–21. Pagnilayan kung paano nakakatulong ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo na makilala mo at mahalin si Jesucristo.

“Darating ang panahon na babalik Siyang muli sa mundo.”

Ang Pasko ay isang panahon para gunitain ang araw ng pagsilang ni Jesucristo at asamin ang araw na muli Siyang darating. Ano ang matututuhan mo tungkol sa Kanyang pagbabalik mula sa pangalawa sa huling talata ng “Ang Buhay na Cristo”? Maaari mo ring isiping basahin, kantahin, o pakinggan ang mga himnong Pamasko na nagtuturo tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “O Magsaya” o “Hatinggabi nang Dumating” (Mga Himno, blg. 121, 126).

icon ng seminary
“Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”

Sa huling talata ng “Ang Buhay na Cristo,” pansinin ang mga katangian at titulong ibinigay sa Tagapagligtas. Isiping gumugol ng oras sa pag-aaral tungkol sa ilan sa mga ito. Halimbawa:

Liwanag: Paano naging parang liwanag si Jesucristo sa iyo? Maaari kang magdrowing ng isang larawan o kumuha ng retrato na kumakatawan, para sa iyo, sa liwanag na ibinibigay Niya sa iyo. Ano ang nahihikayat kang gawin para maibahagi ang Kanyang liwanag? (Tingnan din sa Juan 8:12; 3 Nephi 18:24; Doktrina at mga Tipan 50:24.)

Buhay: Sa palagay mo, bakit mabuting salita ang buhay para ilarawan si Jesucristo? Paano ka Niya binibigyan ng buhay? Paano maiiba ang iyong buhay kung wala Siya at ang Kanyang ebanghelyo? (Tingnan din sa Juan 10:10; 1 Corinto 15:19–23; Doktrina at mga Tipan 66:2.)

Pag-asa: Ano ang inaasam mo dahil kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? May kakilala ka ba na nawawalan ng pag-asa tungkol sa hinaharap? Pagnilayan kung paano mo maibabahagi sa taong iyon ang pag-asang nadarama mo kay Jesucristo. (Tingnan din sa Roma 8:24–25; Eter 12:4; Moroni 7:41.)

Tingnan din sa Mga Paksa at mga Tanong, “Jesucristo,” Gospel Library.

Jesucristo

“Salamat sa Diyos sa [Kanyang] walang-kapantay na kaloob.”

Sa “Ang Buhay na Cristo,” tinutukoy ng mga Apostol ang Tagapagligtas bilang isang “kaloob” mula sa ating Ama sa Langit. Batay sa mapag-alaman mo sa “Ang Buhay na Cristo,” paano mo kukumpletuhin ang pangungusap na ito: “Sa pamamagitan ni Jesucristo, ibinibigay sa akin ng Diyos ang mga kaloob na …” Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para mas lubos na matanggap ang mga kaloob na ito.

Paano naapektuhan ng pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo” ang iyong pananampalataya at pagmamahal sa Tagapagligtas?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo” (Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 2, 2018), Gospel Library; “Excerpts from ‘The Living Christ: The Testimony of the Apostles’” (video), ChurchofJesusChrist.org.

2:45

Excerpts from "The Living Christ: The Testimony of the Apostles"

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon 03 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Maaari kong “[ialay ang aking] patotoo” para ipagdiwang ang pagsilang ni Jesus.

  • Isipin kung paano mo ituturo sa iyong mga anak ang “Ang Buhay na Cristo.” Maaari mo siguro silang tulungang ituro ang pangalang Cristo sa pamagat at ang mga lagda ng Unang Panguluhan at Labindalawa. Maaari mong ipaliwanag na ito ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo na nais nilang ibahagi sa mundo.

  • Maaari mong bigyan ang bawat bata ng isang parirala mula sa “Ang Buhay na Cristo” at hilingin sa kanila na hanapin o idrowing ang pariralang iyon. Pagkatapos ay maaari mo silang tulungang hanapin ang parirala sa “Ang Buhay na Cristo.” Maaari mo ring pagsama-samahin ang mga larawan at pariralang iyon sa isang aklat.

  • Ibahagi sa isa’t isa kung paano mo natamo ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo. Maaari ka sigurong magpasa sa paligid ng isang larawan ng Tagapagligtas at maghalinhinan kayo sa pagbabahagi ng isang bagay na alam ninyo tungkol sa Kanya (pati na sa mga katotohanang itinuro sa “Ang Buhay na Cristo”).

ang pagsilang ni Jesucristo

“Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti.”

  • Habang binabasa mo at ng iyong mga anak ang ikalawang talata ng “Ang Buhay na Cristo,” kausapin sila tungkol sa ilan sa mga bagay na ginawa ni Jesus. Maaari mo ring tingnan ang mga larawan mula sa Kanyang buhay (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito at sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Anyayahan ang iyong mga anak na pag-usapan kung ano ang ginagawa ni Jesus sa mga larawan. Paano natin mapaglilingkuran ang iba tulad ng ginawa Niya? Ang mga video na “Light the World” sa Gospel Library ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya.

“Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”

  • Tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang mga Pamaskong himno na bumabanggit sa liwanag, buhay, at pag-asa na inihatid ng pagsilang ng Tagapagligtas sa mundo, tulad ng, “Munting Bayan ng Betlehem” (Mga Himno, blg. 127). Sama-samang kantahin ang mga himno, at hayaang ibahagi ng iyong mga anak kung paano naghatid ng liwanag, buhay, at pag-asa si Jesus sa kanilang buhay.

“Salamat sa Diyos sa walang-kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”

  • Anong mga kaloob ang natanggap natin dahil kay Jesucristo? Marahil ay maaari ninyong hanapin ng iyong mga anak ang mga kaloob na ito sa “Ang Buhay na Cristo” o sa isang awitin na tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak,” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 20). Pagkatapos ay maaari nilang balutan ng panregalo ang isang bagay para kumatawan sa mga kaloob na iyon. Maaari mong imungkahi na buksan ng iyong mga anak ang mga regalo sa Araw ng Pasko para tulungan silang maalala ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga kaloob sa atin.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.