“Disyembre 1–7: ‘Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay’: Doktrina at mga Tipan 137–138,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 137–138,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Disyembre 1–7: “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”
Doktrina at mga Tipan 137–138
Ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 137 at 138 ay mahigit 80 taon at 1,500 milya (1,500 km) ang pagitan. Ang bahagi 137 ay natanggap ni Propetang Joseph Smith noong 1836 sa Kirtland Temple, at ang bahagi 138 ay natanggap ni Joseph F. Smith, ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan, noong 1918 sa Salt Lake City. Ngunit ayon sa doktrina, lubhang magkatulad ang dalawang pangitaing ito. Kapwa sinasagot ng mga ito ang mga tanong ng maraming tao—pati na ng mga propeta ng Diyos—tungkol sa kabilang buhay. Inisip ni Joseph Smith ang kapalaran ng kapatid niyang si Alvin, na namatay nang hindi nabibinyagan. Madalas mag-isip si Joseph F. Smith, na namatayan din ng mga magulang at 13 anak nang wala sa panahon, tungkol sa daigdig ng mga espiritu at tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo roon.
Ang bahagi 137 ay naghahatid ng kaunting paunang liwanag sa tadhana ng mga anak ng Diyos sa kabilang buhay, at nagbigay pa ang bahagi 138 ng mas detalyadong impormasyon. Magkasama, nagpapatotoo pareho ang mga paghahayag na ito tungkol sa “dakila at kahanga-hangang pag-ibig na ipinakita ng Ama at ng Anak” (Doktrina at mga Tipan 138:3).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 137; 138:30–37, 57–60
Lahat ng anak ng Ama sa Langit ay magkakaroon ng pagkakataong piliin ang buhay na walang hanggan.
Si Alvin Smith, ang pinakamamahal na kapatid ni Propetang Joseph, ay pumanaw anim na taon bago ipinanumbalik ng Diyos ang awtoridad na magbinyag. Ang karaniwang pagkaunawa ng ilang Kristiyano noong 1836 ay na kung mamatay ang isang tao nang hindi nabibinyagan, hindi mapupunta sa langit ang taong iyon. Inisip ni Joseph ang walang-hanggang kaligtasan ni Alvin sa loob ng maraming taon—hanggang sa matanggap niya ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 137.
Maraming tao ngayon ang may gayon ding mga tanong. Bakit humihingi ang Diyos ng mga ordenansa at tipan samantalang napakaraming taong hindi nagkaroon ng pagkakataon na matanggap ang mga ito? Ano ang sasabihin mo sa isang taong nag-iisip tungkol dito? Paano mo palalakasin ang kanilang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang mga hinihingi para maligtas? Maghanap ng mga katotohanang maibabahagi mo sa bahagi 137 at sa bahagi 138:30–37, 57–60. Maaari mo ring hanapin ang mga katotohanang ito na ipinahayag sa himnong “The Glorious Gospel Light Has Shone” (Hymns, blg. 283) at sa mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring na “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos” (Liahona, Mayo 2017, 19–22).
Habang nag-aaral ka at nagninilay, maaari mong itala ang iyong mga impresyon sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga pangungusap na tulad nito:
-
Dahil sa mga paghahayag na ito, alam ko na ang Ama sa Langit ay .
-
Dahil sa mga paghahayag na ito, alam ko na ang plano ng kaligtasan ng Ama ay .
-
Dahil sa mga paghahayag na ito, gusto kong .
Tingnan din sa Mga Banal, 1:266–69.
Doktrina at mga Tipan 138:1–11, 25–30
Ang pagbasa at pagninilay sa mga banal na kasulatan ay inihahanda akong tumanggap ng paghahayag.
Kung minsan, dumarating ang paghahayag kahit hindi natin hinahanap ito. Ngunit mas madalas itong dumarating dahil masigasig tayong naghahanap at naghahanda para dito. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 138:1–11, 25–30, pansinin kung ano ang pinagninilayan noon ni Pangulong Joseph F. Smith nang “ang mga mata ng [kanyang] pang-unawa ay nabuksan.” Maaari mo ring ikumpara ang kanyang karanasan sa 1 Nephi 11:1–6; Joseph Smith—Kasaysayan 1:12–19. Pagkatapos ay isipin kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Pangulong Smith. Halimbawa, anong mga pagbabago ang nahihikayat kang gawin sa iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan para makatanggap ng mas maraming personal na paghahayag?
Sa kanyang mensaheng “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay” (Liahona, Nob. 2018, 71–74), iminungkahi ni Pangulong M. Russell Ballard ang iba pang mga paraan na inihanda si Pangulong Smith sa pagtanggap ng paghahayag na ito. Ano ang matututuhan mo mula sa kanyang mga karanasan? Isipin kung paano ka naihanda ng Panginoon para sa mga karanasan mo ngayon—at kung paano ka Niya inihahanda para sa mga karanasan mo sa hinaharap.
Tingnan din sa Mga Banal, 3:252–56; “Ministry of Joseph F. Smith: A Vision of the Redemption of the Dead” (video), Gospel Library.
Doktrina at mga Tipan 138:25–60
Patuloy ang gawain ng Tagapagligtas sa kabilang panig ng tabing.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na, “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan” (“Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118–19). Pagnilayan ang pahayag na ito habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 138:25–60. Maaari mo ring isaalang-alang ang mga tanong na ito:
-
Ano ang matututuhan mo mula sa mga talatang ito kung paano isinasakatuparan ang gawain ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu? Bakit mahalagang malaman mo na nagaganap na ang gawaing ito?
-
Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga sugo ng Panginoon sa daigdig ng mga espiritu?
-
Paano pinalalakas ng paghahayag na ito ang iyong pananampalataya sa plano ng pagtubos ng Diyos?
Kung gusto mong malaman ang iba pa tungkol sa daigdig ng mga espiritu, maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Magtiwala sa Panginoon” (Liahona, Nob. 2019, 26–29).
Tingnan din sa “Susa Young Gates and the Vision of the Redemption of the Dead,” sa Revelations in Context, 315–22; “A Visit from Father” (video), Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 137:5–10; 138:18–35
Lahat ng anak ng Ama sa Langit ay magkakaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo.
-
Para malaman kung ano ang magiging halaga para kay Joseph Smith na makita ang ilan sa kanyang mga kapamilya sa kahariang selestiyal, maaaring panoorin ng iyong mga anak ang video na “Ministry of Joseph Smith: Temples” (Gospel Library), o maaari mong ibahagi ang Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 152–53 (o ang kaukulang video sa Gospel Library). Marahil ay maaari din ninyong pag-usapan ang tungkol sa isang taong kilala ninyo na namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan. Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 137:5–10 tungkol sa taong iyon?
-
Isiping gamitin ang larawan ng libingan ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 58, o ang mga Larawan sa Biblia, blg. 14) at ang larawan sa dulo ng outline na ito para ituro sa iyong mga anak kung saan nagpunta ang espiritu ni Jesus habang nasa libingan ang Kanyang katawan. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:18–19, 23–24, 27–30 para malaman kung ano ang ginawa ni Jesus habang Naroon Siya. Sino ang binisita Niya? Ano ang hiniling Niya na gawin nila? Bakit Niya ito ginawa?
-
Maaari mo ring gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para tulungan ang iyong mga anak na ikumpara ang itinuturo ng mga missionary sa panig na ito ng tabing (tingnan, halimbawa, sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4) sa itinuturo ng mga missionary sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:33). Ano ang magkatulad sa mga talatang ito, at ano ang magkaiba? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano?
Doktrina at mga Tipan 138:1–11
Habang pinagninilayan ko ang mga banal na kasulatan, matutulungan ako ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga ito.
-
Habang sama-sama ninyong binabasa ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 138:1–11, maaari mo silang anyayahang magkunwari na sila si Pangulong Joseph F. Smith at gumawa ng mga kilos na naaayon sa mga salita sa mga talata 6 at 11. Maaari ka ring magpakita sa kanila ng isang larawan ni Pangulong Smith (may isa sa outline na ito) at ipaliwanag mo na siya ang ikaanim na Pangulo ng Simbahan. Maaari din ninyong pag-usapan ang isang pagkakataon na pinagnilayan mo ang isang bagay sa mga banal na kasulatan at tinulungan ka ng Espiritu Santo na maunawaan ito.
-
Isiping sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Ano ang sinasabi ng awiting ito na dapat nating gawin para maunawaan ang mga banal na kasulatan?